7,319 total views
Martes sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 7, 51 – 8, 1a
Salmo 30, 3kd-4. 6ab at 7b at 8a. 17 at 21ab
Poon, sa mga kamay mo
habilin ko ang buhay ko.
Juan 6, 30-35
Tuesday of the Third Week of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 7, 51 – 8, 1a
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, sinabi ni Esteban sa mga tao, sa matatanda at sa mga eskriba:
“Napakatigas ng ulo ninyo! Di pa nagbabago ang inyong kalooban! Ayaw ninyong dinggin ang katotohanan! Kung ano ang ginawa ng inyong mga magulang, iyon din ang ginawa ninyo: lumalaban kayong lagi sa Espiritu Santo. Sinong propeta ang hindi pinag-usig ng inyong mga ninuno? Pinatay nila ang mga humula sa pagparito ng Matuwid na inyo namang ipinagkanulo at ipinapatay. Tumanggap kayo ng kautusang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi ninyo tinatalima iyon!”
Nang marinig ito ng mga bumubuo ng Sanedrin, sila’y nagngalit dahil sa matinding galit kay Esteban. Ngunit si Esteban na puspos ng Espiritu Santo, ay tumingin sa langit at nakita ang maningning na liwanag sa paligid ng Diyos, at si Hesus na nasa kanyang kanan. “Bukas ang kalangitan,” sabi niya, “at nakikita ko ang Anak ng Tao na nasa kanan ng Diyos.” Tinakpan nila ang kanilang tainga at nagsigawan; pagkatapos, sabay-sabay silang dumaluhong sa kanya. Kinaladkad nila si Esteban hanggang sa labas ng lungsod upang batuhin. Hinubad ng mga saksi ang kanilang mga kasuutan at iniwan sa isang binatang nagngangalang Saulo. At pinagbabato nila si Esteban, na nananalangin naman ng ganito: “Panginoong Hesus, tanggapin mo ang aking espiritu.” Lumuhod si Esteban at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo na po silang panagutin sa kasalanang ito!”
At pagkasabi nito, siya’y namatay. Kasang-ayon si Saulo sa pagkapatay kay Esteban.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 30, 3kd-4. 6ab at 7b at 8a. 17 at 21ab
Poon, sa mga kamay mo,
habilin ko ang buhay ko.
o kaya: Aleluya!
Tanging kublihan ko, ako ay ingatan;
Tagapagtanggol ko’t aking kaligtasan.
Tagapagtanggol ko at aking kanlungan,
ayon sa sabi mo, ako’y patnubayan.
Poon, sa mga kamay mo,
habilin ko ang buhay ko.
Sa mga kamay mo habilin ko’y buhay ko,
Tagapagligtas kong tapat at totoo.
Ikaw, Poon, aking pinananaligan.
magbubunyi ako, magsasayang tunay,
sa ‘yong pag-ibig na walang katapusan.
Poon, sa mga kamay mo,
habilin ko ang buhay ko.
Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
ingatan mo ako’t iyong pagpalain;
iligtas mo ako at iyong sagipin,
tanda ng pag-ibig na di nagmamaliw!
Iyong kinalinga at iningatan mo
laban sa adhika ng masamang tao.
Poon, sa mga kamay mo,
habilin ko ang buhay ko.
ALELUYA
Juan 6, 35ab
Aleluya! Aleluya!
Nagbibigay kasiyahang
pagkaing dulot ay buhay
si Hesus na Poong mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 6, 30-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ng mga tao kay Hesus:
“Ano pong kababalaghan ang maipapakita ninyo upang manalig kami sa inyo? Ano po ang gagawin ninyo?” tanong nila. “Ang aming mga magulang ay kumain ng manna sa ilang, ayon sa nasusulat, ‘Sila’y binigyan niya ng pagkaing mula sa langit,’” dugtong pa nila. Sumagot si Hesus, “Dapat ninyong malamang hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng pagkaing mula sa langit, kundi ang aking Ama. Siya ang nagbibigay sa inyo ng tunay na pagkaing mula sa langit. Sapagkat ang pagkaing bigay ng Diyos ay yaong bumaba mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sanlibutan.” “Ginoo,” wika nila, “bigyan po ninyo kaming lagi ng pagkaing iyon.” “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay,” sabi ni Hesus. “Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom, at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Martes
Inaanyayahan tayo na umasa kay Jesus upang makamit ang kasiyahang maibibigay lamang ng ipinangakong Langit.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Jesus, tugunan mo ang lahat ng aming gutom at uhaw.
Ang Simbahan nawa’y magsikap na maihatid ang pag-ibig ni Jesus sa lahat ng taong nagugutom sa Tinapay ng Buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang maunawaan na ang presensya ni Kristo sa Eukaristiya ay isang palagiang pagtawag sa atin upang ibahagi ang ating buhay sa lahat ng ating nakakadaupang-palad, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagtitiis ng gutom at pagkauhaw nawa’y matugunan ni Jesus na siyang ating Tinapay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makakuha ng lakas sa pagtanggap sa Eukaristiya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinalalakas ng Eukaristiya sa buhay na ito nawa’y muling buhayin sa huling araw, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, isinugo mo mula sa Langit ang iyong Anak upang maging pagkain ng aming kaluluwa at akayin kami patungo sa iyo. Marapatin mo na sa pamamagitan ng aming pananampalataya kay Jesus na Tinapay ng Buhay, kami ay laging makasama sa iyo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.