1,800 total views
Ika-6 ng Enero
1 Juan 5, 5-13
Salmo 147, 12-13. 14-15. 19-20
Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.
Marcos 1, 7-11
o kaya Lucas 3, 23-28
Weekday of Christmas Season (White)
UNANG PAGBASA
1 Juan 5, 5-13
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Minamahal kong mga kapatid, sino ang makapagtatagumpay laban sa sanlibutan? Ang sumasampalatayang si Hesus ang Anak ng Diyos. Si Hesukristo ang naparito sa sanlibutan, bininyagan sa tubig, at nagbubo ng kanyang dugo sa kanyang kamatayan – hindi lamang bininyagan sa tubig, kundi nagbubo pa ng kanyang dugo. Ang Espiritu ang nagpapatotoo tungkol dito, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan. Tatlo ang nagpapatotoo: ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo; at nagkakaisa ang tatlong ito. Tinatanggap natin ang patotoo ng tao, ngunit lalong matibay ang patotoo ng Diyos, at iyon ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. Ang sinumang nananalig sa Anak ng Diyos ay naniniwala sa patotoong ito. Ngunit ang ayaw maniwala sa Diyos ay ginagawang sinungaling ang Diyos, sapagkat hindi siya naniniwala sa patotoo nito tungkol sa kanyang Anak. At ito ang patotoo: ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang buhay na walang hanggan at ito’y makakamtan natin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Ang pinananahanan ng Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan, ngunit wala nito ang hindi pinananahan ng Anak ng Diyos. Isinusulat ko ito sa inyo upang malaman ninyo na kayong nananalig sa Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 147, 12-13. 14-15. 19-20
Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.
o kaya: Aleluya.
Purihin mo, Jerusalem, purihin ang Panginoon,
purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Sion.
Yaong mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
ang lahat ng iyong lingkod ay siya ang nagbabasbas.
Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.
o kaya: Aleluya.
Ginagawang matahimik yaong mga hangganan mo,
bibigyan kang kasiyahan sa kaloob niyang trigo.
Kung siya ay nag-uutos, agad itong natutupad,
dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.
Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.
o kaya: Aleluya.
Kay Jacob n’ya ibinigay ang balita at pabilin,
ang tuntuni’t mga aral, ibinigay sa Israel.
Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.
Purihin ang Panginoon!
Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.
o kaya: Aleluya.
ALELUYA
Marcos 9, 6
Aleluya! Aleluya!
Nagsalita ang Diyos Ama:
“Ang Anak kong sinisinta
ay narito, dinggin n’yo siya!”
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 1, 7-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinasabi ni Juan Bautista sa kanyang pangangaral: “Darating na kasunod ko ang isang makapangyarihan kaysa sa akin: ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga panyapak. Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit bibinyagan niya kayo sa Espiritu Santo.”
Hindi nagluwat, dumating si Hesus mula sa Nazaret, Galilea, at siya’y bininyagan ni Juan sa Ilog-Jordan. Pagkaahung-pagkaahon ni Hesus sa tubig ay nakita niyang nabuksan ang kalangitan, at bumababa sa kanya ang Espiritu na gaya ng isang kalapati. At isang tinig ang nagmula sa langit: “Ikaw ang minamahal kong Anak, lubos kitang kinalulugdan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya
Lucas 3, 23-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, magtatatlumpung taon na si Hesus nang magsimula siyang mangaral. Ayon sa palagay ng mga tao, siya’y anak ni Jose na anak ni Eli, na anak ni Matat. Si Matat ay anak ni Levi na anak ni Melqui, at si Melqui naman’y anak ni Jana na anak ni Jose. Si Jose’y anak ni Matatias na anak ni Amos. Itong si Amos ay anak ni Nahum na anak ni Esli. Si Elsi’y anak naman ni Nage, anak ni Maat na anak ni Matatias. Si Matatias ay anak ni Semei na anak ni Jose. Si Jose’y anak ni Juda na anak ni Joana. At si Joana ay anak naman ni Resa na anak ni Zorobabel, anak ni Salatiel na anak naman ni Neri. Si Neri’y anak ni Melqui na anak ni Adi. Si Adi ay anak ni Cosam na anak ni Elmodam, na anak ni Er. Si Er nama’y anak ni Josue na anak ni Eliezer, anak ni Jorim na anak ni Matat. Si Matat ay anak ni Levi na anak ni Simeong anak ni Juda. Si Juda’y anak naman ni Jose. Si Jose’y anak ni Jonan na anak ni Eliaquim, na anak ni Melea. Itong si Melea’y anak ni Mainan na anak ni Matata, anak ni Natan na anak ni David. Si David ay anak ni Jesse na anak ni Obed, at si Obed ay anak naman ni Booz. Si Booz ay anak ni Salmon na anak ni Naason, anak ni Aminadab na anak ni Admin. Si Admin ay anak naman ni Arni na anak ni Esrom, na anak naman ni Fares. Si Fares ay anak ni Juda na anak ni Jacob. Si Jacob ay anak ni Isaac na anak naman ni Abraham. Si Abraham ay anak ni Tare na anak ni Nacor. Si Nacor ay anak ni Serug na anak ni Ragau, na anak naman ni Peleg, at si Peleg ay anak ni Heber na anak ni Sala. Si Sala’y anak ni Cainan na anak ni Arfaxad na anak naman ni Sem. Si Sem ay anak ni Noe, anak ni Lamec na anak ni Matusalem na anak naman ni Enoc. Si Enoc ay anak ni Jared na anak ni Mahalaleel na anak ni Cainan. Si Cainan ay anak ni Enos na anak naman ni Set. At si Set ay anak ni Adan na anak ng Diyos.
PANALANGIN NG BAYAN
ENERO 6
Sa Binyag ni Jesus sa ilog ng Jordan, ipinaaalaala sa atin ang ating sariling Binyag kung saan ginawa tayong mga anak ng Diyos kaya’t natatawag nating Ama ang Diyos. Lumalapit tayo ngayon sa kanya habang sinasabi natin:
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos na aming Ama, malugod ka nawa sa amin.
Ang Bayan ng Diyos nawa’y maging malinis sa Binyag upang magtamasa ng kalayaan at dignidad bilang mga anak ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang kalayaan at karangalan ng bawat mamamayan nawa’y pangalagaan at igalang ng bansa sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga programang mag-aangat sa kalidad ng buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pamilya at mga pamayanan nawa’y tunay na maranasan ang kanilang pagiging iisa sa pamamagitan ng kanilang buhay at pagpapahayag ng pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga may karamdaman at mga nagdurusa nawa’y makalaya sa panghihina ng kanilang katawan at pag-iisip, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mananampalatayang namayapa na ay makabahagi nawa sa kaligayahan sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos na aming Ama, ginawa kaming mga tagapagmana ng iyong Kaharian sa pamamagitan ni Jesus na iyong Anak. Loobin mo na sa pananalangin namin para sa isa’t isa ay manahin namin aang Kahariang iyon kung saan ikaw ay nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.