287 total views
Paggunita kay San Pio ng Pietrelcina, pari
Mangangaral 3, 1-11
Salmo 143, 1a at 2abk. 3-4
Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.
Lucas 9, 18-22
Memorial of St. Pius of Pietrelcina, Priest (White)
Mga Pagbasa mula sa
Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
Mangangaral 3, 1-11
Pagbasa mula sa aklat ng Mangangaral
Ang lahat ng pangyayari sa daigdig ay nagaganap sa panahong itinakda ng Diyos.
Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay;
ang panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot ng tanim.
Ang panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling;
ang panahon ng paggiba at panahon ng pagtatayo.
Ang panahon ng pagluha at panahon ng pagtawa;
ang panahon ng pagluluksa at panahon ng pagdiriwang.
Ang panahon ng pagkakalat ng mga bato at panahon ng pagtitipon sa mga ito;
ang panahon ng pagyayakap at panahon ng paglalayo.
Ang panahon ng paghahanap at panahon ng pagkawala niyon;
ang panahon ng pag-iingat sa isang bagay at panahon ng pagtatapon.
Ang panahon ng pagpunit at panahon ng pagtahi;
ang panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.
Ang panahon ng pagmamahal at panahon ng pagkapoot;
ang panahon ng digmaan at panahon ng kapayapaan.
Ano ang mapapala ng tao sa kanyang ginagawa? Alam ko na ang itinakda ng Diyos sa tao. Iniangkop niya ang lahat ng bagay sa kapanahunan. Ang tao’y binigyan niya ng pagnanasang alamin ang bukas ngunit hindi binigyan ng pagkaunawa sa ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 143, 1a at 2abk. 3-4
Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.
Purihin ang Poon, na aking sanggalang,
matibay kong muog at Tagapagligtas,
at aking tahanang hindi matitinag;
tagapagligtas kong pinagtitiwalaan,
Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.
Ano ba ang tao, Panginoon namin?
Siya’y tao lamang na ‘yong pinapansin.
Katulad ay ulap na tangay ng hangin
napaparam siya na tulad ng lilim.
Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.
ALELUYA
Marcos 10, 45
Aleluya! Aleluya!
Anak ng Tao’y dumating
upang sarili’y ihain;
Lingkod, Manunubos natin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 9, 18-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Isang araw, samantalang nananalanging mag-isa si Hesus, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. Tinanong niya sila, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo; sabi naman ng iba, si Elias kayo, at may nagsasabi pang nabuhay ang isa sa mga propeta noong una.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo?” tanong niya sa kanila. “Ang Mesiyas ng Diyos!” sagot ni Pedro.
Itinagubilin ni Hesus sa kanyang mga alagad na huwag na nilang sasabihin ito kaninuman. At sinabi pa niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao’y dapat magbata ng maraming hirap. Itatakwil siya ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba. Ipapapatay nila siya, ngunit sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Ang pananampalataya natin kay Jesu-Kristong Anak ng Diyos ang siyang nagtitipon sa atin bilang bahagi ng kanyang sambayanan. Sa kanyang pangalan, dalhin natin ang ating mga intensyon sa Ama.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Gawin Mong ganap ang aming pananampalataya, O Ama.
Ang Simbahan nawa’y mapanatili ng Santo Papa at ng mga obispo sa pananampalataya ni San Pedro, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga ibinotong opisyal ng gobyerno nawa’y igalang ang karapatan sa buhay ng mga hindi pa ipinanganganak, ng mga matatanda, at ng mga may kapansanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pari at relihiyoso nawa’y maging tapat sa kanilang tungkulin sa Diyos at sa sambayanang kanilang sinumpaang paglingkuran, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y mapalakas at magpatuloy sa kanilang pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga nauna na sa atin na lisanin ang mundong ito nawa’y magkamit ng kasiyahan ng bagong buhay sa presensya ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos ng habag at awa, sa pamamagitan ng aming Tagapagligtas, pakinggan mo ang panalangin ng iyong Simbahan. Kasama ni San Pedro, nagpahayag kami ng aming pananampalataya kay Kristong iyong Anak, na nabubuhay at naghahari kasama mo magpasawalang hanggan. Amen.