304 total views
Biyernes ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Corinto 4, 1-5
Salmo 36, 3-4. 5-6. 27-28. 39-40
Nasa D’yos ang kaligtasan
ng mga mat’wid at banal.
Lucas 5, 33-39
UNANG PAGBASA
1 Corinto 4, 1-5
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, kami’y mga lingkod ni Kristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos – ganyan ang dapat na aming palagay ninyo sa amin. Ang katiwala’y kailangang maging tapat sa kanyang panginoon. Walang anuman sa akin ang ako’y hatulan ninyo o ng alinmang hukuman ng tao; ni ako ma’y di humahatol sa aking sarili. Walang bumabagabag sa aking budhi, ngunit hindi nangangahulugang ako’y walang kasalanan. Ang Panginoon ang humahatol sa akin. Kaya’t huwag kayong humatol nang wala sa panahon; maghintay kayo sa pagdating ng Panginoon. Ilalantad niya ang mga bagay na ngayo’y natatago sa kadiliman at ipahahayag ang mga lihim na hangarin ng bawat isa. Sa panahong iyon, bawat isa’y tatanggap ng papuring nauukol sa kanya mula sa Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 36, 3-4. 5-6. 27-28. 39-40
Nasa D’yos ang kaligtasan
ng mga mat’wid at banal.
Umasa ka sa Diyos, ang mabuti’y gawin,
at mananahan kang ligtas sa lupain.
Sa Diyos mo hanapin ang kaligayahan,
at ang pangarap mo’y iyong makakamtan.
Nasa D’yos ang kaligtasan
ng mga mat’wid at banal.
Ang iyong sarili’y sa Diyos mo ilagak,
pag nagtiwala ka’y tutulungang ganap;
ang kabutihan mo ay magliliwanag,
katulad ng araw kung tanghaling-tapat.
Nasa D’yos ang kaligtasan
ng mga mat’wid at banal.
Ang mabuti’y gawin, masama’y itakwil,
at mananahan kang lagi sa lupain.
Pagkat yaong bayang wasto ang gawain,
ay mahal ng Poon, hindi itatakwil.
Sila’y iingatan magpakailanman,
ngunit ang masama ay ihihiwalay.
Nasa D’yos ang kaligtasan
ng mga mat’wid at banal.
Ililigtas ng Diyos ang mga matuwid,
iingatan sila pag naliligalig.
Ililigtas sila’t kanyang tutulungan
laban sa masama, ipagsasanggalang;
sapagkat sa Poon nangungubling tunay.
Nasa D’yos ang kaligtasan
ng mga mat’wid at banal.
ALELUYA
Juan 8, 12
Aleluya! Aleluya!
Sinabi ni Hesukristo:
“Ako ang ilaw ng mundo
at buhay ng alagad ko.”
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 5, 33-39
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ng mga Pariseo at mga eskriba kay Hesus: “Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at manalangin, gayun din ang alagad ng mga Pariseo. Ngunit ang mga alagad mo’y patuloy ng pagkain at pag-inom.” Sumagot si Hesus, “Pag-aayunuhin ba ninyo ang mga panauhin sa kasalan samantalang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na ang ikinasal, saka pa lamang sila mag-aayuno.”
Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinghaga: “Walang pumipiraso sa bagong damit upang itagpi sa luma. Kapag ginawa ito, masisira ang bagong damit at ang tagping bago ay hindi babagay sa damit na luma. Wala ring nagsisilid ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag gayun ang ginawa, papuputukin ng bagong alak ang balat, matatapon ang alak, at masisira ang sisidlan. Sa bagong sisidlang-balat dapat ilagay ang bagong alak. At walang magkakagustong uminom ng bagong alak kapag nakainom na ng inimbak, sapagkat sasabihin niya, ‘Masarap ang inimbak.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Manalangin tayo sa Amang Diyos upang ilapit niya tayo sa kahalagahan ng Ebanghelyo para panibaguhin ang Simbahan at ang daigdig.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panibaguhin Mo kami, O Panginoon.
Ang Simbahan, ang Bayan ng Diyos at mga pinuno nito, nawa’y sundin ang pag-akay ng Espiritu Santo upang ipahayag sa mga tao ngayon ang walang-kupas na wika ng Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga puso nawa’y ating buksan sa mapagligtas na kapangyarihan ng Diyos na higit na mahalaga kaysa mga panlabas na gawain ng pagpapakabanal, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang mapagtanto na laging mapangyayari ang himala ng pagbabago sa lahat ng humihingi ng tulong ni Kristo na makamtan ito, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga maysakit, nawa’y maging daan tayo ng mapagpagaling na kamay ng pagmamalasakit ni Kristo sa pamamagitan ng pagbibigay natin ng pagmamahal at kalinga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng walang hanggang kapahingahan sa piling ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, dinggin mo ang aming mga panalangin at turuan mo kaming mamuhay bilang bagong bayan mo na pinalaya ng pag-ibig ni Jesu-Kristo naming Panginoon. Amen.