LINGGO, ABRIL 2, 2023

SHARE THE TRUTH

 2,874 total reads

Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon (A)

Mateo 21, 1-11

Isaias 5, 4-7
Salmo 21, 8-9. 17-18a. 19-20. 23-24.

D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman
ako’y ‘yong pinabayaan.

Filipos 2, 6-11
Mateo 26, 14-27, 66
o kaya Mateo 27, 11-54

Palm Sunday of the Lord’s Passion (Red)

MABUTING BALITA
Mateo 21, 1-11

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Malapit na sila sa Jerusalem. Pagdating nila sa Betfage, sa Bundok ng mga Olibo, pinauna ni Hesus ang dalawang alagad. Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Makikita ninyo roon ang isang inahing asno na nakatali, kasama ang kanyang bisiro. Kalagin ninyo at dalhin dito. Kapag may sumita sa inyo, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon, at hindi na kikibo iyon.”

Nangyari ito upang matupad ang sinabi ng propeta;
“Sabihin ninyo sa lungsod ng Sion:
masdan mo, dumarating ang iyong hari,
Siya’y mapagpakumbaba; nakasakay sa isang asno,
sa isang bisiro, bisiro ng isang asno.”

Lumakad nga ang mga alagad at ginawa ang iniutos ni Hesus. Dinala nila ang inahing asno at ang bisiro. Isinapin nila sa likod ng mga ito ang kanilang balabal, at sumakay si Hesus. Maraming naglatag ng kanilang balabal sa daan; ang iba nama’y pumutol ng mga sanga ng kahoy at inilatag din sa daan. Nagsisigawan ang mga taong nauuna at sumusunod sa kanya: “Mabuhay ang anak ni David! Pagpalain ang dumarating sa ngalan ng Panginoon! Purihin ang Diyos!” Pagpasok ni Hesus sa Jerusalem, nagulo ang buong lungsod. “Sino kaya ito?” tanong nila. “Si Hesus, ang propetang taga-Nazaret, Galilea,” sagot ng karamihan.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

UNANG PAGBASA
Isaias 50, 4-7

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ang Makapangyarihang Panginoon
ang nagturo sa akin ng sasabihin ko,
para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga’y
kanyang binubuksan ang aking pandinig.
Nananabik akong malaman
kung ano ang ituturo niya sa akin.
Binigyan niya ako ng pang-unawa,
hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya.
Hindi ako tumutol
nang bugbugin nila ako,
hindi ako kumibo
nang ako’y kanilang insultuhin.
Pinabayaan ko silang bunutin
ang buhok ko’t balbas,
gayun din nang lurhan nila ako sa mukha.
Ang mga pagdustang ginawa nila’y
di ko pinapansin,
pagkat ang Makapangyarihang Panginoon
ang tumutulong sa akin.
Handa akong magtiis
na sampaling parang bato
pagkat aking batid
na ang sarili ko’y di mapapahiya.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 21, 8-9. 17-18a. 19-20. 23-24

D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman
ako’y ‘yong pinabayaan.

Bawat taong makakita’y umiiling, nanunukso,
palibak na nagtatawa’t sinasabi ang ganito:
“Nagtiwala siya sa Diyos, ngunit hindi siya pansin,
kung talagang minamahal, bakit hindi intindihin?”

D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman
ako’y ‘yong pinabayaan.

May pangkat ng mga buhong na sa aki’y pumaligid,
para akong nasa gitna niyong asong mababangis,
mga kamay ko at paa’y butas sa pakong matulis
ang buto ng katawan ko ay mabibilang sa masid.

D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman
ako’y ‘yong pinabayaan.

Pinaghati-hati nila ang damit ko sa katawan,
ang hinubad na tunika’y dinaan sa sapalaran.
H’wag mo akong ulilahin, h’wag talikdan, Panginoon,
O aking Tagapagligtas, bilisan mo ang pagtulong.

D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman
ako’y ‘yong pinabayaan.

Ang lahat ng ginawa mo’y ihahayag ko sa lahat,
sa gitna ng kapulunga’y pupurihin kitang ganap,
purihin ang Panginoon ng lahat ng kanyang lingkod,
Siya’y inyong dakilain, kayong angkan ni Jacob;
Ikaw bayan ng Israel ay sumamba at maglingkod.

D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman
ako’y ‘yong pinabayaan.

IKALAWANG PAGBASA
Filipos 2, 6-11

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos

Si Kristo Hesus, bagama’t siya’y Diyos ay hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos. Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus. Kaya naman, siya’y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan. Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod. At sasamba sa kanya. At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Filipos 2, 8-9

Masunuring Kristo Hesus
naghain ng buhay sa krus,
kaya’t dinakila ng D’yos
binigyan ng ngalang tampok
sa langit at sansinukob.

MABUTING BALITA
Mateo 26, 14-27, 66

Ang Pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon: Si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa, ay nakipagkita sa mga punong saserdote. “Ano po ang ibibigay ninyo sa akin kung tulungan ko kayong madakip si Hesus?” tanong niya. Noon din ay binilangan nila siya ng tatlumpung salaping pilak. Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang maipagkanulo si Hesus.

