SABADO, ABRIL 1, 2023

 2,302 total views

Sabado sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ezekiel 37, 21-28
Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13

Pumapatnubay na Diyos
ay Pastol na kumukupkop.

Juan 11, 45-56

Saturday of the Fifth Week of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Ezekiel 37, 21-28

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel

Ito ang ipinasasabi ng Panginoon: “Titipunin ko ang mga Israelita mula sa mga dakong kinatapunan nila upang ibalik sila sa sarili nilang bayan. Sila’y pag-iisahin ko na lamang. Isa lamang ang magiging hari nila; hindi na sila mahahati, sila’y gagawin kong isa na lamang kaharian. Hindi na sila sasamba sa diyus-diyosan ni gagawa ng kasuklam-suklam na mga bagay o anumang paglabag. Hindi na sila tatalikod sa akin. Lilinisin ko sila. Sila ang magiging bayan ko at ako ang magiging Diyos nila. Isang tulad ng lingkod kong si David ang magiging hari nila. Susundin na nilang mabuti ang aking mga utos at tuntunin. Sila’y doon na maninirahan sa lupaing tinirhan ng kanilang mga ninuno, sa lupaing ibinigay ko kay Jacob. Sila, at ang kanilang mga anak at magiging anak ng mga anak ay doon mananatili habang panahon. Isang haring tulad ni David na aking lingkod ang magiging pinuno nila magpakailanman. Gagawa ako ng isang tipan sa kanila. Ito ay tipan ng kapayapaan at mamamalagi magpakailanman. Pagpapalain ko sila at pararamihin. Itatayo ko sa kalagitnaan nila ang aking Templo. Ako’y mananatiling kasama nila magpakailanman. Ako ang magiging Diyos nila, sila ay magiging bayan ko. At kung mananatili sa kalagitnaan nila ang aking Templo, malalaman ng lahat ng bansa na akong Panginoon ang humirang sa Israel upang maging akin.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13

Pumapatnubay na Diyos
ay Pastol na kumukupkop.

Mga bansa, pakinggan ninyo ang sabi ng Poon,
at ipahayag ninyo sa malalayong lupain:
“Pinapangalat ko ang mga anak ni Israel,
ngunit sila’y muli kong titipunin at aalagaan,
gaya ng pagbabantay ng isang pastol sa kanyang mga tupa.”

Pumapatnubay na Diyos
ay Pastol na kumukupkop.

Sapagkat tinubos ng Poon si Jacob,
at pinalaya sa kapangyarihan
ng kaaway na lubhang makapangyarihan at malakas.
Aakyat silang nagsisigawan sa tuwa
patungo sa Bundok ng Sion,
tigib ng kaligayahan dahil sa mga pagpapala ng Poon.

Pumapatnubay na Diyos
ay Pastol na kumukupkop.

Kung magkagayon, sasayaw sa katuwaan ang mga dalaga,
makikigalak pati mga binata’t matatanda;
ang kanilang dalamhati ay magiging tuwa,
papalitan ko ng kagalakan
ang kanilang kalungkutan.

Pumapatnubay na Diyos
ay Pastol na kumukupkop.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Ezekiel 18, 31

Sinabi ng Poong mahal:
“Kasamaan ay layuan,
kasalana’y pagsisihan;
kayo ay magbagong-buhay,
magbalik-loob na tunay.”

MABUTING BALITA
Juan 11, 45-56

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, marami sa mga Judiong dumalaw kay Maria ang nakakita sa ginawa ni Hesus, at nanalig sa kaniya. Ngunit ang ilan sa kanila’y pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Hesus. Kaya’t tinipon ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo ang mga kagawad ng Sanedrin.

“Ano ang gagawin natin?” wika nila. “Gumagawa ng maraming kababalaghan ang taong ito. Kung siya’y pababayaan natin, mananampalataya sa kanya ang lahat. Paririto ang mga Romano at wawasakin ang Templo at ang ating bansa.” Ngunit isa sa kanila, si Caifas, ang pinakapunong saserdote noon ay nagsabi ng ganito: “Ano ba kayo? Hindi ba ninyo naiisip na mas mabuti para sa atin na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan, sa halip na mapahamak ang buong bansa?” Sinabi niya ito hindi sa ganang kanyang sarili lamang. Bilang pinakapunong saserdote ng panahong iyon, hinulaan niyang mamamatay si Hesus dahil sa bansa – at hindi dahil sa bansang iyon lamang, kundi upang tipunin ang nagkawatak-watak na mga anak ng Diyos. Mula noon, binalangkas na nila kung paano ipapapatay si Hesus, kaya’t hindi na siya hayagang naglakad sa Judea. Sa halip, siya’y nagpunta sa Efraim, isang bayang malapit sa ilang. At doon siya nanirahang kasama ng kanyang mga alagad.

Nalalapit na ang Pista ng Paskuwa. Maraming taga-lalawigang pumunta sa Jerusalem bago mag-Paskuwa upang isagawa ang paglilinis ayon sa Kautusan. Hindi nila nakita si Hesus sa templo, kaya’t nagtanungan sila, “Ano sa akala ninyo? Paririto kaya sa pista o hindi?” Ipinag-utos ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo na ituro ng sinumang nakaaalam kung nasaan si Hesus upang siya’y maipadakip nila.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo ng Kuwaresma
Sabado

Manalangin tayo sa Diyos na ating Ama upang tulad ni Kristo maging matatag tayo sa pagharap sa buhay at sa mga pagsubok maging sa kamatayan, alang-alang sa buhay at paglago para sa ating mga sarili at para sa iba.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, gawin Mo kaming kalugud-lugod na handog sa iyo.

Ang mga hindi Kristiyano nawa’y makakilala kay Jesus na namatay para sa lahat, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga Kristiyanong napahiwalay nawa’y mag-ukol ng higit na pagtatalaga ng sarili sa ekumenismo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maykapangyarihan nawa’y mag-alay ng sarili sa pagtataguyod ng katotohanan at katarungan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang lahat ng Katoliko nawa’y makadama na sila ay may natatanging kaugnayan sa isa’t isa dahil sa iisang pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga inang nawalan ng anak nawa’y hindi maigupo ng bigat ng kanilang dinaramdam, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming Diyos, sa iyong pagkakatipon sa mga mananampalataya, sila ay pinagbuklod mo sa iisang Katawan ni Kristo. Isugo mo ang iyong Banal na Espirtu upang higit na pagbigkisin ang iyong bayan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.



truthshop
Shadow
Spiritual Frontliner banner

BE OUR PARTNERS!

ads
ads
ads
2
3
4
previous arrow
next arrow


Subscribe Now to Received Latest News and Blogs

Subscribe to us and receive latest News & Updates in your inbox