Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Huwebes, Agosto 7, 2025

SHARE THE TRUTH

 4,084 total views

Huwebes ng Ika-18 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

o kaya Paggunita kay San Sixto II, papa, at mga Kasama, mga martir
o kaya Paggunita kay San Cayetano, pari

Mga Bilang 20, 1-13
Salmo 94, 1-2. 6-7. 8-9

Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.

Mateo 16, 13-23

Thursday of the Eighteenth Week in Ordinary Time (Green)

or Optional Memorial of St. Sixtus II, Pope, and Companions, Martyrs (Red)
or Optional Memorial of St. Cajetan, Priest (White)

UNANG PAGBASA
Mga Bilang 20, 1-13

Pagbasa mula sa aklat ng mga Bilang

Noong mga araw na iyon, ang mga Israelita’y nakarating sa ilang ng Zin at tumigil sa Cades. Doon namatay at inilibing si Miriam.

Wala silang makuhang tubig doon, kaya nag-usap-usap sila laban kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Mabuti pa’y namatay na kami sa harap ng Toldang Tipanan kasama ng iba naming mga kapatid. Bakit pa ninyo kami dinala rito, upang patayin, pati ang aming mga hayop? Bakit ninyo kami inialis sa Egipto at dinala sa disyertong ito na wala kahit isang butil na pagkain? Ni walang igos, ubas o granada! Wala man lang tubig!” Nagpunta sina Moises at Aaron sa harap ng Toldang Tipanan at nagpatirapa. Napakita naman sa kanila ang kaningningan ng Panginoon.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Dalhin mo ang tungkod ni Aaron. Isama ninyo ni Aaron ang buong bayan sa harap ng malaking bato. Pagdating doon, magsalita ka sa bato at lalabas ang tubig para sa bayan at sa kanilang kawan.” Kinuha nga ni Moises ang tungkod sa harap ng Kaban ng Tipan.

Tinipon nina Moises at Aaron sa harap ng malaking bato ang buong bayan. Sinabi niya, “Makinig kayo, mga mapanghimagsik. Ibig ba ninyong magpabukal kami ng tubig sa batong ito?” Pagkasabi noon, makalawang pinalo ni Moises ang bato sa pamamagitan ng tungkod. Bumukal ang masaganang tubig at nakainom ang bayan pati ng kanilang kawan.

Ngunit pinagsabihan ng Panginoon sina Moises at Aaron. Wika niya: “Dahil sa kakulangan ng inyong pagtitiwala na ipakikilala ang aking kabanalan sa harapan ng bayan, hindi kayo makararating sa lupaing ibibigay ko sa kanila.”

Ito ang bukal ng Meriba, ang lugar ng paghihimagsik ng Israel laban sa Panginoon; ipinakita niya dito ang kanyang kabanalan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 94, 1-2. 6-7. 8-9

Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.

Tayo ay lumapit
sa ‘ting Panginoon, siya ay awitan,
ating papurihan
ang batong kublihan nati’t kalakasan.
Tayo ay lumapit,
sa kanyang harapan na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.

Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.

Tayo ay lumapit,
sa kanya’y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap nitong Panginoong sa ati’y lumalang.
Siya ang ating Diyos,
tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.

Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.

Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
“Iyang inyong puso’y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso’t
doon ay sinubok ng inyong magulang, bagamat nakita
ang aking ginawang sila’ng nakinabang.”

Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.

ALELUYA
Mateo 16, 18

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Pedro, ang saligan
ng aking simbahang banal
na daig ang kamatayan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 16, 13-23

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nang dumating si Hesus sa lupain ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.” At mahigpit niyang tinagubilin ang kanyang mga alagad na huwag sasabihin na siya ang Kristo.

Mula noon ay ipinaalam na ni Hesus sa kanyang mga alagad na dapat siyang magtungo sa Jerusalem at magbata ng maraming hirap sa kamay ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at kanilang ipapapatay siya. Ngunit sa ikatlong araw siya’y muling mabubuhay. Niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan ng ganito: “Panginoon, huwag naman itulot ng Diyos! Hindi po dapat mangyari ito sa inyo.” Ngunit hinarap siya ni Hesus at sinabihan, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes

Habang ating pinagninilayan ang simulain ng ating Simbahan, manalangin tayo nang may bukas na puso sa ating Diyos Ama para sa sarili nating pangangailangan at ang pangangailangan ng sandaigdigan.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Buhay na Diyos, basbasan mo ang iyong bayan.

Ang mahal na Papa, ang tagapagmana ng tungkulin ni San Pedro, nawa’y gamitin nang matalino at ayon sa kalooban ng Diyos ang kapangyarihan ng susing ipinagkaloob sa kanya, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa mga may tungkulin ng pamumuno sa mga lipunan nawa’y hindi manaig ang kapangyarihan ng kasamaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa paningin ng mga sumasampalataya nawa’y hindi mawala si Kristo na kanilang panulukang bato at pundasyon ng buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at mga matatanda nawa’y maalalayan at matulungan ng kanilang mga kapamilya at kaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapa na sa buhay na ito nawa’y makatagpo ng kapahingahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Amang pinagmumulan ng lahat ng karunungan, ipinagkatiwala ng iyong Anak ang kanyang kapangyarihan sa Simbahan. Habang iniaalay namin ang aming mga panalangin, tulungan mo kaming maging ganap ang iyong kalooban sa amin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Trahedya sa basura

 177,661 total views

 177,661 total views Mga Kapanalig, isang trahedya ang pagguho ng Binaliw landfill sa Cebu City ngayong Zero Waste Month pa naman. Noong ika-8 ng Enero, gumuho

Read More »

Tunay na kaunlaran

 199,437 total views

 199,437 total views Mga Kapanalig, ilang barikada pa kaya ang itatayo ng mga residente ng bayan ng Dupax del Norte sa Nueva Vizcaya upang protektahan ang

Read More »

Huwag gawing normal ang korapsyon

 223,338 total views

 223,338 total views Mga Kapanalig, kasama nating tumawid sa 2026 ang isyu ng korapsyon. Wala pa ring napananagot na malalaking isda, ‘ika nga, sa mga sangkot

Read More »

Kaunlarang may katarungan

 330,178 total views

 330,178 total views Mga Kapanalig, nagdiriwang ang mga vendors ng Baguio City Public Market matapos umatras ang SM Prime Holdings sa planong redevelopment ng pamilihan. Patunay

Read More »

Panalo para sa edukasyon?

 353,861 total views

 353,861 total views Mga Kapanalig, ngayong 2026, naglaan ang pamahalaan ng mahigit isang trilyong piso para sa Department of Education (o DepEd) at mga attached agencies

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 86,369 total views

 86,369 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 86,600 total views

 86,600 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 87,178 total views

 87,178 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 66,536 total views

 66,536 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 66,645 total views

 66,645 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top