Dumating ang unang araw ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura. Lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong, “Saan po ninyo ibig na ipaghanda namin kayo ng Hapunang Pampaskuwa?” Sumagot siya, “Pumunta kayo sa lungsod at hanapin ninyo ang taong ito. Sabihin sa kanyang ganito ang ipinasasabi ng Guro: ‘Malapit na ang aking oras. Ako at ang mga alagad ko’y sa bahay mo kakain ng Hapunang Pampaskuwa.’” Sinunod ng mga alagad ang utos ni Hesus, at inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa.

Nang gabing yaon, dumulog sa hapag si Hesus, kasama ang labindalawang alagad. Samantalang sila’y kumakain, nangusap si Hesus, “Sinasabi ko: isa sa inyo ang mga magkakanulo sa akin.” Nanlumo ang mga alagad, at isa’t isa’y nagtanong sa kanya, “Ako po ba, Panginoon?” Sumagot siya, “Ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. Papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat, ngunit sa aba ng magkakanulo sa kanya! Mabuti pang hindi na ipinanganak ang taong iyon.” Si Judas, na magkakanulo sa kanya, ay nagtanong din, “Guro, ako po ba?” Sumagot si Hesus, “Ikaw na ang nagsabi.”

Samantalang sila’y kumakain, hinawakan ni Hesus ang tinapay, at matapos na magpasalamat sa Diyos, kanyang pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad. “Kunin ninyo ito at kanin; ito ang aking katawan,” wika niya. Hinawakan niya ang kalis, nagpasalamat sa Diyos at ibinigay sa kanila. “Uminom kayong lahat nito,” sabi niya. “Sapagkat ito ang dugo ng tipan, ang aking dugo na mabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Sinasabi ko sa inyo na hindi na ako iinom nitong alak na mula sa ubas hanggang sa araw na ang bagong alak ay inumin kong kasalo kayo sa kaharian ng aking Ama.” At pagkaawit ng isang imno, sila’y nagpunta sa Bundok ng mga Olibo.

Sinabi ni Hesus sa kanila, “Sa gabing ito, ako’y iiwan ninyong lahat, gaya ng nasasaad sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol, at mangangalat ang mga tupa.’ Ngunit pagkatapos na ako’y muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” Sumagot si Pedro, “Kahit na po iwan kayo ng lahat, hindi ko kayo iiwan.” “Tandaan mo,” sabi ni Hesus, “sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok, makaitlo mo akong itatatwa.” Ngunit matigas na sinabi ni Pedro, “Kahit na ako pataying kasama ninyo, hindi ko kayo itatatwa.” Gayun din ang sinabi ng lahat ng alagad.

At isinama sila ni Hesus sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Dito muna kayo; mananalangin ako sa dako roon.” Ngunit isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. At nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban. Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko’y tigib ng hapis na halos ikamatay ko! Maghintay kayo rito at makipagpuyat sa akin!” Pagkalayo nang kaunti, nagpatirapa siya at nanalangin: “Ama ko, kung maaari’y ilayo mo sa akin ang kalis ng paghihirap na ito. Gayunman, huwag ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang mangyari.”

Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Talaga bang hindi kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras man lamang? Magpuyat kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu’y nakahanda ngunit mahina ang laman.”

Muli siyang lumayo at nanalangin: “Ama ko, kung hindi maiaalis ang kalis na ito nang hindi ko iinumin, mangyari ang iyong kalooban.” Muli siyang nagbalik at dinatnan na naman niya silang natutulog, sapagkat sila’y antok na antok.

Iniwan niya uli ang tatlong alagad at muli siyang nanalangin, at iyon din ang sinabi. Nagbalik na naman siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at nagpapahinga? Dumating na ang oras na ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga makasalanan. Tayo na! Narito na ang magkakanulo sa akin.”

Nagsasalita pa si Hesus nang dumating si Judas, isa sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may dalang mga tabak at mga pamalo; galing sila sa mga punong saserdote at sa matatanda ng bayan. Bago pa sila dumating doon, ibinigay na ng taksil ang ganitong hudyat: “Ang hagkan ko ang siya nating pakay. Dakpin ninyo agad!” Kaya’t nilapitan ni Judas si Hesus at binati, “Magandang gabi po, Guro!” saka hinagkan. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo.” At nilapitan siya ng mga tao at dinakip. Nagbunot ng tabak ang isa sa mga kasama ni Hesus. Tinaga niya ang alipin ng pinakapunong saserdote, at natigpas ang tainga niyon. Sinabi ni Hesus, “Isalong mo ang iyong tabak! Ang gumagamit ng tabak ay sa tabak mamamatay. Hindi mo ba alam na makahihingi ako sa aking Ama nang higit pa sa labindalawang batalyon ng mga anghel at padadalhan niya ako agad? Ngunit paanong matutupad ang mga Kasulatang nagsasabi na ito’y dapat mangyari?”

At binalingan niya ang mga tao at sinabi, “Ako ba’y tulisan at naparito kayong may mga tabak at mga pamalo para dakpin ako? Araw-araw, ako’y nagtuturo sa templo, at hindi ninyo ako dinakip. Ngunit nangyaring lahat ito upang matupad ang sinulat ng mga propeta.”

Tumakas ang mga alagad at iniwan siyang mag-isa.

Dinala si Hesus ng mga dumakip sa kanya sa bahay ni Caifas, ang pinakapunong saserdote; doo’y nakakatipon ang mga eskriba at ang matatanda ng bayan. Sumunod sa kanya si Pedro, ngunit malayo ang agwat nila. Pagdating sa tahanan ng pinakapunong saserdote, pumasok siya sa patyo at naupong kasama ng mga bantay upang makita kung ano ang mangyayari. Naghahanap naman ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin ng saksing magsisinungaling laban kay Hesus, upang maipapatay siya. Ngunit wala silang matagpuan, bagama’t maraming humarap at nagsabi ng kabulaanan tungkol sa kanya. Sa wakas, may dalawang humarap at nagsabi, “Sinabi ng taong ito na gigibain niya ang templo at muling itatayo sa loob ng tatlong araw.”

Tumindig ang pinakapunong saserdote at sinabi kay Hesus, “Wala ka bang maisasagot sa paratang na ito sa iyo?” Ngunit hindi umimik si Hesus. At sinabi sa kanya ng pinakapunong saserdote, “Iniuutos ko sa iyo: sabihin mo sa amin, sa ngalan ng Diyos na buhay, kung ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos.” Sumagot si Hesus, “Kayo na ang nagsabi. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mula ngayon ay makikita ninyo ‘ang Anak ng Taong nakaupo sa kanan ng Maykapangyarihan, at dumarating na nasa alapaap ng langit!’” Nang marinig ito ng pinakapunong saserdote, winahak niya ang sariling kasuotan at sinabi, “Ito’y kalapastanganan sa Diyos! Hindi na natin kailangan ang mga saksi. Narinig ninyo ang kanyang paglapastanganan sa Diyos! Ano sa palagay ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay!”

Siya’y niluran nila sa mukha at pinagsusuntok. Sinampal naman siya ng iba at ang sabi, “Kristo, hulaan mo nga kung sino ang sumampal sa iyo!”

Samantala, si Pedro’y nakaupo sa patyo. Nilapitan siya ng isang alilang babae at ang sabi, “Kasama ka rin ni Hesus na taga-Galilea, hindi ba?” Ngunit itinanggi niya ito sa harapan ng lahat. “Wala akong nalalaman sa sinasabi mo,” sagot niya. Pumunta sa may pintuan si Pedro. Nakita siya ng isa pang alilang babae, at sinabi sa mga naroon, “Ang lalaking ito’y kasama ni Hesus na taga-Nazaret.” Muli siyang tumanggi: “Isinusumpa ko, hindi ko nakikilala ang taong iyan.” Mayamaya’y lumapit kay Pedro ang mga naroon. Sinabi nila, “Isa ka nga sa kanila. Nakikilala sa iyong pagsasalita.” “Mamatay man ako, talagang hindi ko nakikilala ang taong iyan,” sagot ni Pedro. Siya namang pagtilaok ng manok. At naalaala ni Pedro ang sabi ni Hesus, “Bago tumilaok ang manok, makaitlo mo akong itatatwa.” Lumabas siya at nanangis nang buong kapaitan.

Kinaumagahan, nagpulong ang mga punong saserdote at ang mga matatanda ng bayan kung paano maipapapatay si Hesus. Iginapos nila siya at dinala kay Gobernador Pilato.

Nang makita ni Judas na si Hesus ay hinatulang mamatay, nagsisi siya at isinauli sa mga punong saserdote at sa matatanda ng bayan ang tatlumpung salaping pilak. Sinabi niya, “Nagkasala ako! Ipinagkanulo ko ang taong walang sala.” “Ano ang pakialam namin? Bahala ka!” sagot nila. Inihagis ni Judas ang mga salaping pilak sa loob ng templo saka siya umalis at nagbigti.

Pinulot ng mga punong saserdote ang mga salaping pilak. Sinabi nila, “Labag sa Kautusan na ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng templo. Ito’y kabayaran sa buhay ng isang tao.” Nagkaisa sila na ang salapi ay ibayad sa bukid ng magpapalayok upang gawing libingan ng mga dayuhan. Kaya ang bukid na iyon ay tinawag na “Bukid ng Dugo” hanggang sa panahong ito.

Sa ganitong paraan natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias: “Kinuha nila ang tatlumpung salaping pilak, ang inihalaga sa kanya ng mga Israelita, at ibinayad sa bukid ng magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.”

Iniharap si Hesus sa gobernador. “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ng gobernador. Sumagot si Hesus, “Kayo na ang nagsasabi.” Ngunit nang paratangan siya ng mga punong saserdote at ng matatanda ng bayan, hindi na siya sumagot. Kaya’t sinabi sa kanya ni Pilato, “Hindi mo ba naririnig ang mga ipinararatang nila sa iyo?” Ngunit hindi sumagot si Hesus gaputok man, kaya’t nagtaka ang gobernador.

Tuwing Pista ng Paskuwa, kinaugalian na ng gobernador ang magpalaya ng isang bilanggo — sinumang mahiling ng taong-bayan. Noon ay may isang kilalang bilanggo na nagngangalang Barrabas. Kaya’t nang magkatipon ang mga tao, tinanong sila ni Pilato, “Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Barrabas o si Hesus na tinawag na Kristo?” Alam ni Pilato na inggit ang nag-udyok sa kanila na dalhin sa kanya si Hesus.

Hindi lamang iyan. Samantalang siya’y nakaluklok sa hukuman, nagpasabi sa kanya ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa taong iyan na walang kasalanan, sapagkat kagabi’y pinahirapan ako ng aking panaginip tungkol sa kanya.”

Ang mga tao nama’y sinulsulan ng mga punong saserdote at ng matatanda ng bayan na hilingin kay Pilato na si Barrabas ang palayain, at si Hesus ay ipapatay. Muli silang tinanong ng gobernador, “Sino sa dalawa ang ibig ninyong palayain ko?” “Si Barrabas po!” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Hesus na tinatawag na Kristo?” Sumagot ang lahat, “Ipako sa krus!” “Bakit, anong masama ang ginawa niya?” tanong ni Pilato. Ngunit lalo pa nilang isinigaw, “Ipako sa krus!” Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pang magkagulo ang mga tao, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harapan ng mga tao. “Wala akong pananagutan sa kamatayan ng taong ito. Bahala kayo!” sabi ni Pilato. Sumagot ang mga tao, “Pinananagutan namin at ng aming mga anak ang pagkamatay niya!” At pinalaya niya si Barrabas, ngunit ipinahagupit si Hesus at ibinigay sa kanila upang ipako sa krus.

Si Hesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa pretoryo, at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. Hinubaran nila siya at sinuutan ng isang balabal na pulang-pula. Naglikaw sila ng halamang matinik at ipinutong sa kanya, saka pinapaghawak ng isang tambo sa kanyang kanang kamay. At palibak siyang niluhudluhuran at binati: “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Siya’y pinaglulurhan; kinuha nila ang tambo at siya’y pinaghahampas sa ulo. At matapos kutyain, kanilang inalisan siya ng balabal, sinuutan ng sariling damit, at inilabas upang ipako sa krus.

Paglabas nila ng lungsod, kanilang nakita ang isang lalaking nagngangalang Simon, isang taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus. Pagdating sa lugar na tinatawag na Golgota na nangangahulugang Pook ng Bungo, binigyan nila si Hesus ng alak na hinaluan ng apdo. Ngunit nang matikman niya ay hindi ininom.

Nang maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit matapos magsapalaran. At naupo sila upang siya’y bantayan. Nakasulat sa kanyang ulunan ang sakdal laban sa kanya: “Ito’y si Hesus, ang Hari ng mga Judio.” Dalawang tulisan ang kasabay niyang ipinako sa krus – isa sa kanan at isa sa kaliwa.

Nilibak siya ng mga nagdaraan, at tatangu-tango pang sinabi, “Di ba ikaw ang gigiba ng templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!” Kinutya rin siya ng mga punong saserdote, ng mga eskriba at ng matatanda ng bayan. Sabi nila, “Iniligtas ang iba ngunit ang sarili’y di mailigtas! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumaba lang siya ngayon sa krus, maniniwala kami sa kanya! Nananalig siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Iligtas siya ng Diyos kung talagang iniibig siya!” At inalipusta rin siya ng mga tulisang ipinakong kasabay niya.

Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. Nang mag-iikatlo ng hapon, sumigaw si Hesus, “Eli, Eli, lama sabachthani?” ibig sabihi’y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon, at sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!” Agad tumakbo ang isa sa kanila at kumuha ng espongha, tinigmak ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang tambo at ipinasipsip kay Hesus. Ngunit sinabi naman ng iba, “Hintay muna tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!” Muling sumigaw si Hesus at nalagutan ng hininga.

Dito luluhod ang tanan at sandaling mananahimik.

Biglang napunit sa gitna ang tabing ng templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa, nagbitak ang mga bato, nabuksan ang mga libingan, at nabuhay ang maraming banal na namatay na. Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Hesus, sila’y pumasok sa Banal na Lungsod at nakita roon ng marami.

Nasindak ang kapitan at ang mga kawal na nagbabantay kay Hesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. “Tunay na ito’y Anak ng Diyos!” sabi nila.

Naroon din ang maraming babaing nakatanaw mula sa malayo. Mula pa sa Galilea’y sumusunod na sila kay Hesus at naglilingkod sa kanya. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago at ni Jose, at ang asawa ni Zebedeo.

Bago magtakipsilimm dumating ang isang mayamang taga-Arimatea, na ang ngala’y Jose. Siya’y alagad din ni Hesus. Lumapit siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Hesus. Iniutos naman ni Pilato na ibigay ito sa kanya. Kaya’t kinuha ni Jose ang bangkay at binalot ng bagong kayong lino. Inilagay niya ito sa sariling libingan na di pa nalalaunang ipinauka niya sa bato. Pagkatapos, iginulong niya sa pintuan nito ang isang malaking bato, saka umalis. Naroon si Maria Magdalena at ang isa pang Maria, na nakaupo sa tapat ng libingan.

