5,306 total views
Paggunita kay Santo Domingo, pari
Jeremias 31, 31-34
Salmo 50, 12-13. 14-15. 18-19
Diyos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.
Mateo 16, 13-23
Memorial of St. Dominic, Priest (White)
Mga Pagbasa mula sa
Huwebes ng Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
Jeremias 31, 31-34
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Sinasabi ng Panginoon, “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong pakikipagtipan sa Israel at sa Juda. Ito’y di gaya ng tipang ginawa ko sa kanilang mga ninuno, nang ilabas ko sila sa Egipto. Bagamat sumira sila sa kasunduan namin, nagtiyaga ako sa kanila. Ganito ang gagawin kong tipan sa Israel: Itatanim ko sa kanilang kalooban ang aking kautusan; isusulat ko sa kanilang mga puso. Ako’y magiging kanilang Diyos at sila ang magiging bayan ko. Hindi na nila kailangang turuan ang isa’t isa upang makilala ang Panginoon; lahat sila, dakila’t hamak ay makakakilala sa akin, sapagkat patatawarin ko sila sa kanilang maling gawain at hindi ko na gugunitain pa ang kanilang kasalanan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 12-13. 14-15. 18-19
Diyos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.
Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.
Diyos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.
Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan.
Diyos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.
Hindi mo na nais ang mga panghandog;
sa haing sinunog di ka nalulugod.
Ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba’t pusong mapagtapat.
Diyos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.
ALELUYA
Mateo 16, 18
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Pedro, ang saligan
ng aking simbahang banal
na daig ang kamatayan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 16, 13-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nang dumating si Hesus sa lupain ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.” At mahigpit niyang tinagubilin ang kanyang mga alagad na huwag sasabihin na siya ang Kristo.
Mula noon ay ipinaalam na ni Hesus sa kanyang mga alagad na dapat siyang magtungo sa Jerusalem at magbata ng maraming hirap sa kamay ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at kanilang ipapapatay siya. Ngunit sa ikatlong araw siya’y muling mabubuhay. Niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan ng ganito: “Panginoon, huwag namang itulot ng Diyos! Hindi po dapat mangyari ito sa inyo.” Ngunit hinarap siya ni Hesus at sinabihan, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
San Juan Maria Vianney
Bihira nating naaalala ang mga paring tumutulong sa atin sa bawat araw sa ating mga pangangailangang espiritwal. Sa kapistahang ito ni San Juan Maria Vianney, alalahanin natin sila sa ating mga panalangin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na pastol, basbasan Mo ang iyong kawan.
Ang ating mga pari nawa’y patnubayan ng Banal na Espiritu sa pag-akay nila sa atin sa daan ng kabanalan. Magkaroon nawa sila ng tunay na sigasig sa pagliligtas ng mga kaluluwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kura paroko nawa’y bukas-loob na maglingkod sa Simbahan at maging saksi sa Mabuting Balita na kanilang ipinahahayag, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga laykong mananampalataya nawa’y makipagtulungan sa iba’t ibang programa at pagkilos sa parokya, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa kanilang kabutihang-loob, ang mga Kristiyanong magulang nawa’y maalagaan ang bokasyon sa pagpapari sa kanilang pamilya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nating pari at obispo nawa’y gawing karapat-dapat na makisalo sa Hapag ng Guro, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, sa tulong ng mga panalangin si San Juan Maria Vianney, gabayan at pangalagaan mo ang aming mga kura paroko. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.