5,116 total views
Kapistahan ni San Lorenzo, Diyakono at Martir
2 Corinto 9, 6-10
Salmo 111, 1-2. 5-6. 7-8. 9
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
Juan 12, 24-26
Feast of Saint Lawrence, Deacon and Martyr (Red)
UNANG PAGBASA
2 Corinto 9, 6-10
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, ang naghahasik ng kakaunti ay mag-aani ng kakaunti, at ang naghahasik naman ng marami ay mag-aani ng marami. Ang bawat isa’y dapat magbigay ayon sa sariling pasiya, maluwag sa loob at di napipilitan lamang, sapagkat ang ibig ng Diyos ay kusang pagkakaloob. Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay – higit pa sa inyong pangangailangan — upang may magamit kayo sa pagkakawanggawa. Gaya nga ng sinasabi ng Kasulatan:
“Siya’y namudmod sa mga dukha;
walang hanggan ang kanyang kabutihan.”
Ang Diyos na nagbigay ng binhing ihahasik at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay sa inyo ng binhi at magpapalago nito upang mamunga nang sagana ang inyong kabutihang loob.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 111, 1-2. 5-6. 7-8. 9
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
Mapalad ang tao na may takot sa Diyos,
siyang sumusunod nang buong alindog.
Ang kanyang lipi’y magiging dakila
pati mga angkan ay pinagpapala.
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
Ang mapagpautang nagiging mapalad
kung sa hanapbuhay siya’y laging tapat.
Hindi mabibigo ang taong matuwid.
Di malilimutan kahit isang saglit.
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
Anumang balita’y hindi siya takot,
matatag ang puso’t may tiwala sa Diyos.
Wala siyang takot hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
Mabait na lubha, lalo sa mahirap,
ang pagiging mat’wid ay di nagwawakas.
Buong karangalan siyang itataas.
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
ALELUYA
Juan 8, 12bk
Aleluya! Aleluya!
Kapag si Kristo’y sinundan
liwanag n’ya’y makakamtan
para mabuhay kailanman.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 12, 24-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Tandaan ninyo: malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito’y mamumunga nang marami. Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang napopoot sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan. Dapat sumunod sa akin ang naglilingkod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroon din ang aking lingkod. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Agosto 10
San Lorenzo, Diyakono at Martir
Sa ating pagdiriwang ng kapistahan ng isang dakilang santo ng Simbahan ng Roma, ina ng lahat ng simbahan, makiusap tayo sa ating mapagmahal na Ama na ipagkaloob ang mga kahilingang sama-samang inilalapit natin sa kanya sa panalangin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Loobin Mong maging matatag kami
sa paglilingkod sa Iyo, O Panginoon.
Ang mga diyakono ng Simbahan nawa’y maging masigasig sa pangangaral ng Ebanghelyo sa salita at halimbawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Magkaroon nawa ng sapat na Katolikong boluntaryong maglilingkod para sa mga mahihirap na pamayanan at bansa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga dukha nawa’y pahalagahan at pangalagaan natin bilang mga tunay na yaman ng Simbahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magkaroon ng tibay ng loob sa mga panahong nasasaktan ang ating katawan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumaong mahal natin sa buhay nawa’y makapasok sa ipinangakong Kahariang walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Diyos, sa tulong ng mga panalangin ni San Lorenzo, ang iyong martir, tanggapin mo ang mga kahilingang inilalapit namin sa ngalan ng iyong Muling Nabuhay na Anak na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.