
Troublemaker
2,076 total reads
Mga Kapanalig, nang tanungin ang kanyang opinyon tungkol sa umano’y pagtanggap ng pera mula sa China at Hong Kong ng isang kompanyang iniuugnay sa mister ni Vice President Sara Duterte, sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos na, kung mapatutunayan, maituturing ito na isang national security threat. Isa itong posibleng banta sa seguridad ng bansa.
Sa pagtestigo ng Anti-Money Laundering Council sa impeachment trial ni VP Sara, lumutang na 319 milyong piso ang pumasok sa naturang kompanya. Wala namang masama na makipagnegosyo sa mga dayuhan, pero ibang usapin na kung ganitong kalaki ang halagang pumasok sa negosyong may kaugnayan pa sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng gobyerno. Hindi rin malayong kontrolado ng gobyerno ng China ang mga kompanyang nagpadala ng pera, at kung totoo nga ito, may potensyal na makaimpluwensya ito sa mga paninindigan at desisyon ng sangkot na opisyal.
Binuweltahan ni VP Sara ang sinabi ni PBBM. Pinalalabas daw ng pangulo na “banta sa seguridad ng Pilipinas ang pakikipag-negosyo sa China.” Ang masama pa, “ang pahayag ay tahasang nag-aakusa sa China ng panghihimasok sa internal affairs ng Pilipinas.” Nababahala ang bise presidente na “magkaroon ito ng seryosong epekto sa ating relasyon sa China.” Ginatungan pa niya ito gamit ang isyu tungkol sa pagkakasabat ng bultu-bultong droga mula sa Laos at Thailand na dadalhin umano sa Pilipinas. Nagiging “troublemaker of Southeast Asia” na raw ang ating bansa—pasaway, pasimuno ng gulo, naghahanap ng away.
Ano kaya ang mararamdaman ng mga sundalo nating nagbabantay sa ating teritoryo sa West Philippine Sea? Ano kaya ang masasabi ng mga mangingisda nating laging itinataboy ng mga dayuhan sa karagatang pinagkukunan nila ng kabuhayan? Matatanggap ba nilang bahagi sila ng isang bansang tinatawag ni VP Sara na “troublemaker”?
Napakahirap palabasing “troublemaker” ang Pilipinas, gayong tanggap naman nating wala tayong panamà o pantapat sa lakas ng puwersang militar ng China. Maliban noong administrasyon ng ama ng bise presidente, palagi tayong kumikiling sa mapayapa at diplomatikong pagresolba sa mga di-pagkakaintindihan ng mga opisyal ng Pilipinas at China. Idinadaan natin ito sa paghahain ng mga diplomatic protests, at pumapalag tayo gamit ang ebidensya at mahinahong pakikipag-argumento. Pero hindi tayo nananahimik lang o sumisipsip sa China para lang maiwasang matawag na “troublemaker.” Nakakawala ito ng dignidad bilang isang bayan. Pagbabalewala ito sa tamang proseso ng batas at pag-iral ng mga pandaigdigang kasunduan. Pagtatraydor ito sa ating mga kababayan.
Pinahahalagahan sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan ang pagiging tapat ng mga lingkod-bayan. Sa isang banda, dapat patas na imbestigahan ang mga akusasyon ng korapsyon at panghihimasok ng mga dayuhan sa ating pamahalaan; hindi dapat ito gamitin para mambato lang ng putik. Sa kabilang banda, dapat magpaliwanag ang mga namumuno sa gobyerno kapag meron silang conflicts of interest. Ito ang dapat nilang linawin sa publiko, hindi ang ibaling ang ating atensyon sa ibang isyu o pagbaluktot sa sinasabi ng mga itinuturing nilang kalaban sa pulitika.
Samantala, tayo namang mga mamamayan ay dapat maging mapanuri sa mga sinasabi at ginagawa ng ating mga lider. Sa kanilang mga sinasabi, kaninong interes ang kanilang pinapanigan? Sa kanilang mga desisyong ginagawa, sino ang nakikinabang? O sa kanilang hindi diretsang pagsagot sa mga isyu, masasabi ba nating mahalaga sa kanila ang katotohanan? Sabi nga sa Juan 3:21, “ang namumuhay ayon sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw.” Ang mga lider na may lehitimong paliwanag ay dapat tanggapin ang pagsusuri sa kanila sa halip na ituring na pag-atake ang bawat tanong. Hindi kailangang maging defensive.
Mga Kapanalig, sa pagpili natin ng ating mga lider, lagi nating itanong: nakanino ang kanilang katapatan?
Sumainyo ang katotohanan.





