5,301 total views
Biyernes ng Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay Santa Teresa Benedicta dela Cruz, dalaga at martir
Nahum 2, 1. 3; 3, 1 – 3. 6-7
Deuteronomio 32, 35kd-36ab. 39abkd. 41
Nasa pasya ng Maykapal
ang buhay at kamatayan.
Mateo 16, 24-28
Friday of the Eighteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of Saint Teresa Benedicta of the Cross, virgin and martyr (Red)
UNANG PAGBASA
Nahum 2, 1. 3; 3, 1 – 3. 6-7
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Nahum
Masdan mo’t dumarating na ang maghahatid ng mabuting balita, at magpapahayag ng kapayapaan! Ipagdiwang mo ang iyong mga pista, Juda, at tuparin ang iyong mga pangako, sapagkat hindi na muling darating sa iyo ang masama, siya’y ganap nang naparam.
Panunumbalikin ng Panginoon ang kadakilaan ni Jacob, gaya ng nararapat sa Israel. Sapagkat hinuburan sila ng mga lumusob at sinira ang kanilang mga ubasan.
Kawawa ka, lungsod na mamamatay-tao,
bayang sinungaling at mangangamkam; walang katapat sa sama!
Lumalagapak ang mga latigo,
Rumaragasa ang mga gulong, nagdadambahan ang mga kabayo!
Humahaginit ang mga karwahe.
Sumusugod ang mga mangangabayo, kumikinang ang kanilang tabak,
Kumikislap ang dulo ng sibat; di mabilang ang patay.
Naghambalang ang mga bangkay,
natitisod ng nagdaraan.
Tatabunan kita ng dumi, gagawing hamak, at iismiran.
Lalayuan ka ng lahat ng makakakita sa iyo.
Sasabihin nila, “Hayan ang Ninive!
Sino ang tatangis sa kanya?”
At saan ako hahanap ng aaliw sa kanya?
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Deuteronomio 32, 35kd-36ab. 39abkd. 41
Nasa pasya ng Maykapal
ang buhay at kamatayan.
Darating ang araw ng aking paniningil at paghihiganti,
hanggang sa sila’y humapay at mabuwal
pagkat ang wakas nila ay malapit na.
Ililigtas ng Poon ang kanyang bayan
siya’y mahahabag sa mga maglilingkod sa Kanya.
Nasa pasya ng Maykapal
ang buhay at kamatayan.
“Malalaman ngayong ako ay ako nga,
at maliban sa akin, wala nang Diyos.
Ako’y pumapatay at maaaring bumuhay,
napapagaling ko ang aking sinusugatan.
Nasa pasya ng Maykapal
ang buhay at kamatayan.
Ihahasa ko itong aking tabak
at ang katarunga’y aking igagawad
ang parusa’y ibabagsak ko sa mga kaaway
at sisingilin ko ang sa aki’y nagsusuklam.”
Nasa pasya ng Maykapal
ang buhay at kamatayan.
ALELUYA
Mateo 5, 10
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang inuusig
sa gawang puspos ng bait,
pagkat may kakamting langit.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 16, 24-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon. Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay? Ano ang maibabayad ng tao para mabalik sa kanya ang kanyang buhay? Sapagkat darating ang Anak ng Tao na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama at kasama ang kanyang mga anghel. Sa panahong yao’y gagantihin niya ang bawat tao ayon sa kanyang ginawa. Sinasabi ko sa inyo: may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hangga’t di nila nakikita ang Anak ng Tao na pumaparito bilang Hari.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Sa pamamagitan ng paglimot sa sarili, pinapasan natin ang ating krus sa araw-araw sa pagsunod sa yapak ng ating Panginoon. Manalangin tayo upang mapawi ang pagiging makasarili na naghihiwalay sa atin sa Diyos.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Makapangyarihang Diyos, bigyan Mo kami ng kapangyarihan.
Ang Santo Papa at mga obispo nawa’y pasanin ang kanilang krus ng pastoral na pagkalinga at tungkulin na walang makasariling sakripisyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng tumanggap ng bigat ng tungkuling publiko nawa’y lumago sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang responsable, totoo, at malinis na pagsasagawa ng kanilang tungkulin, manalangin tayo sa Panginoon.
Buong puso nawa nating suportahan ang pagsulong ng katotohanan at labanan ang patagong impluwensya ng kasamaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga biktima ng opresyon nawa’y magtamo ng katarungan, kalayaan, at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdusa at namatay para sa pananampalataya nawa’y umani ng makalangit na gantimpala, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama ng aming Panginoong Jesu-Kristo, tanggapin mo ang mga panalangin ng naglalakbay mong bayan na naghahangad na matagpuan ang iyong kalooban sa pagsunod sa mga yapak ng iyong Anak, siya na nabubuhay at naghahari kasama mo at ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.