BIYERNES, SETYEMBRE 22, 2023

 2,330 total views

Biyernes ng Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

1 Timoteo 6, 2k-12
Salmo 48, 6-7. 8-10. 17-18. 19-20

Mapalad ang mga aba,
tanging D’yos ang Hari nila.

Lucas 8, 1-3

Friday of the Twenty-fourth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Timoteo 6, 2k-12

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo

Pinakamamahal, ituro mo’t ipatupad ang mga bagay na ito. Sinumang nagtuturo ng iba kaysa rito at di sang-ayon sa salita ng Panginoong Hesukristo at sa mga aral tungkol sa kabanalan ay nagyayabang ngunit walang nalalaman. Sakit na niya ang manuligsa at makipagtalo tungkol sa mga salita, bagay na humahantong sa inggitan, alitan, kutyaan, at pagbibintang. Mahilig din silang makipagtalo sa mga liko ang pag-iisip at di kumikilala sa katotohanan, mga taong nag-aakla na ang relihiyon ay paraan ng pagpapayaman.

Kung sabagay, malaki nga ang mapapakinabang sa relihiyon kung ang tao’y marunong masiyahan. Wala tayong dalang anuman sa sanlibutan at wala rin tayong madadala pag-alis dito. Kaya, dapat na tayong masiyahan kung tayo’y may kinakain at dinaramit. Ang mga nagnanasang yumaman sa anumang paraan ay mahuhulog sa tukso at sa bitag ng masasamang hangaring magtutulak sa kanila sa kapahamakan. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay siyang ugat ng lahat ng kasamaan. Dahil sa paghahangad na magkamal ng salapi, may mga nalayo sa pananampalataya at nasaklad sa paghihirap ng kalooban.

Ngunit ikaw na lingkod ng Diyos, umiwas ka sa mga bagay na ito. Sikapin mong mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananalig, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan. Gawin mo ang buo mong makakaya sa pakikibaka alang-alang sa pananampalataya at kakamtan mo ang buhay na walang hanggang, yamang diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harapan ng maraming saksi ang iyong pananampalataya.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 48, 6-7. 8-10. 17-18. 19-20

Mapalad ang mga aba,
tanging D’yos ang Hari nila.

Hindi ako natatakot sa panahon ng panganib,
kahit pa nga naglipana ang kaaway sa paligid
mga taong naghahambog na sa yaman nananalig,
dahilan sa yaman nila’y tumaas ang pag-iisip.

Mapalad ang mga aba,
tanging D’yos ang Hari nila.

Hindi kaya ng sinumang ang sarili ay matubos,
hindi kayang mabayara’t tubusin sa kamay ng Diyos;
ang bayad sa kanyang buhay ay halagang sakdal taas;
gaano man ang halagang hawak niya’y hindi sapat
upang siya ay mabuhay nang hindi na magwawakas
at sa labi ng libingan ay hindi na mapasadlak.

Mapalad ang mga aba,
tanging D’yos ang Hari nila.

Di ka dapat na matakot, ang tao man ay yumaman,
lumago man nang lumago yaong kanyang kabuhayan;
hindi ito madadala kapag siya ay namatay,
ang yaman ay hindi niya madadala sa libingan.

Mapalad ang mga aba,
tanging D’yos ang Hari nila.

At kahit na masiyahan ang tao sa kanyang buhay,
dahil sa sinusuob ng papuri’t nagtagumpay;
masasama pa rin siya sa ninunong nangamatay
masasadlak pa rin siya sa dilim na walang hanggan.

Mapalad ang mga aba,
tanging D’yos ang Hari nila.

ALELUYA
Mateo 11, 25

Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 8, 1-3

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nilibot ni Hesus ang mga bayan at nayon. Nangangaral siya at nagtuturo ng Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa, at ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at mga karamdaman: si Maria na tinatawag na Magdalena, mula sa kanya’y pitong demonyo ang pinalayas; si Juanang asawa ni Cusa na katiwala ni Herodes; si Susana at marami pang iba. Ang ari-arian nila ang itinustos nila sa pangangailangan ni Hesus at ng kanyang mga alagad.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes

Puno ng pag-asa at pananalig, manalangin tayo sa Diyos Ama na nananabik na madama nating higit ang kanyang presensya.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Gamitin mo kami sa iyong gawain, O Panginoon.

Ang Simbahan nawa’y patuloy na umunlad at maging simbolo ng katarungan, pag-ibig, at katotohanan sa daigdig, manalangin tayo sa Panginoon.

Bilang isang komunidad, nawa’y huwag nating ipagwalang-bahala ang ating buhay pananampalataya bagkus hanapin natin ang Diyos maging sa mga paghihirap at pagsubok, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga bata nawa’y lumaki sa pamamaraan ng biyaya at tumanda na katulad ng mga taong kawangis ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y mapalakas sa pananampalataya sa pamamagitan ng kanilang pag-uugnay ng kanilang pagdurusa sa mga pagdurusa ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga mahal na yumao nawa’y magtamasa ng bunga ng kapayapaan, kaligayahan, at kasiyahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Diyos Ama sa Langit, tulungan mo kaming maunawaan ang kahalagahan ng panahon ng aming pag-iral. Buksan mo ang aming mga puso upang magbunga kami lagi ng kabutihan. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.