Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Biyernes, Agosto 29, 2025

SHARE THE TRUTH

 346 total views

Paggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan, ang Tagapagbinyag, Martir

Jeremias 1, 17-19
Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17

Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.

Marcos 6, 17-29

Memorial of the Passion of Saint John the Baptist (Red)

UNANG PAGBASA
Jeremias 1, 17-19

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias

Noong mga araw na iyon, sinabi sa akin ng Panginoon, “Magpakatatag ka; humayo ka at sabihin mo sa kanila ang lahat ng iuutos ko. Huwag kang matatakot sa kanila ngayon. Pag hindi ka sumunod sa akin, lalo kang matatakot kung naroon ka na sa kalagitnaan nila. Pakinggan mong mabuti ito, Jeremias! Ang bawat isa sa lupaing ito — ang mga hari ng Juda, ang mga pinuno, ang mga saserdote, at ang buong bayan — ay sasalungat sa iyo. Ngunit gagawin kitang sintibay ng isang lungsod na naliligid ng mga muog, sintatag ng haliging bakal, o pader na tanso. Hindi ka nila matatalo sapagkat ako ang mag-iingat sa iyo. Akong Panginoon ang nagsasabi nito.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17

Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.

Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,
h’wag mo akong pabayaang mapahiya at malupig;
tulungan mo ako ngayon yamang ikaw ay matuwid.
Ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.

Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.

Ikaw nawa ang muog ko at ligtas na kakanlungan,
matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.
Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako’y ipaglaban,
sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan.

Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.

Panginoon sa iyo ko inilagak ang pag-asa.
Maliit pang bata ako, sa iyo’y may tiwala na;
sa simula at mula pa wala akong inasahang
mag-iingat sa sarili, kundi tanging ikaw lamang;
kaya naman ikaw, Poon, pupurihin araw-araw.

Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.

Pagkat ikaw ay dakila, patuloy kong isasaysay,
maghapon kong ihahayag ang dulot mong kaligtasan:
sapul pa sa pagkabata ako’y iyong tinuruan,
hanggang ngayo’y sinasambit ang gawa mong hinangaan.

Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.

ALELUYA
Mateo 5, 10

Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang inuusig
sa gawang puspos ng bait
pagkat may kakamting langit.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 6, 17-29

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, si Herodes ang nagpahuli, nagpagapos at nagpabilanggo kay Juan dahil kay Herodias. Ang babaing ito’y asawa ni Felipe na kapatid ni Herodes ngunit kinakasama niya. Laging sinasabi sa kanya ni Juan, “Hindi matuwid na kunin ninyo ang asawa ng inyong kapatid.” Kaya’t si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan. Hinangad niyang ipapatay ito, ngunit hindi niya magawa, sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Alam niyang ito’y taong matuwid at banal, kaya’t ipinagsasanggalang niya. Gustong-gusto niyang makinig kay Juan, bagamat labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito.

Sa wakas ay nagkaroon ng pagkakataon si Herodias nang anyayahan ni Herodes sa kanyang kaarawan ang kanyang mga kagawad, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. Pumasok ang anak na babae ni Herodias at nagsayaw. Labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya’t sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo sa akin ang anumang ibig mo at ibibigay ko sa iyo.” At naisumpa pa niyang ibibigay kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihilingin. Lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan Bautista,” sagot ng ina. Dali-daling nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari. “Ang ibig ko po’y ibigay ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan Bautista,” sabi niya. Labis na nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang sumpa na narinig ng kanyang mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. Kaagad niyang iniutos sa isang bantay na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod ang bantay at pinugutan si Juan sa bilangguan, inilagay ang ulo sa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Agosto 29
Ang Pagpapakasakit ni San Juan Bautista

Marami ang nagpatotoo sa kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng kanilang buhay. Dahil sa pagkabatid natin na ang ating misyon sa mundo ay maging mga propeta, manalangin tayo sa ating mapagmahal na Ama na gawin tayong tapat sa ating bokasyon.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Sumaamin nawa ang Iyong lakas, Panginoon.

Ang Simbahan nawa’y may tapang na tuparin ang kanyang propetikong misyon na ipahayag ang Ebanghelyo nang walang takot o kompromiso, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga naglilingkod sa pamahalaan nawa’y magkaroon ng budhing matatag na nakabatay sa katapatan at moralidad, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating pamayanan nawa’y manindigan at magsalita para sa katarungan at dignidad ng tao, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y hindi panghinaan ng loob dahil sa mga pagsubok sa buhay bagkus higit na maging matatag sa pananampalataya sa pamamagitan ng mga ito, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nasa bingit ng kamatayan nawa’y pukawin ng sigla ng pangaral at halimbawa ni San Juan Bautista, manalangin tayo sa Panginoon.

Diyos naming makapangyarihan, pinagpala mo kami ng pangaral at halimbawa ni San Bautista. Maialay nawa namin ang aming buhay sa paglilingkod sa iyo sa pamamagitan ng aming pangangaral at buhay. Hinihiling namin to sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Cha-cha talaga?

 859 total views

 859 total views Mga Kapanalig, umuugong na naman ang panukalang amyendahan ang ating Saligang Batas.  Isa sa mga nagbunsod nito ay ang hindi pagkakasundo ng mga

Read More »

Mga mata ng taumbayan

 16,952 total views

 16,952 total views Mga Kapanalig, mainit na usapin pa rin ngayon ang mga maanomalyang flood control projects. Bilyun-bilyong piso kasi ang inilalaan ng ating pamahalaan para

Read More »

Bumabaha sa katiwalian

 35,600 total views

 35,600 total views Mga Kapanalig, hindi lang dismayado si Pangulong Bongbong Marcos Jr sa mga anomalyang nakapalibot sa malalaking flood control projects. Galit na raw siya.

Read More »

POOR GETTING POORER

 87,289 total views

 87,289 total views Bakit hindi na nakaka-ahon sa kahirapan ang maraming Pilipino habang patuloy namang yumayaman ang mga mayayaman na? Ano ang pumipigil sa mga mahihirap

Read More »

LUCKY 15

 105,501 total views

 105,501 total views Sila ang pinagpala., ang 15 kumpanyang ito ang nakakuha ng mahigit sa 100-bilyong pisong flood control projects 0 20-porsiyento ng kabuuang flood control

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Huwebes, Agosto 28, 2025

 1,187 total views

 1,187 total views Paggunita kay San Agustin, obispo at pantas ng Simbahan 1 Tesalonica 3, 7-13 Salmo 89, 3-4. 12-13. 14 at 17 Pag-ibig mo’y ipadama,

Read More »

Miyerkules, Agosto 27, 2025

 2,109 total views

 2,109 total views Paggunita kay Santa Monica 1 Tesalonica 2, 9-13 Salmo 138, 7-8. 9-10. 11-12ab Ako’y iyong siniyasat, kilala mo akong ganap. Mateo 23, 27-32

Read More »

Martes, Agosto 26, 2025

 2,949 total views

 2,949 total views Martes ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 1 Tesalonica 2, 1-8 Salmo 138, 1-3. 4-6 Ako’y iyong siniyasat, kilala mo akong ganap.

Read More »

Lunes, Agosto 25, 2025

 3,623 total views

 3,623 total views Lunes ng Ika-21 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Luis IX o kaya Paggunita kay San Jose de Calasanz, pari

Read More »

Linggo, Agosto 24, 2025

 3,674 total views

 3,674 total views Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Isaias 66, 18-21 Salmo 116, 1. 2 Humayo’t dalhin sa tanan Mabuting Balitang aral. Hebreo 12, 5-7.

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top