5,167 total views
Lunes ng Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay Santa Juana Francisca de Chantal, namanata sa Diyos
Ezekiel 1, 2-5. 24-28k
Salmo 148, 1-2. 11-12ab. 12k-14a. 14bkd
Ang kadakilaan ng D’yos
sa lupa’t langit ay lubos.
Mateo 17, 22-27
Monday of the Nineteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of Saint Jane Frances de Chantal, religious (White)
UNANG PAGBASA
Ezekiel 1, 2-5. 24-28k
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Ikalimang araw noon ng ikaapat na buwan ng ikalimang taon ng pagkatapon kay Haring Joaquin. Ako na saserdote at anak ni Buzi ay nasa Caldea sa baybayin ng Ilog Kebar nang kausapin ng Panginoon.
Nang ako’y tumingala, naramdaman ko ang malakas na hanging nagmumula sa hilaga at nakita ko ang makapal na ulap na naliligid ng liwanag. Tuwing kikidlat, may isang bagay na kumikislap, parang makinang na tanso. Sa sentro ng bagyong ito, may apat na nilalang na buhay na anyong tao.
Nang sila’y lumipad, parang lagaslas ng malaking baha ang dinig ko sa pagaspas ng kanilang mga pakpak; parang ugong ng tinig ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat, parang ragasa ng isang malaking hukbo. Nang sila’y tumigil, ibinaba nila ang kanilang mga pakpak. At mula sa ibabaw ng bubungan, narinig ang isang malakas na tinig. Nang tumigil nga ng paglipad ang apat na nilalang, binayaan nilang nakalaylay ang kanilang mga pakpak.
Sa ibabaw ng bubungan, naroon ang tila tronong yari sa sapiro at may nakaupong animo’y tao. Mula sa baywang nito pataas ay may nagniningning na tila makinis na tanso. Sa ibaba naman ay may nakapalibot na apoy na nakasisilaw, na ang kulay ay parang bahaghari.
Ganyan ang katulad ng kaningningan ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 148, 1-2. 11-12ab. 12k-14a. 14bkd
Ang kadakilaan ng D’yos
sa lupa’t langit ay lubos.
o kaya: Aleluya.
Purihin ang Diyos, nitong kalangitan,
kayo sa itaas siya’y papurihan.
Ang lahat ng anghel, magpuri’t magdiwang,
kasama ang hukbo roong karamihan!
Ang kadakilaan ng D’yos
sa lupa’t langit ay lubos.
Pupurihin siya ng lahat ng tao,
hari at prinsipe, lahat ng pangulo,
babae’t lalaki, mga kabataan,
matatandang tao’t kaliit-liitan.
Ang kadakilaan ng D’yos
sa lupa’t langit ay lubos.
Sa ngalan ng Poon lahat ay magpuri,
ang kanyang pangala’y pinakamaigi;
sa langit at lupa’y walang kasimbuti.
Ang kadakilaan ng D’yos
sa lupa’t langit ay lubos.
Siya’ng nagpalakas sa sariling bansa,
kaya pinupuri ng piniling madla,
ang bayang Israel, mahal niyang lubha!
Ang kadakilaan ng D’yos
sa lupa’t langit ay lubos.
ALELUYA
2 Tesalonica 2, 14
Aleluya! Aleluya!
Tayo’y tinawag ng Diyos
upang magningning na lubos
sa aral ni Kristo Hesus.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 17, 22-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nang nagkakatipon sa Galilea sina Hesus at ang mga alagad, sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo at papatayin, ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” At sila’y lubhang nagdalamhati.
Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis para sa templo. Tinanong siya, “Nagbabayad ba ng buwis para sa templo ang inyong Guro?” “Opo,” sagot ni Pedro. At nang dumating siya sa bahay, tinanong na siya agad ni Hesus, “Ano ba ang palagay mo, Simon? Kanino sumisingil ng bayad sa lisensya o buwis ang mga hari sa lupa? Sa mga mamamayan ba o sa mga dayuhan?” “Sa mga dayuhan po,” tugon niya. Sinabi ni Hesus, “Kung gayun, hindi pinapagbayad ang mga mamamayan. Gayunman, para wala silang masabi sa atin, pumaroon ka sa lawa at ihagis mo ang kawil. Kunin mo ang unang isdang mahuhuli. Ibuka mo ang bibig nito at may makikita kang isang salaping pilak. Kunin mo ito at ibayad sa buwis nating dalawa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Sa ating kahit kahinaan at pangaingailangan, dumulog tayo sa Diyos na ating dapat sundin at paglingkuran sapagkat siya ang pinagmumulan ng lahat ng kapangyarihan sa sandaigdigan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, mamuhay nawa kami sa espiritu ng Iyong anak.
Ang Simbahan saanmang dako ng daigdig nawa’y walang takot na magpahayag ng pinahahalagahang katarungan at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng tao nawa’y makabahagi nang tama sa mga materyal at espiritwal na bagay ng daigdig at ang mga organisasyong sibiko at estado nawa’y makatulong sa pagtatanggol sa mga mahihina at mga mahihirap, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng mamamamayan nawa’y magkaroon ng malakas na kamulatan sa sibikong tungkulin at maging aktibo sila na makilahok tungo sa pangkalahatang kabutihan, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y maging mga daan ng pag-ibig at kalinga ni Kristo para sa mga maysakit at mga nagdurusa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y magkaroon ng kasiyahan sa kaharian ng kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama ng awa, dapat na gamitin ang lahat ng talento sa lupa, para sa pagsusulong ng paghahari ng iyong katarungan, kapayapaan, at pagkakapatiran ng iyong bayan. Sa pamamagitan ng aming bukas-loob na pagsuporta nawa’y maging instrumento kami ng pagtatatag ng iyong Kaharian dito sa lupa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.