7,206 total views
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Linggo ng Dakilang Awa ng Diyos o Banal na Awa
Mga Gawa 4, 32-35
Salmo 117, 2-4. 16ab-18. 22-24
Butihing Poo’y purihin,
pag-ibig n’ya’y walang maliw.
1 Juan 5, 1-6
Juan 20, 19-31
Second Sunday of Easter (White)
Divine Mercy Sunday
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 4, 32-35
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Nagkaisa ang damdami’t isipan ng lahat ng sumasampalataya at di itinuring ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat. Ang mga apostol ay patuloy na gumagawa ng kababalaghan at nagpapatotoo sa muling pagkabuhay ng Panginoong Hesus. At ibinuhos ng Diyos ang kanyang pagpapala sa kanilang lahat. Walang nagdarahop sa kanila, sapagkat ipinagbibili nila ang kanilang lupa o bahay, at ang pinagbilhan ay ibinibigay sa mga apostol. Ipinamamahagi naman ito ayon sa pangangailangan ng bawat isa.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 117, 2-4. 16ab-18. 22-24
Butihing Poo’y purihin,
pag-ibig n’ya’y walang maliw.
o kaya: Aleluya!
O pasalamatan
ang Diyos na Panginoon, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
Ang taga Israel,
bayaang sabihi’t kanilang ihayag,
“Ang pag-ibig ng Diyos, ay hindi kukupas.”
Butihing Poo’y purihin,
pag-ibig n’ya’y walang maliw.
Ang lakas ng Poon
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway.”
Aking sinasabing
di ako papanaw, mabubuhay ako
upang isalaysay
ang gawa ng Diyos na Panginoon ko.
Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko’y di niya pinatid.
Butihing Poo’y purihin,
pag-ibig n’ya’y walang maliw.
Ang batong natakwil
ng nangagtatayo ng tirahang-bahay,
sa lahat ng bato’y higit na mahusay.
Ang lahat ng ito
ang nagpamalas ay ang Panginoong Diyos,
kung iyong mamasdan ay kalugud-lugod!
O kahanga-hanga
ang araw na itong ang Diyos ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
Butihing Poo’y purihin,
pag-ibig n’ya’y walang maliw.
IKALAWANG PAGBASA
1 Juan 5, 1-6
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Minamahal kong mga kapatid:
Inaaring mga anak ng Diyos ang sumasampalatayang si Hesus ang Mesiyas; at sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa mga anak. Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos, sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ay yaong tumutupad ng kanyang mga utos. At hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos, sapagkat napagtatagumpayan ng bawat anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya. Sino ang makapagtatagumpay laban sa sanlibutan? Ang sumasampalatayang si Hesus ang Anak ng Diyos.
Si Hesukristo ang naparito sa sanlibutan, bininyagan sa tubig, at nagbubo ng kanyang dugo sa kanyang kamatayan – hindi lamang bininyagan sa tubig, kundi nagbubo pa ng kanyang dugo. Ang Espiritu ang nagpapatotoo tungkol dito, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 20, 29
Aleluya! Aleluya!
Mapalad at maligaya
ang sumasampalataya
sa di nakita ng mata!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 20, 19-31
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo.” Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.”
Ngunit si Tomas na tinaguriang Kambal, isa sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Hesus. Kaya’t sinabi sa kanya ng ibang alagad, “Nakita namin ang Panginoon!” Sumagot si Tomas, “Hindi ako maniniwala hangga’t di ko nakikita ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at naisusuot dito ang aking daliri, at hangga’t hindi ko naipapasok ang aking kamay sa kanyang tagiliran.”
Makalipas ang walong araw, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad; kasama nila si Tomas. Nakapinid ang mga pinto, ngunit pumasok si Hesus at tumayo sa gitna nila. Sinabi niya, “Sumainyo ang kapayapaan!” Saka sinabi kay Tomas, “Tingnan mo ang aking mga kamay at ilapit dito ang iyong daliri. Ipasok mo ang iyong kamay sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na.” Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.”
Marami pang kababalaghang ginawa si Hesus na nasaksihan ng mga alagad, ngunit hindi natatala sa aklat na ito. Ang mga natala rito’y sinulat upang sumampalataya kayong si Hesus ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos, at sa gayo’y magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Tayo ay kabilang sa mga nananalig sa muling pagkabuhay ni Hesus kahit na hindi natin nasalat ang kaniyang mga sugat. Pag-ibayuhin natin ang ating pagpapahayag ng pananampalataya kay Kristong Muling Nabuhay habang idinudulog ang ating mga kahilingan sa kanya:
Panginoon naming at Diyos, pakinggan mo kami!
Upang ang buong Simbahan at ang bawat pamayanang lokal ay laging maghandog ng magandang halimbawa ng pagkakaisa, tapat na pagmamalasakit at pangangalaga sa mga dukha. Manalangin tayo!
Upang ang ating mga “Basic Ecclesial Communities” o “BEC” at iba pang samahang pansimbahan ay pagmulan ng pagpapanibago sa Simbahan at maging tagapagpalaganap ng ebanghelyo sa lipunan. Manalangin tayo!
Upang ang mga tulad ni To- mas na nahihirapang maniwala sa Muling Pagkabuhay ay makakita ng patotoo rito sa buhay ng mga tunay na Kristiyano. Manalangin tayo!
Upang ang lahat ng Katoliko ay makinabang sa sakramento ng kumpisal bilang karaniwang pamamaraan upang malasap ang “kapangyarihan ng Muling Pagkabuhay” sa kanilang buhay espirituwal. Manalangin tayo!
Upang lahat tayo ay maging masiglang tagapagpalaganap ng kapayapaan ng muling nabuhay na Kristo sa ating pamilya at lipunan. Manalangin tayo!
Panginoong Hesus, nagpapasalamat kami sa mga kaloob ng iyong muling pagkabuhay, at sa iyong pananatili sa aming piling kasama ng Espiritu Santo. Nawa’y lalo kaming mapalapit sa iyo at kami’y maging tanda at kasangkapan ng bagong buhay na ipinagkaloob mo sa amin. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen!