3,966 total views
Miyerkules ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Oseas 10, 1-3. 7-8. 12
Salmo 104, 2-3. 4-5. 6-7
Hanapin ang Poon lagi,
sa harap n’ya manatili.
Mateo 10, 1-7
Wednesday of the Fourteenth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Oseas 10, 1-3. 7-8. 12
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Oseas
Ang Israel ay tulad ng punong ubas na mayabong at hitik ng bunga. Habang dumarami ang kanyang bunga, dumarami naman ang itinatayo niyang dambana. Habang umuunlad ang kanyang lupain ay lalo nilang pinagpapala ang mga haliging sinasamba nila. Marumi ang kanilang puso; ngayo’y dapat nilang pagdusahan ang kanilang kasamaan. Wawasakin ng Panginoon ang kanilang mga dambana, at sisirain ang mga haliging sinasamba nila.
Di magtatagal at sasabihin nila: “Wala kaming hari sapagkat hindi kami natatakot sa Panginoon. At ano ang magagawa para sa amin ng isang hari?”
Ang hari ng Samaria’y mawawalang parang bula. Wawasakin ang mga dambana sa burol ng Aven na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel. Tutubuan ng mga tinik at dawagan ang kanilang mga dambana. Sasabihin nila sa kabundukan, “Takpan ninyo kami,” at sa kaburulan, “Tabunan ninyo kami.”
“Maghasik kayo ng katuwiran, at mag-aani kayo ng pagpapala bunga ng katapatan ninyo sa akin. Bungkalin ninyo uli ang pinabayaang lupa, sapagkat panahon na upang hanapin ang Panginoon. Lalapit siya sa inyo at pauulanan kayo ng biyaya.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 104, 2-3. 4-5. 6-7
Hanapin ang Poon lagi,
sa harap n’ya manatili.
o kaya: Aleluya.
Siya ay purihin, suubin ng awit, ating papurihan,
ang kahanga-hangang mga gawa niya’y dapat na isaysay.
Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
lahat ng may nais maglingkod sa Poon, dapat na magsaya.
Hanapin ang Poon lagi,
sa harap n’ya manatili.
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
ang kanyang paghatol, gayun din ang kanyang ginawang himala.
Hanapin ang Poon lagi,
sa harap n’ya manatili.
Ito’y nasaksihan ng mga alipi’t anak ni Abraham,
gayun din ang lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
Ang Panginoong Diyos ay ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
sa kanyang paghatol ay ang nasasaklaw, buong sansinukob.
Hanapin ang Poon lagi,
sa harap n’ya manatili.
ALELUYA
Marcos 1, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos ay maghahari na,
talikdan ang tanang sala,
manalig sa balita n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 10, 1-7
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, tinipon ni Hesus ang labindalawang alagad at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga may karamdaman. Ito ang pangalan ng labindalawang apostol: si Simon na tinatawag na Pedro at si Andres na kanyang kapatid; sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo; sina Felipe at Bartolome; si Tomas, at si Mateo na publikano; si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong makabayan at si Judas Iscariote, ang nagkanulo kay Hesus.
Ang labindalawang ito’y sinugo ni Hesus at kanyang pinagbilinan: “Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano. Sa halip ay hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Bilang bayang tinawag ng Diyos sa iba’t ibang pamamaraan upang ipahayag ang Mabuting Balita ng Kaharian, itaas natin sa Ama ang ating mga pangangailangan, siya na patuloy na nagmamalasakit sa atin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos na tumatawag sa amin, panatilihin Mo kami.
Yaong mga tinawag sa Simbahan upang mamuno sa sambayanan ng Diyos nawa’y maging matapang sa pagpapahayag ng Ebanghelyo ni Jesu-Kristo saanmang bahagi ng daigdig, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naghahangad na makita ang Diyos nawa’y makatagpo ng kaliwanagan ng diwa at makatugon nang buong puso sa paanyaya ng Diyos na makapiling siya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kabataan nawa’y makilala ang tinig ni Kristo na tumatawag sa kanila sa buhay paglilingkod, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makatanggap ng kasiyahan at kalakasan mula sa mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal na yumao nawa’y mamahinga sa kapayapaan ng Kaharian ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, sa iyong pagtawag sa amin sa pang-araw-araw naming buhay, hayaan mong bigyan kami ng iyong Espiritu ng lakas upang bigkasin ang mga katagang: “Panginoon, narito ako, nakahandang sundin ang kalooban mo.” Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.