6,592 total views
Lunes sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 6, 8-15
Salmo 118, 23-24. 26-27. 29-30
Mapalad ang sumusunod sa utos
ng Poong Diyos.
Juan 6, 22-29
Monday of the Third Week of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 6, 8-15
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, pinagpala ng Diyos si Esteban at pinuspos ng kapangyarihan, anupat gumawa siya ng maraming himala at kababalaghan sa harapan ng madla. Nakipagtalo sa kanya ang ilang kasapi sa sinagoga ng mga Pinalaya, na binubuo ng mga Judiong taga-Cirene, taga-Alejandria, taga-Cilicia, at taga-Asia. Ngunit wala silang magawa sa karunungan ni Esteban na kaloob ng Espiritu. Kaya’t lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki na magsabi ng ganito: “Narinig naming nilalait niya si Moises at ang Diyos.” Sa gayo’y naudyukan nilang magalit kay Esteban ang mga tao, ang matatanda ng bayan at ang mga eskriba. Siya’y sinunggaban nila at iniharap sa Sanedrin. At nagharap sila ng mga bulaang saksi laban kay Esteban. “Ang taong ito,” wika nila, “ay walang tigil ng pagsasalita laban sa banal na Templo at sa Kautusan ni Moises. Narinig naming sinasabi niya na ang Templo’y gigibain nitong Hesus na taga-Nazaret na ito, at papalitan ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.” Tinitigan si Esteban ng lahat ng nakaupo sa Sanedrin, at nakita nila na ang kanyang mukha’y parang mukha ng anghel.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 23-24. 26-27. 29-30
Mapalad ang sumusunod sa utos
ng Poong Diyos.
o kaya: Aleluya!
Kahit ako ay usigi’t labanan ng pamunuan,
itong iyong abang lingkod sa utos mo’y mag-aaral.
Ang buo mong kautusan sa akin ay umaaliw,
siyang gurong nagpapayo sa lahat kong suliranin.
Mapalad ang sumusunod sa utos
ng Poong Diyos.
Pinatawad mo ang aking mga gawang kamalian,
ituro mo sa lingkod mo ang tuntunin mo at aral.
Ang lingkod ay turuang masunod ang kautusan,
sa utos mong mapang-akit, ako nama’y mag-aaral.
Mapalad ang sumusunod sa utos
ng Poong Diyos.
Sa landas na di matuwid, huwag mo akong babayaan,
pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral.
Ang pasiya ko sa sarili, ako’y maging masunurin,
sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling.
Mapalad ang sumusunod sa utos
ng Poong Diyos.
ALELUYA
Mateo 4, 4b
Aleluya! Aleluya!
Ang tao ay nabubuhay
sa Salita ng Maykapal
na pagkaing kanyang bigay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 6, 22-29
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Kinabukasan, nakita ng mga taong nanatili sa ibayo ng lawa na naroon pa ang isang bangka. Alam nilang si Hesus ay hindi kasama ng mga alagad, sapagkat ang mga ito lamang ang sumakay sa bangka at umalis. Dumating naman ang ilang bangkang galing sa Tiberias at sumadsad sa lugar na malapit sa kinainan nila ng tinapay matapos magpasalamat sa Panginoon. Nang makita ng mga tao na wala na roon si Hesus, ni ang kanyang mga alagad, sila’y sumakay sa mga bangka at pumunta rin sa Capernaum upang hanapin si Hesus.
Nakita nila si Hesus sa ibayo ng lawa, at kanilang tinanong, “Rabi, kailan pa kayo rito?” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga kababalaghang nakita ninyo, kundi dahil sa nakakain kayo ng tinapay at nabusog. Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Ibibigay ito sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang binigyan ng kapangyarihan ng Diyos Ama.” Kaya’t siya’y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming maganap ang kalooban ng Diyos?” “Ito ang ipinagagawa sa inyo ng Diyos: manalig kayo sa sinugo niya,” tugon ni Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Lunes
Ang Diyos Ama lamang ang makatutugon sa pagkagutom ng puso at ng espiritu, kaya’t ilapit natin sa kanya ang ating mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panatilihin Mo ang aming espiritu, O Panginoon.
Ang Simbahan nawa’y pukawin sa mga kasapi nito ang pagkagutom at pagkauhaw sa Tinapay ng Buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang maunawaan na ang mga kinasasabikan ng ating puso ay hindi matutugunan sa pamamagitan ng paghahanap ng makamundong tagumpay o kaginhawahang dulot ng mga materyal na bagay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagsasayang ng kanilang panahon sa paghahanap ng kaligayahan sa maling paraan nawa’y matagpuan ang tamang daan ng buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makatanggap ng ginhawa at paglingap mula sa mga nangangalaga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y makaisa ni Kristo sa bagong buhay na hatid ng Muling Pagkabuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming makapangyarihan, ipinagkaloob mo sa amin ang tinapay mula sa Langit bilang pagkain para sa aming paglalakbay. Patnubayan mo ang aming mga hakbang patungo sa daan ng katarungan at kapayapaan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.