5,158 total views
Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
1 Hari 19, 4-8
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8. 9
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Efeso 4, 30 – 5, 2
Juan 6, 41-51
Nineteenth Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
1 Hari 19, 4-8
Pagbasa mula sa aklat ng mga Hari
Noong mga araw na iyon, si Elias ay mag-isang pumunta sa ilang. Pagkatapos ng maghapong paglalakad ay naupo siya sa lilim ng isang puno ng retama at nanalangin nang ganito: “Panginoon, kunin na po ninyo ako. Ako po’y hirap na hirap na. Nais ko na pong mamatay.”
Pagkatapos, nahiga siya at nakatulog. Ngunit dumating ang isang anghel, kinalabit siya at ang sabi: “Gising na at kumain ka!” Nang siya’y lumingon, nakita niya sa may ulunan ang isang tinapay na niluto sa ibabaw ng mainit na bato, at tubig sa isang sisidlan. Kumain nga siya at uminom. Pagkatapos ay nahiga uli. Ngunit bumalik ang anghel ng Panginoon, kinalabit siya uli at sinabi: “Bumangon ka at kumain. Napakahaba pa ang lalakarin mo.” Kumain nga siya uli at uminom at siya’y lumakas. Sa tulong ng pagkaing iyon, naglakbay siyang apatnapung araw at apatnapung gabi, hanggang sa Horeb, ang Bundok ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8. 9
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Ang pagkadakila niya ay ihayag
at ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila’y iniligtas sa hirap at dusa.
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Anghel yaong bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila’y kinukupkop.
Ang galing ng Poon hanaping masikap;
yaong nagtiwala sa kanya’y naligtas
ay maituturing na taong mapalad.
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
IKALAWANG PAGBASA
Efeso 4, 30 – 5, 2
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, huwag ninyong dulutan ng pighati ang Espiritu Santo, sapagkat ito ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan ng inyong katubusan pagdating ng takdang araw. Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, galit at poot; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait, at mananakit ng damdamin ng kapwa. Sa halip, maging mabait kayo at maawain sa isa’t isa, at magpatawaran, tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.
Yamang kayo’y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan niyo siya. Mamuhay kayong puspos ng pag-ibig tulad ni Kristo; dahil sa pag-ibig sa atin, inihandog niya ang kanyang buhay bilang mahalimuyak na hain ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 6, 51
Aleluya! Aleluya!
Pagkaing dulot ay buhay
Si Hesus na Poong mahal,
Buhay natin s’ya kailanman.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 6, 44-51
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong mga panahong iyon, nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sa sinabi ni Hesus, “Ako ang pagkaing bumaba, mula sa langit.” Sinabi nila, “Hindi ba ito si Hesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kanyang ama’t ina. Paano niya ngayong masasabi: ‘Bumaba ako mula sa langit’?” Kaya’t sinabi ni Hesus, “Huwag kayong magbulung-bulungan. Walang makalalapit sa akin malibang dalhin siya ng Amang nagsugo sa akin. At ang lalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw. Nasusulat sa aklat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lalapit sa akin. Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; yaong nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama.
“Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay may buhay na walang hanggan. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay. Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila’y nasa ilang, gayunman’y namatay sila. Ngunit ang sinumang kumain ng pagkaing bumaba mula sa langit ay hindi mamamatay. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Tunay na dakila ang kalinga at malasakit ng Diyos sa atin. Bunsod ng pananalig na Siya ay kasama natin sa ating paglalakbay sa buhay upang tayo’y samahan, ingatan, at palakasin, manalangin tayo:
Panginoon, dinggin Mo kami!
Para sa Simbahang naglalakbay na bayan ng Diyos sa lupa: Nawa’y sa harap ng pagtatakwil at pag-uusig, ay hindi siya panghinaan ng loob bagkus patuloy na manalig sa tulong ng Diyos. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa, ating obispo, at lahat ng namumuno sa bayan ng Diyos: Nawa sila’y maging tulad ng anghel na sugo ng Panginoon para palakasin at pasiglahin ang propetang si Elias. Manalangin tayo!
Para sa mga pinunong panlipunan at pampamahalaan: Nawa’y lingapin nila’t itaguyod ang kapakanan ng mga tao, lalo na ang mahihina o napagsasamantalahan. Manalangin tayo!
Para sa mga itinatakwil at pinag-uusig dahil sa kanilang katapatan sa Ebanghelyo: Nawa’y manindigan sila sa kanilang pananampalataya at lubos na magtiwala sa tulong ng Panginoon. Manalangin tayo!
Para sa ating komunidad at mga pamilya: Nawa’y sa pagtalima sa mga pangaral ni San Pablo, isa-isantabi natin ang samaan ng loob at matuto tayong magpakabait, magpatawad, at mahabag sa isa’t isa gaya ng turo sa atin ni Hesus. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng may pa- nunungkulang pampolitika: Nawa’y lagi silang nakatuon sa paglilingkod, at sa pagkilos para sa wastong paglaganap ng lipunan at sa kapakanang pangkalahatan, lalu na sa pangangalaga para sa mahihirap at mga nawalan ng ikabubuhay. Manalangin tayo!
Panginoong Diyos, salamat sa Iyong patuloy na pagiging kasama namin sa kabila ng aming mga pagkukulang at di pagiging tapat. Maipahayag nawa ang aming tapat na pagkilala sa Iyong pagmama- hal sa amin sa pamamagitan ng kabaitan sa isa’t isa, habag, at pagpapatawad. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.
Amen!