28,299 total views
Mga Kapanalig, kabubukás pa lamang ng mga klase nitong Hunyo, sinusubok na agad ang ating mga paaralan ng mga insidente ng karahasan.
Noong ika-22 ng Hunyo, dalawang estudyante, edad 14 at 15, ang walang habas na namaril sa isang paaralan sa Tacloban City. Tatlong estudyante ang nasawi at umabot sa bente ang sugatan. Nangyari ito ilang araw lamang matapos ang dalawang magkahiwalay na kaso naman ng pananaksak sa Cavite. Sa General Trias City, isang Grade 8 na estudyante ang nanaksak ng pitong Grade 5 students gamit ang kitchen knife. Sa Cavite City naman, isang Grade 11 na estudyante ang nagtamo ng limang saksak mula sa nakaalitang kamag-aral.
Hustisya ang sigaw ngayon ng mga pamilya ng mga biktima. Pero ano nga ba ang porma ng hustisya para sa mga menor de edad na nagkasala?
Ayon sa Republic Act No. 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act na inamyendahan ng RA 10630, ang mga batang edad 15 pababa na nakagagawa ng paglabag sa batas o mga children in conflict with the law (o CICL) ay hindi itinuturing na criminally liable. Samantala, ang mga mahigit 15 pero wala pang 18 taóng gulang ay mapananagot pa rin kung mapatutunayang kumilos sila nang may discernment o ang kakahayang alamin ang tama at mali.
Marami ang tumuligsa sa batas dahil pinapakawalan at pinoprotektahan daw nito ang mga CICL. Pero tandaan natin ang hustisya ay hindi lamang nakakamit sa pagkukulong. Hindi ibig sabihin na walang criminal liability ay malaya na silang makaiiwas sa pananagutan. Sila pa rin ay malalagay sa isang pasilidad at sasailalim sa mga programang naaangkop sa kanilang edad at kalagayan na naglalayong panagutin at ituwid sila.
Ang ganitong edad ay nasa critical stage of development pa. Kaya kapag nailagay sila sa tamang kapaligiran at nabigyan ng wastong paggabay, may pagkakataon pa silang maituwid ang kanilang landas at maging mabuting miyembro ng lipunan.
Muli ring lumalakas ang panawagang babaan ang tinatawag na minimum age of criminal responsibility. Pero tákot na makulong ba ang pinakamabisang paraan para maituwid ang kamaliang ginawa ng isang bata? Mas mahalagang tugunan ang ugat ng karahasan: bakit may mga batang umaabot sa puntong nagagawa nilang manakit at pumatay?
Dito pumapasok ang mahalagang papel ng tahanan, paaralan, at lipunan. Ang paghubog ng pagkatao ay hindi nagsisimula sa silid-aralan kundi sa loob ng tahanan. Sabi nga sa Kawikaan 22:6, “turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at paglaki niya ay hindi niya ito malilimutan.” Sa bahay unang natututunan ang disiplina, pananagutan, at pagkontrol ng emosyon. Ang paaralan ay katuwang ng pamilya sa pagpapatibay ng mga ito. Sa lipunan naman nahuhubog ang pagtingin ng kabataan sa tama at mali batay sa kanilang mga nararanasan. Kapag karahasan ang palagi nilang nasasaksihan, online man o sa paligid, maaari nila itong ituring na normal. Kapag humina ang paggabay sa tahanan, paaralan, at lipunan, mas madaling makapasok sa buhay ng kabataan ang impluwensiya ng karahasan, gálit, at kawalan ng malasakit sa kapwa.
Mga Kapanalig, malungkot man nating sasalubungin ang School Safety Month ngayong Hulyo, magsilbi sana itong paalala na ang tunay na kaligtasan sa ating mga paaralan ay nagsisimula sa paghubog ng mga kabataang marunong gumalang sa dignidad ng kanilang kapwa. Kung nais nating wakasan ang karahasan, kailangan nating palakasin ang ating mga tahanan, paaralan, at komunidad upang mahubog ang kabataan na pahalagahan ang buhay nila at ng iba. Hindi pa huli ang lahat. Sa pamamagitan ng wastong paggabay, pagmamahal, at sama-samang pagkilos, maibabalik natin ang mga paaralan bilang lugar ng pagkatuto, pag-asa, at ligtas na kinabukasan para sa bawat kabataan.
Sumainyo ang katotohanan.