Kinabukasan, alalaong baga’y pagkatapos ng Araw ng Paghahanda, samasamang nagpunta kay Pilato ang mga punong saserdote at ang mga Pariseo. Sinabi nila, “Naalaala po namin na sinabi ng mapagpanggap na iyon noong nabubuhay pa, na siya’y muling mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw. Pabantayan nga po ninyong mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw. Baka pumaroon ang kanyang mga alagad at nakawin ang bangkay, at sabihin sa mga tao na siya’y muling nabuhay. At ang pandarayang ito ay magiging masahol pa sa nauna.” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kumuha kayo ng mga kawal at pabantayang mabuti ang libingan.” Kaya’t pumaroon sila at nilagyan ng tatak ang bato at pinabantayan ang libingan upang matiyak nilang di ito pakikialaman ninuman.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

o kaya: Maikling Pagbasa
Mateo 27, 11-54

Ang Pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, iniharap si Hesus kay gobernador Poncio Pilato. “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ni Pilato. Sumagot si Hesus, “Kayo na ang nagsasabi.” Ngunit nang paratangan siya ng mga punong saserdote at ng matatanda ng bayan, hindi na siya sumagot. Kaya’t sinabi sa kanya ni Pilato, “Hindi mo ba naririnig ang mga ipinararatang nila sa iyo?” Ngunit hindi sumagot si Hesus gaputok man, kaya’t nagtaka ang gobernador.

Tuwing Pista ng Paskuwa, kinaugalian na ng gobernador ang magpalaya ng isang bilanggo — sinumang mahiling ng taong-bayan. Noon ay may isang kilalang bilanggo na nagngangalang Barrabas. Kaya’t nang magkatipon ang mga tao, tinanong sila ni Pilato, “Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Barrabas o si Hesus na tinawag na Kristo?” Alam ni Pilato na inggit ang nag-udyok sa kanila na dalhin sa kanya si Hesus.

Hindi lamang iyan. Samantalang siya’y nakaluklok sa hukuman, nagpasabi sa kanya ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa taong iyan na walang kasalanan, sapagkat kagabi’y pinahirapan ako ng aking panaginip tungkol sa kanya.”

Ang mga tao nama’y sinulsulan ng mga punong saserdote at ng matatanda ng bayan na hilingin kay Pilato na si Barrabas ang palayain, at si Hesus ay ipapatay. Muli silang tinanong ng gobernador, “Sino sa dalawa ang ibig ninyong palayain ko?” “Si Barrabas po!” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Hesus na tinatawag na Kristo?” Sumagot ang lahat, “Ipako sa krus!” “Bakit, anong masama ang ginawa niya?” tanong ni Pilato. Ngunit lalo pa nilang isinigaw, “Ipako sa krus!” Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pang magkagulo ang mga tao, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harapan ng mga tao. “Wala akong pananagutan sa kamatayan ng taong ito. Bahala kayo!” sabi ni Pilato. Sumagot ang mga tao, “Pinananagutan namin at ng aming mga anak ang pagkamatay niya!” At pinalaya niya si Barrabas, ngunit ipinahagupit si Hesus at ibinigay sa kanila upang ipako sa krus.

Si Hesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa pretoryo, at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. Hinubaran nila siya at sinuutan ng isang balabal na pulang-pula. Naglikaw sila ng halamang matinik at ipinutong sa kanya, saka pinapaghawak ng isang tambo sa kanyang kanang kamay. At palibak siyang niluhudluhuran at binati: “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Siya’y pinaglulurhan; kinuha nila ang tambo at siya’y pinaghahampas sa ulo. At matapos kutyain, kanilang inalisan siya ng balabal, sinuutan ng sariling damit, at inilabas upang ipako sa krus.

Paglabas nila ng lungsod, kanilang nakita ang isang lalaking nagngangalang Simon, isang taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus. Pagdating sa lugar na tinatawag na Golgota na nangangahulugang Pook ng Bungo, binigyan nila si Hesus ng alak na hinaluan ng apdo. Ngunit nang matikman niya ay hindi ininom.

Nang maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit matapos magsapalaran. At naupo sila upang siya’y bantayan. Nakasulat sa kanyang ulunan ang sakdal laban sa kanya: “Ito’y si Hesus, ang Hari ng mga Judio.” Dalawang tulisan ang kasabay niyang ipinako sa krus – isa sa kanan at isa sa kaliwa.

Nilibak siya ng mga nagdaraan, at tatangu-tango pang sinabi, “Di ba ikaw ang gigiba ng templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!” Kinutya rin siya ng mga punong saserdote, ng mga eskriba at ng matatanda ng bayan. Sabi nila, “Iniligtas ang iba ngunit ang sarili’y di mailigtas! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumaba lang siya ngayon sa krus, maniniwala kami sa kanya! Nananalig siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Iligtas siya ng Diyos kung talagang iniibig siya!” At inalipusta rin siya ng mga tulisang ipinakong kasabay niya.

Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. Nang mag-iikatlo ng hapon, sumigaw si Hesus, “Eli, Eli, lama sabachthani?” Ibig sabihi’y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon, at sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!” Agad tumakbo ang isa sa kanila at kumuha ng espongha, tinigmak ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang tambo at ipinasipsip kay Hesus. Ngunit sinabi naman ng iba, “Hintay muna, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!” Muling sumigaw si Hesus at nalagutan ng hininga.

