Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Huwebes, Hulyo 10, 2025

SHARE THE TRUTH

 3,966 total views

Huwebes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Genesis 44, 18-21. 23b-29; 45, 1-5
Salmo 104, 16-17. 18-19. 20-21

Gunitain nang malugod
ang dakilang gawa ng D’yos.

Mateo 10, 7-15

Thursday of the Fourteenth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Genesis 44, 18-21. 23b-29; 45, 1-5

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Noong mga araw na iyon, lumapit si Juda kay Jose at ang wika, “Nakikiusap po ako, ginoo, kung inyong mamarapatin. Huwag sana ninyong ikagagalit. Ang palagay ko sa inyo’y para na kayong Faraon. Ginoo, tinanong ninyo kung mayroon pa kaming ama at kapatid. Ang tugon po namin ay may ama kaming matanda na at bunsong kapatid na anak niya sa katandaan. Sinabi pa naming patay na ang kapatid nito at siya na lamang ang buhay na anak ng kanyang ina, kaya mahal na mahal siya ng aming ama. Iniutos ninyong dalhin siya rito upang inyong makita. Ang wika naman ninyo’y hindi na ninyo kami tatanggapin dito kung hindi namin siya maihaharap sa inyo.

“Ang lahat ng ito’y sinabi namin sa aming ama nang umuwi kami. Muli kaming inutusan ng aming ama na pumarito upang bumili ng pagkain. Ipinaalaala namin sa kanya na hindi ninyo kami tatanggapin kung hindi kasama ang bunso naming kapatid. Sinabi po niya sa amin: ‘Alam naman ninyo na dalawa lamang ang anak ng kanilang ina. Wala na ang isa; maaaring niluray ng mabangis na hayop. At kung ang natitira ay isasama pa ninyo, maaaring mamatay ako sa dalamhati.’”

Hindi na mapigil ni Jose ang kanyang damdamin, kaya pinaalis niya ang kanyang tagapaglingkod. Nang sila na lamang ang naroon, ipinagtapat ni Jose sa kanyang mga kapatid kung sino siya. Sa lakas ng kanyang iyak, narinig siya ng mga Egipcio, kaya’t ang balita’y mabilis na nakarating sa palasyo. “Ako si Jose!” ang pagtatapat niya sa kanyang mga kapatid. “Buhay pa bang talaga ang ating ama?” Nagulantang sila sa kanilang narinig at hindi nakasagot. “Lumapit kayo,” wika ni Jose. Lumapit nga sila, at nagpatuloy siya sa pagsasalita, “Ako nga si Jose, ang inyong kapatid na ipinagbili ninyo sa Egipto. Ngunit huwag na ninyong ikalungkot ang nangyari. Huwag ninyong sisihin ang inyong sarili sa ginawa ninyo sa akin. Ang Diyos ang nagpadala sa akin dito upang iligtas ang inyong buhay.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 104, 16-17. 18-19. 20-21

Gunitain nang malugod
ang dakilang gawa ng D’yos.

Sa lupain nila’y mayroong taggutom na ipinarating
itong Panginoon, kung kaya nagdahop sila sa pagkain.
Subalit ang Diyos sa unahan nila’y may sugong lalaki
tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose.

Gunitain nang malugod
ang dakilang gawa ng D’yos.

Mga paa nito’y nagdanas ng hirap nang ito’y ipangaw,
pati leeg niya’y pinapagk’wintas ng kolyar na bakal;
hanggang sa dumating ang isang sandali na siya’y subukin
nitong Panginoon, na siyang nangakong siya’y tutubusin.

Gunitain nang malugod
ang dakilang gawa ng D’yos.

Ang kinasangkapan niya’y isang hari, siyang nagpalaya,
pinalaya siya nitong haring ito na namamahala,
doon sa palasyong tahanan ng hari pinapamahala,
sa buong lupain, si Jose’y ginawa niyang katiwala.

Gunitain nang malugod
ang dakilang gawa ng D’yos.

ALELUYA
Marcos 1, 15

Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos ay maghahari na,
talikdan ang tanang sala,
manalig sa balita n’ya.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 10, 7-15

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga ketongin at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad. Huwag kayong magdala ng salapi maging ginto, pilak, o tanso – sa inyong mga lukbutan. Huwag din kayong magdala ng supot sa inyong paglalakbay, ni bihisan, pampalit na panyapak, o tungkod; sapagkat ang manggagawa ay may karapatang sa kanyang ikabubuhay.

“At saanmang bayan o nayon kayo dumating, humanap kayo ng taong karapat-dapat pakituluyan, at manatili kayo roon habang kayo’y nasa lugar na iyon. Pagpasok ninyo sa bahay, sabihin ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung karapat-dapat ang mga tao sa bahay na iyon, panatilihin ninyo sa kanila ang inyong bati. Ngunit kung hindi, bawiin ninyo ito. At kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok ng inyong mga paa. Sinasabi ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang ipaparusa sa mga tao sa bayang yaon kaysa dinanas ng mga taga-Sodoma at taga-Gomorra.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes

Tayo ay kabahagi sa walang hanggang plano ng Diyos. Pinili ni Kristo ang bawat isa sa atin sa dahilang tanging siya lamang ang nakababatid. Itaas natin ang ating mga panalangin sa Diyos na siyang nangangalaga sa atin.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Mapagbigay na Diyos, pakinggan Mo kami.

Ang Simbahan nawa’y patuloy na mag-anyaya at magsugo ng marami pang misyonero upang ipahayag ang kaligtasan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga taong nalilito o kulang sa paggalang sa sarili nawa’y maunawaan ang plano ng Diyos para sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Yaong mga tumatanggi sa mga tagapagpadala ng mensahe ng Diyos at sa katotohanang kanilang taglay nawa’y makadama ng habag ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Yaong may malubhang karamdaman nawa’y tanggapin nang bukas-loob ang Sakramento ng Pagpapagaling at Pakikipag-kasundo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga tapat na namayapa nawa’y makapiling ni Kristo sa huling hantungan ng kaluwalhatian ng kanyang paghahari, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama ng aming Panginoong Jesu-Kristo, inampon mo kami bilang iyong mga anak. Tulungan mo kaming pahalagahan ang maraming biyayang ito habang itinataas namin sa iyo ang aming panalangin sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

PORK BARREL

 88,449 total views

 88,449 total views Kapanalig, bakit katakam-takam ang Pork barrel funds? Bakit nababaliw ang mga mambabatas sa pork barrel? Noong 2013, idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional

Read More »

THE CONDUCTOR

 100,989 total views

 100,989 total views Kapanalig, sinasabi ng Cambridge dictionary na ang “CONDUCTOR” ay “Person who directs the performance of musicians or a piece of music especially by

Read More »

Sakramento ng kasal

 123,371 total views

 123,371 total views Mga Kapanalig, paunti raw nang paunti ang mga nagpapakasal sa ating bansa. Iniulat ito noong isang linggo ng Philippine Statistics Authority (o PSA).

Read More »

Aktibismo, red tagging, at ang kalikasan

 142,603 total views

 142,603 total views Mga Kapanalig, hindi lamang ang mga aktibista ang napapahamak sa red-tagging o ang pag-uugnay sa kanila sa mga itinuturing na kalaban ng estado.

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 46,290 total views

 46,290 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 46,521 total views

 46,521 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 47,032 total views

 47,032 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 34,201 total views

 34,201 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 34,310 total views

 34,310 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top