4,457 total views
Paggunita kay San Benito, abad
Oseas 11, 1-4. 8k-9
Salmo 79, 2ak at 3b. 15-16
Poon kami’y ‘yong iligtas
at tanglawan ng ‘yong sinag.
Mateo 10, 7-15
Memorial of St. Benedict, Abbot (White)
Mga Pagbasa mula sa
Huwebes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
Oseas 11, 1-4. 8k-9
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Oseas
Ito ang sinasabi ng Panginoon
“Nang bata pa ang Israel, siya’y aking minahal na parang tunay na anak, at inilabas ko siya sa Egipto.
Ngunit habang siya’y tinatawag ko, lalo naman siyang lumalayo.
Lagi na lamang siyang naghahandog sa mga diyus-diyusan.
At nagsusunog ng kamanyang sa kanilang mga diyus-diyusan.
Ako ang nagturo kay Efraim na lumakad, kinalong ko siya;
subalit hindi nila alam na ako ang nangangalaga sa kanila.
Pinatnubayan ko sila nang buong pagmamalasakit at pagmamahal;
ang katulad ko’y isang nag-aalis ng busal sa kanilang bibig,
at yumuko ako upang sila’y mapakain.
Nagtatalo ang loob ko at nanaig sa aking puso ang malasakit at awa.
Hindi ko ipadarama ang bigat ng aking poot.
Hindi ko na muling sisirain ang Efraim;
sapagkat ako’y Diyos at hindi tao, ang Banal na nasa kalagitnaan ninyo,
at hindi ako naparito upang magwasak.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 79, 2ak at 3b. 15-16
Poon kami’y ‘yong iligtas
at tanglawan ng ‘yong sinag.
Pastol ng Israel, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
Sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, at tubusin sa hirap!
Poon kami’y ‘yong iligtas
at tanglawan ng ‘yong sinag.
Ika’y manumbalik,
O Diyos na Dakila! Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito’y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
Lumapit ka sana,
ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
yaong punong iyon na pinalago mo’t iyong pinalakas!
Poon kami’y ‘yong iligtas
at tanglawan ng ‘yong sinag.
ALELUYA
Marcos 1, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos ay maghahari na,
talikdan ang tanang sala,
manalig sa balita n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 10, 7-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga ketongin at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad. Huwag kayong magdala ng salapi maging ginto, pilak, o tanso – sa inyong mga lukbutan. Huwag din kayong magdala ng supot sa inyong paglalakbay, ni bihisan, pampalit na panyapak, o tungkod; sapagkat ang manggagawa ay may karapatan sa kanyang ikabubuhay.
“At saanmang bayan o nayon kayo dumating, humanap kayo ng taong karapat-dapat pakituluyan, at manatili kayo roon habang kayo’y nasa lugar na iyon. Pagpasok ninyo sa bahay, sabihin ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung karapat-dapat ang mga tao sa bahay na iyon, panatilihin ninyo sa kanila ang inyong bati. Ngunit kung hindi, bawiin ninyo ito. At kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok ng inyong mga paa. Sinasabi ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang ipaparusa sa mga tao sa bayang yaon kaysa dinanas ng mga taga-Sodoma at taga-Gomorra.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Tayo ay kabahagi sa walang hanggang plano ng Diyos. Pinili ni Kristo ang bawat isa sa atin sa dahilang tanging siya lamang ang nakababatid. Itaas natin ang ating mga panalangin sa Diyos na siyang nangangalaga sa atin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Mapagbigay na Diyos, pakinggan Mo kami.
Ang Simbahan nawa’y patuloy na mag-anyaya at magsugo ng marami pang misyonero upang ipahayag ang kaligtasan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong nalilito o kulang sa paggalang sa sarili nawa’y maunawaan ang plano ng Diyos para sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga tumatanggi sa mga tagapagpadala ng mensahe ng Diyos at sa katotohanang kanilang taglay nawa’y makadama ng habag ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong may malubhang karamdaman nawa’y tanggapin nang bukas-loob ang Sakramento ng Pagpapagaling at Pakikipag-kasundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na namayapa nawa’y makapiling ni Kristo sa huling hantungan ng kaluwalhatian ng kanyang paghahari, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama ng aming Panginoong Jesu-Kristo, inampon mo kami bilang iyong mga anak. Tulungan mo kaming pahalagahan ang maraming biyayang ito habang itinataas namin sa iyo ang aming panalangin sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.