1,786 total views
Huwebes ng Unang Linggo
sa Karaniwang Panahon (I)
Hebreo 3, 7-14
Salmo 94, 6-7. 8-9. 10-11
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
Marcos 1, 40-45
Thursday of the First Week of Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Hebreo 3, 7-14
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, gaya ng sabi ng Espiritu Santo,
“Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos,
Huwag maging matigas ang inyong ulo, tulad noong maghimagsik kayo at subukin siya sa ilang.
‘Doo’y tinukso ako at sinubok ng inyong mga magulang,’ sabi ng Diyos,
‘Gayong nakita nila ang mga ginawa ko sa loob ng apatnapung taon.
Kaya’t kinapootan ko ang lahing iyon,
At sinabi ko, Lagi silang nagpapakaligaw,
Hindi na nila natutuhan ang aking mga daan.
Kaya’t sa galit ko’y aking isinumpang
Hinding-hindi sila makapapasok at makapamamahinga sa piling ko.’”
Mga kapatid, ingatan ninyong huwag sumama ang sinuman sa inyo at mawalan ng pananampalataya hanggang sa talikdan ang Diyos na buhay. Sa halip, magpaalalahanan kayo araw-araw, habang may panahon pa, upang ang sinuman sa inyo’y di madaya at maging alipin ng kasalanan. Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Kristo, kung mananatili tayong matatag hanggang wakas sa ating pananalig sa kanya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 94, 6-7. 8-9. 10-11
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
Tayo ay lumapit,
sa kanya’y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
nitong Panginoong sa ati’y lumalang.
Siya ang ating Diyos,
tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
“Iyang inyong puso’y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso’t
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagamat nakita
aking aking ginawang sila’ng nakinabang.”
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
Apatnapung taon,
sa inyong ninuno ako ay nagdamdam,
ang aking sinabi,
“Sila ay suwail, walang pakundangan
at ang mga utos ko ay sinusuway!”
Dahil sa galit ko,
ako ay sumumpang di sila daratal,
sa lupang pangakong aking inilaan.
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
ALELUYA
Mateo 4, 23
Aleluya! Aleluya!
Ipinangaral ni Hesus
ang paghahari ng Diyos.
Sakit ay kanyang ginamot.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 1, 40-45
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may isang ketonging lumapit kay Hesus, nanikluhod at nagmakaawa: “Kung ibig po ninyo’y mapagagaling ninyo ako.” Nahabag si Hesus at hinipo siya, sabay ang wika, “Ibig ko. Gumaling ka!” Noon di’y nawala ang ketong at gumaling ang tao. Pinaalis siya agad ni Hesus matapos ang ganitong mahigpit na bilin: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pasuri ka sa saserdote. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises, upang patunayan sa mga tao na ikaw ay magaling na.” Ngunit umalis siya at bagkus ipinamalita ang nangyari, anupat hindi na hayagang makapasok ng bayan si Hesus. Naroon na lamang siya sa labas, sa mga ilang na pook, at doon pinagsasadya ng mga tao buhat sa iba’t ibang dako.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Naniniwala sa habag ng Panginoon, lumapit tayo nang may pananalig sa ating Amang nasa Langit na ang ating mga panalangin ay pakikinggan:
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Amang mahabagin, pakinggan Mo kami.
Ang Simbahan nawa’y hindi magkulang sa kanyang tungkulin na tanggapin ang mga napapabayaan at mga itinuturing na yagit ng lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating gobyerno nawa’y makapagbigay ng mahusay na programang pangkalusugan at paigtingin pa ang kanilang pagsusulong ng malusog na kapaligiran, manalangin tayo sa Panginoon.
Bilang isang komunidad tayo nawa’y tumulong nang may pag-ibig at malasakit sa mga binabalewala ng lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mahihirap at mga maysakit nawa’y makatagpo ng atensyon at tulong-medikal mula sa mga may mabubuting kalooban, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao kay Kristo nawa’y mabuhay sa tunay na kalayaan at kaligayahan ng Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Maawaing Ama, palalimin mo ang aming diwa ng habag at pang-unawa sa mga nagdurusa. Itulad nawa namin ang aming buhay kay Jesus na humanap ng kalayaan, kagalingan, at kapayapaan para sa bawat tao. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.