Dito luluhod ang tanan at sandaling mananahimik.

Biglang napunit sa gitna ang tabing ng templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa, nagbitak ang mga bato, nabuksan ang mga libingan, at nabuhay ang maraming banal na namatay na. Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Hesus, sila’y pumasok sa Banal na Lungsod at nakita roon ng marami.

Nasindak ang kapitan at ang mga kawal na nagbabantay kay Hesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. “Tunay na ito’y Anak ng Diyos!” sabi nila.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Linggo ng Palaspas

Buong pagtitiwala sa mahabaging pagmamahal ng Panginoon na nakauunawa sa ating mga kahirapan at pangangailangan, idulog natin ang ating mga kahilingan. Manalangin tayo:

Mahabaging Ama, dinggin Mo kami!

Nawa, tulad ng nagsitanggap sa kanya sa Jerusalem, maging bukas lagi ang mga puso ng lahat ng nananampalataya sa pagtanggap kay Hesus. Manalangin tayo!

Nawa ang Santo Papa, ating Obispo, at ating mga pari ay magpatuloy sa paggabay sa atin na maging tapat kay Hesus sa pamamagitan ng kabanalan ng kanilang buhay. Manalangin tayo!

Nawa ang paghatol ng lahat ng hukom sa ating bayan ay maging walang pagkiling o katiwalian. Manalangin tayo!

Nawa ang mga biktimang pinagkaitan ng katarungan ay magpatuloy sa paghahanap ng katarungan nang may tibay ng loob at magtamo ng nauukol sa kanila. Manalangin tayo!

Nawa maunawaan nating ang mga hirap at sakit ni Hesus ay dahil sa sarili nating mga pagka- kasala at kawalan ng pagsisisi. Manalangin tayo!

Tahimik nating idalangin ang pansarili nating mga kahilingan. (Manahimik sandali.)
Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, alalayan Mo kaming mabuhay alinsunod sa turo ni Hesus. Sa pakikibahagi namin sa kanyang paghihirap, makibahagi rin nawa kami sa kanyang kaluwalhatiang walang hanggan. Amen!

Ilawan ang katotohanan

 120,770 total reads

Mga Kapanalig, isinagawa na noong Biyernes ang kauna-unahang “truth-telling session” ng Truth Commission tungkol sa madugong war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte. Sa unang session, binalikan ang kuwento ni Raymart Siapo, 19 na taóng gulang mula sa Navotas. Pinatay si Raymart noong 2017 dahil sa pagbebenta umano ng marijuana. 

Binuo ang komisyon noong Mayo para bigyang-espasyo ang paggunita sa buhay ng mga biktimang kagaya ni Raymart. Layunin ng komisyong kilalanin ang kanilang dignidad bilang tao at tulungan ang kanilang mga pamilya na maghilom. Mahalaga ang hangarin ng komisyon “dahil ang katotohanan ay hindi lang para sa kasaysayan, kundi [para din] sa dignidad ng tao at pananagutan ng mga institusyon.”

Adviser ng komisyon si Cardinal Pablo Virgilio “Ambo” David ng Diyosesis ng Kalookan. Panawagan niya sa komisyon: “Bigyan ng boses, ng tinig, ang mga nawalan. Gunitain natin ang kanilang buhay. Ilawan natin ang katotohanan.” Ang chairperson naman na si dating International Criminal Court (o ICC) Judge Raul Pangalangan ay nagsabing itatalâ ng Truth Commission ang mga kuwento ng mga biktima ng war on drugs para maging bahagi sila ng kasaysayan. Ang mga miyembro ng komisyon ay sina Carlos Conde, mamamahayag at senior researcher ng Human Rights Asia; Dr Raquel Fortun, isang forensic pathologist; Al Furtes, eksperto sa usaping pangkapayapaan; at Fr Danny Pilario, pangulo ng Adamson University. Ibibigay ng komisyon ang final report nito sa publiko, sa pamahalaan, at sa mga local at international NGOs.

Para kay Atty Salvador Panelo, legal counsel ni dating Pangulong Duterte, hindi kailangan ng ganitong komisyon. Propoganda lamang daw ito, bagay na pinabulaanan ni Chairperson Pangalangan. Aniya, hindi maling ilabas ang katotohanan. Kung malungkot ang ilalabas na katotohanan, iyon pa rin ang katotohanan. 

Kasalukuyang nakapiit si dating Pangulong Duterte sa ICC sa The Hague. Humaharap siya sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs, na sa tala ng kapulisan ay bumawi sa buhay ng 6,000 na katao. Malayo ito sa 30,000 kasong na-monitor ng mga civil society organizations, kabilang ang Simbahan. Sa ICC, maaari lamang suriin ang mga kaso noong miyembro pa ang Pilipinas ng Rome Statute o mula taóng 2000 hanggang 2019. Matatandaang kumalas ang bansa sa Rome Statute, ang kasunduang nagtatag sa ICC, sa ilalim ng administrasyong Duterte. Sa Truth Commission, pakikinggan ang kuwento ng lahat ng biktima ng war on drugs, kasama ang mga hindi diringgin sa ICC. 

Sinasabi sa Juan 3:21, “ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa liwanag.” Hinahamon tayo ng mga panlipunang turo ng Simbahan na pumanig sa katotohanan. Hindi ito optional sa ating mga Kristiyano. Tungkulin nating laging hanapin ang katotohanan at ang panindigan ito. 

Sa isa niyang libro, sinabi ng yumaong Pope Benedict XVI na “the truth comes to rule, not violence, but rather through its power.” May kapangyarihan ang katotohanan na hindi magagapi ng karahasan. Sa mabuting balita ayon kay San Juan, maaalala nating sinabi ni Hesus kay Pilato sa harap ng nagbabadyang karahasan sa kanyang pagpapakasakit, “Ako ang Katotohanan.” Si Hesus, ang katotohanan, ay humarap sa karahasan nang may buong paninidigan at ganap na pag-ibig para sa atin. Ang Kanyang muling pagkabuhay ay patunay na laging mananaig ang katotohanan.

Mga Kapanalig, sa gitna ng truth-telling sessions ng Truth Commission, sundan natin ang yapák ni Hesus at dalhin ang katotohanan. Nawa’y mapakinggan natin at maibahagi ang kuwento ng mga biktima ng war on drugs. Sa pakikinig at pagsisiwalat sa katotohanan, nagiging kabahagi tayo sa pagbibigay ng liwanag sa madilim na yugto ng ating kasaysayan, kung saan libu-libo ang pinatay at naulila. Huwag tayong mag-atubiling lumapit sa liwanag at ilawan ang katotohanan. 

Sumainyo ang katotohanan.  

Dagat ng basura

 181,264 total reads

Mga Kapanalig, hindi lang korapsyon sa mga flood control projects ang umaalingasaw tuwing tag-ulan. Nangangamoy din ang baho ng bigóng pagtugon natin sa krisis ng basura.

Noong nakaraang linggo, tone-toneladang basura ang bumará sa Redemptorist Water Channel sa Parañaque City matapos ang sunud-sunod na araw ng pag-ulan dala ng habagat. Umabot ng higit sa 200 trak ng basura ang nahakot mula sa naturang daluyan ng tubig malapit sa simbahan ng Baclaran. Ayon sa lokal na pamahalaan ng Parañaque, inagos ang basura mula sa mga nakapalibot na lugar sa Manila Bay. Sa ginawang clearing operations, buwis-buhay na lumusong sa dagat ng basura ang mga kawani ng LGU, Metropolitan Manila Development Authority (o MMDA), at Department of Public Works and Highways (o DPWH) para hakutin ang basura gamit ang backhoe.

Sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na kailangan na raw ng “drastic solutions” sa problema sa basura. Binanggit niyang halimbawa ang waste-to-energy technologies na ibinida ni Pangulong Bongbong Marcos Jr sa kanyang SONA. Suportado rin ng kalihim pati ni MMDA General Manager Nicolas Torre ang mga panukalang magpataw ng mabigat na multa para sa maling pagtatapon ng basura. Pero para kay PBBM, hindi raw mabisang pagmultahin ang maling pagtatapon ng basura kung walang maayos na basurahan. Anong say ninyo, mga Kapanalig?

Lahat ng mga ibinibidang solusyon ng administrasyon ay nakatuon lang sa maayos na waste management system. Sang-ayon tayong mahalaga ito. Pero paano masosolusyunan ang krisis sa basura kung hindi natin puputulin ang ugat ng sobra-sobrang paglikha ng basura? Kumbaga, nagbibigay lang tayo ng bandaid solution kung saan nireremedyohan lang natin ang mga sintomas ng sakit pero hindi naman natin ginagamot ang pinagmumulan nito.

Ayon sa grupong Oceana, habang nakatuon ang administrasyon sa waste-to-energy at pagsisi sa publiko sa pagkakalát, hindi nabibigyang-pansin ang ugat ng krisis—ang plastic pollution at walang habas na paggamit ng single-use plastics na sinusuplay ng mga dambuhalang korporasyon. Dagdag ng grupo, mayroon na tayong Ecological Solid Waste Management Act of 2000 na nagsasabing dapat bawasan ang paglikha ng basura sa pinagmumulan nito at ipagbawal ang mga produktong nakapipinsala sa kapaligiran. Gaya ng maraming batas, hindi ito buong ipinatutupad ng gobyerno.

Sa Catholic social teaching na Laudato Si’, sinusuportahan ng Simbahan ang circular o paikot na modelo ng produksyon kung saan nililimitahan ang pagkuha ng mga nauubos na likas-yaman para mapakinabangan ito ng mga susunod na henerasyon. Sa nakasanayang linear o tuwid na sistema natin, kukunin ang likas-yaman, gagawing produkto, panandaliang gagamitin, at itatapon na. Sa circular na sistema, binibigyang-diin ang pag-reduce, reuse, repair, at recycle ng mga produkto. Idinidisenyo ang mga produkto para magamit nang matagal, madaling ayusin kapag nasira, at maaaring i-recycle para mabawasan ang pagkonsumo at paglikha ng basura.

