7,792 total views
Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag
ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon
Isaias 7, 10-14; 8, 10
Salmo 39, 7-8a. 8b-9. 10. 11
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Hebreo 10, 4-10
Lucas 1, 26-38
Solemnity of the Annunciation of the Lord (White)
UNANG PAGBASA
Isaias 7, 10-14; 8, 10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Noong mga araw na iyon, ipinasabi ng Panginoon kay Acaz: “Humingi ka sa akin ng palatandaan, maging sa kalaliman ng Sheol o sa kaitaasan ng langit.” Sumagot si Acaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko susubukin ang Panginoon.”
Sinabi ni Isaias:
“Pakinggan mo, sambahayan ni David,
Kulang pa ba ang galitin ninyo ang mga tao
Na pati ang aking Diyos ay inyong niyayamot?
Kaya nga’t ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan:
Maglilihi ang isang dalaga
At manganganak ng lalaki
At ito’y tatawaging Emmanuel.
Sapagkat ang Diyos ay sumasaatin.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 39, 7-8a. 8b-9. 10. 11
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Ang mga paghandog, pati mga hain,
at ang mga hayop na handang sunugin
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala’y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Kaya ang tugon ko, “Ako’y naririto;
nasa kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi’y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Ang pagliligtas mo’y aking inihayag
saanman magtipon ang ‘yong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Ang pagliligtas mo’y ipinagsasabi,
di ko inilihim sa aking sarili;
pati pagtulong mo’t pag-ibig na tapat,
sa mga lingkod mo’y isinisiwalat.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 10, 4-10
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay hindi makapapawi ng mga kasalanan.
Dahil diyan, nang si Kristo’y manaog sa sanlibutan, sinabi niya sa Diyos,
“Ang mga hain at handog na mga hayop ay hindi mo ibig, kaya’t inihanda mo ang aking katawan upang maging hain.
Hindi mo kinalugdan ang mga handog na susunugin at ang mga handog dahil sa kasalanan.
Kaya’t aking sinabi, ‘Narito ako, O Diyos, upang tupdin ang iyong kalooban’ —
Ayon sa nasusulat sa Kasulatan tungkol sa akin.”
Sinabi muna niya, “Hindi mo inibig o kinalugdan ang mga hain at handog na mga hayop, mga handog na susunugin at mga handog dahil sa kasalanan” – bagamat ito’y inihahandog ayon sa Kautusan. Saka niya sinabi, “Narito ako upang tupdin ang iyong kalooban.” Inalis ng Diyos ang unang handog na pinalitan ng handog ni Kristo. At dahil sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos, nilinis tayo ni Hesukristo sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng minsang paghahandog ng kanyang sarili at iyo’y sapat na.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 1, 14ab
Aleluya! Aleluya!
Purihin ang Poong Hesus,
salita ng Amang Diyos,
mula sa langit nanaog.
Naging tao sa pagsakop
sa sala ng sansinukob.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”
“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”
Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ang Pagpapahayag ng Magandang Balita Tungkol sa Panginoon
Dahil sa tapat na pagsunod ng Pinagpalang Birhen Maria, nagkatawang-tao ang Diyos sa piling natin. Tinatawag tayo ng misteryo ng Pagkakatawang-tao upang lumapit sa ating mapagmahal na Ama sa pamamagitan ng Anak na naging tao.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, pagpalain Mo kami sa araw-araw.
Ang Simbahan nawa’y makita bilang kumikilos na buhay na Katawan ni Jesu-Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong may mabubuting kalooban nawa’y maunawaan na nakipag-isa si Kristo sa bawat tao nang siya ay nakipamuhay sa ating piling, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga siyentipiko at teknologo nawa’y magsikap nang may dakilang layuning itaguyod ang dangal at kaligayahan ng tao, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga inang nagdadalantao nawa’y masayang tanggapin ang bagong buhay sa kanilang sinapupunan katulad ng pagtanggap ni Maria sa kanyang Anak, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y mapatawad sa kanilang mga kasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama ng Salitang Nagkatawang-tao, inilalapit namin sa iyo ang aming mga kahilingan, ang balangkas ng aming pang-araw-araw na buhay, na ginawang banal ng iyong Anak, na aming kapatid sa pananampalataya, na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.