12,991 total views
Biyernes sa Ika-2 Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Genesis 37, 3-4. 12-13a. 17b-28
Salmo 104, 16-17. 18-19. 20-21
Gunitain nang malugod
ang dakilang gawa ng D’yos.
Mateo 21, 33-43. 45-46
Friday of the Second Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Genesis 37, 3-4. 12-13a. 17b-28
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Mas mahal ni Israel si Jose kaysa ibang mga anak, sapagkat matanda na siya nang ito’y isinilang. Iginawa niya ito ng damit na mahaba at may manggas. Dinamdam ito ng kanyang mga kapatid at ayaw nilang pakisamahang mabuti si Jose.
Nasa Siquem ang mga kapatid ni Jose at doon inaalagaan ang kawan ng kanilang ama. Sinabi ni Israel, “Gumayak ka at sumunod sa iyong mga kapatid.” Sumunod si Jose at natagpuan ang mga kapatid sa Dotan. Malayo pa siya’y natanaw na ng mga ito. Nagkaisa silang patayin siya. Sinabi nila, “Ayan na ang mapanaginipin! Patayin natin at ihulog sa balon, at sabihing sinila ng mabangis na hayop. Tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kanyang mga panaginip.”
Narinig ito ni Ruben at binalak na iligtas si Jose. Sabi niya, “Huwag, huwag nating patayin. Huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay; ihulog na lamang natin sa balon.” Sinabi niya ito, sapagkat ang balak niya ay iligtas ang kapatid. Paglapit ni Jose, hinubdan nila ito, at inihulog sa isang tuyong balon.
Habang sila’y kumakain, may natanaw silang pangkat ng mga Ismaelitang mula sa Galaad. Ang kanilang mga kamelyo ay may kargang mga gagawing pabango na dadalhin sa Egipto. Sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid, “Wala tayong mapapala kung patayin natin ang ating kapatid. Mabuti pa’y ipagbili na lamang natin siya sa mga Ismaelita kaysa ating saktan! Siya’y kapatid din natin: laman ng ating laman at dugo ng ating dugo.” At sila’y nagkasundo. Nang malapit na ang mga mangangalakal, iniahon nila si Jose at ipinagbili sa halagang dalawampung pirasong pilak. At si Jose’y dinala ng mga Ismaelita sa Egipto.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 104, 16-17. 18-19. 20-21
Gunitain nang malugod
ang dakilang gawa ng D’yos.
Sa lupain nila’y mayroong taggutom na ipinarating
itong Panginoon, kung kaya nagdahop sila sa pagkain.
Subalit ang Diyos sa unahan nila’y may sugong lalaki
tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose.
Gunitain nang malugod
ang dakilang gawa ng D’yos.
Mga paa nito’y nagdanas ng hirap nang ito’y ipangaw,
pati leeg niya’y pinapagk’wintas ng kolyar na bakal;
hanggang sa dumating ang isang sandali na siya’y subukin
nitong Panginoon, na siyang nangakong siya’y tutubusin.
Gunitain nang malugod
ang dakilang gawa ng D’yos.
Ang kinasangkapan niya’y isang hari, siyang nagpalaya,
pinalaya siya nitong haring ito na namamahala.
Doon sa palasyong tahanan ng hari pinapamahala,
sa buong lupain, si Jose’y ginawa niyang katiwala.
Gunitain nang malugod
ang dakilang gawa ng D’yos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 3, 16
Pag-ibig sa sanlibutan
ng D’yos ay gayun na lamang,
kanyang Anak ibinigay
upang mabuhay kailanman
ang nananalig na tunay.
MABUTING BALITA
Mateo 21, 33-43. 45-46
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan: “Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga. May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid, at ito’y binakuran niya. Gumawa siya roon ng pisaan ng ubas at nagtayo ng isang mataas na bantayan. Pagkatapos, kanyang iniwan sa mga kasama ang ubasan, at siya’y nagtungo sa ibang lupain. Nang dumating ang panahon ng pitasan, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang mga alipin upang kunin sa mga kasama ang kanyang parte. Ngunit sinunggaban ng mga kasama ang mga alipin; binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa, at binato naman ang ikatlo. Pinapunta uli ng may-ari ang mas maraming alipin, ngunit gayun din ang ginawa ng mga kasama sa mga ito. Sa kahuli-huliha’y pinapunta niya ang kanyang anak na lalaki. ‘Igagalang nila ang aking anak,’ wika niya sa sarili. Ngunit nang makita ng mga kasama ang anak, sila’y nag-usap-usap: ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin nang mapasaatin ang kanyang mamanahin. Kaya’t siya’y sinunggaban nila, inilabas sa ubasan at pinatay.
“Pagbalik ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga kasamahang iyon?” Sumagot sila, “Lilipunin niya ang mga buhong na iyon, at paaalagaan ang ubasan sa ibang kasama na magbibigay sa kanya ng kaparte sa panahon ng pamimitas.” Tinanong sila ni Hesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang talatang ito sa Kasulatan?
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
Ang siya naging batong panulukan.
Ginawa ito ng Panginoon,
At ito’y kahanga-hanga!’
Kaya nga sinasabi ko sa inyo: hindi na kayo ang paghaharian ng Diyos kundi ang bansang maglilingkod sa kanya nang tapat.
Narinig ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo ang mga talinghaga ni Hesus, at naunawaan nilang sila ang pinatatamaan niya. Dadakpin sana nila siya, ngunit natakot sila sa mga tao, sapagkat kinikilala ng mga ito na propeta si Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Kuwaresma
Biyernes
Habang pinagninilayan ang babala sa Ebanghelyo tungkol sa pangangailangang mamunga, ihain natin ang ating mga kahilingan sa Diyos Ama.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng ubasan, pagpalain Mo ang aming mga buhay.
Ang Santo Papa nawa’y makatanggap ng liwanag, lakas, at tulong sa kanyang pag-akay sa Simbahan sa mga panahong ito ng kahirapan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga isipan nawa’y mapuspos ng kapayapaan ng Diyos na naghahatid ng walang hanggang kagalakan at walang katapusang kaligayahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa ating mga sariling buhay nawa’y makapagbigay tayo ng bunga ng pag-ibig, pagpapatawad, katarungan, at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at nagdurusa nawa’y hindi panghinaan ng loob sa gitna ng kanilang dinaranas na mga pagsubok at sa halip ay palakasin ng Salita ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y tumanggap ng kanilang walang hanggang kapahingahan sa iyong Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, nagpapasalamat kami sa iyo para sa iyong tapat na pag-ibig. Tulungan mo kaming mapaglingkuran ka nang buong-puso at mamuhay nang karapat-dapat sa iyong pagtawag sa amin. Idinadalangin namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.