Ilang trahedya sa basura na ang naibalita ngayong taon, kaya alam na dapat natin ito: hindi sapat ang disiplina ng publiko at maayos na waste management system. Nakaugat ang krisis na ito sa modelo ng ekonomiyang kumikita sa paglikha ng basura. Malalim, malawak, at nakabaón sa kultura at mga istruktura ng lipunan ang problemang ito. Pero maaari tayong magsimula sa pagpapatupad ng mga solusyon sa ating tahanan at komunidad, gaya ng pagsusulong at pagsasabuhay ng “sapat lifestyle”. Kasabay nito, ipanawagan natin sa gobyerno ang pagpapatupad ng mga patakarang tinutugunan ang labis na paglikha ng basura. Panagutin din dapat ang mga korporasyong patuloy na yumayaman habang ipinapasa sa publiko ang gastos at epekto ng polusyon.

Mga Kapanalig, tandaan natin ang wika sa Genesis 2:15: inilagay tayong mga tao sa halamanan ng Eden para pagyamanin at pangalagaan ito, hindi para gawin itong dagat ng basura.

Sumainyo ang katotohanan.

What do I still lack?

 22,697 total reads

Lord My Chef Daily Recipe for Soul by Fr. Nicanor F. Lalog II
Monday, Twentieth Week in Ordinary Time, Year II, 17 August 2026
Ezekiel 24:15-23     ><]]]]'> + ><]]]]'> + ><]]]]'>     Matthew 19:16-22
Photo by author, Malagos Garden Resort, Davao City, August 2018.
Your words today,
O Lord are so touching
that reaches deep down my
inmost being;
both readings speak
about losing: Ezekiel's wife
died while the young man
in the gospel asked
"what do I still lack?"
Both readings are 
so timely for us these days
when we have so much of 
every thing except of you,
O Lord; we rarely ask
"what do I still lack" in its
truest sense - of learning to let
go of what we have in order to have
the most essential.

Often, 
we think of having what
we still lack in order to have
more of every thing;
but you teach us today,
Jesus, what we really lack
is you through others;
what we really lack are
the poor and the sick,
those who have less in life;
what we really lack still
is life eternal,
of having you O Lord
as basis and foundation
of our relationships.
In this time when rains
continue to pour 
for the third straight week,
the more we are concerned 
of what material things we still
lack and forget about the warmth
and smiles of others so disadvantaged
due to floods and lack of work;
teach us, Jesus,
to be like Ezekiel in the first
reading to see and realize
that the most painful loss
in this life is not losing a loved one
nor wealth and things
but in losing our souls to
sin and evil.
Amen.
Jesus and the rich young man.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Ilawan ang katotohanan

 120,771 total reads

 120,771 total reads Mga Kapanalig, isinagawa na noong Biyernes ang kauna-unahang “truth-telling session” ng Truth Commission tungkol sa madugong war on drugs ng administrasyon ni dating

Read More »

Dagat ng basura

 181,265 total reads

 181,265 total reads Mga Kapanalig, hindi lang korapsyon sa mga flood control projects ang umaalingasaw tuwing tag-ulan. Nangangamoy din ang baho ng bigóng pagtugon natin sa

Read More »

Pahirapang dagdag-sahod

 195,842 total reads

 195,842 total reads Mga Kapanalig, “people over profit” at “labor over capital” ang ilan sa mga prinsipyong itinataguyod ng mga panlipunang turo ng ating Simbahan kapag

Read More »

PAANO GINASTOS ANG PERA

 276,500 total reads

 276,500 total reads Kapanalig sa 15 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, hindi pa rin nabubutasan o napahina ng depensa ang prosecution theory at

Read More »

Karagatan para kanino?

 373,027 total reads

 373,027 total reads Mga Kapanalig, pamilyar ba kayo sa kuwento nina David at Goliat? Nang hamunin ng higanteng mandirigmang si Goliat ang hukbo ng Israel, walang

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Lunes, Agosto 24, 2026

 625 total reads

 625 total reads Kapistahan ni Apostol San Bartolome Pahayag 21, 9b-14 Salmo 144, 10-11. 12-13ab. 17-18 Talastas ng mga tao dakilang paghahari mo. Juan 1, 45-51

Read More »

Linggo, Agosto 23, 2026

 2,212 total reads

 2,212 total reads Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) Isaias 22, 19-23 Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 6 at 8bk Pag-ibig mo’y di kukupas, gawain mo’y magaganap.

Read More »

Sabado, Agosto 22, 2026

 3,751 total reads

 3,751 total reads Paggunita sa Pagka-reyna ng Mahal na Birheng Maria Isaias 9, 1-6 Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8 Ngalan ng D’yos ay idangal ngayon

Read More »

Biyernes, Agosto 21, 2026

 4,974 total reads

 4,974 total reads Paggunita kay San Pio X, papa Ezekiel 37, 1-14 Salmo 106, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9 Panginoo’y papurihan sa pag-ibig n’ya kailanman. Mateo 22,

Read More »

Huwebes, Agosto 20, 2026

 5,923 total reads

 5,923 total reads Paggunita kay San Bernardo, abad at pantas ng Simbahan Ezekiel 36, 23-28 Salmo 50, 12-13. 14-15. 18-19 Kayo’y aking wiwisikan upang sala’y mahugasan.

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top