306 total views
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Sirak 3, 19-21. 30-31
Salmo 67, 4-5ak. 6-7ab. 10-11
Poon, biyaya mo’y ‘bigay
sa mahirap naming buhay.
Hebreo 12, 18-19. 22-24
Lucas 14, 1. 7-14
Twenty-second Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Sirak 3, 19-21. 30-31
Pagbasa mula sa aklat ni Sirak
Anak ko, maging mapagkumbaba ka sa pagtupad ng tungkulin,
at mamahalin ka ng mga malapit sa Diyos.
Habang ikaw’y dumadakila, lalo ka namang magpakumbaba;
sa gayo’y kalulugdan ka ng Panginoon.
Huwag mong hangaring maunawaan ang mga bagay na lampas sa iyong kakayahan,
huwag mong saliksikin ang hindi mo kayang malaman.
Nililimi ng matinong tao ang mga talinghaga;
nawiwili silang makinig pagkat nais nilang matuto.
Kung ang tubig ay nakamamatay ng apoy,
ang paglilimos ay nakapapawi ng kasalanan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 67, 4-5ak. 6-7ab. 10-11
Poon, biyaya mo’y ‘bigay
sa mahirap naming buhay.
Ang lahat ay nagagalak, natutuwa ang matuwid;
sa harapan nitong Diyos, galak nila’y di malirip.
Awitan ang Panginoon, purihin ang kanyang ngalan.
Ang pangalan niyang banal, magalak na papurihan.
Poon, biyaya mo’y ‘bigay
sa mahirap naming buhay.
Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo,
tumitingin sa ulila’t sanggalang ng mga balo.
May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot,
ang bilanggo’y hinahango upang sila ay malugod.
Poon, biyaya mo’y ‘bigay
sa mahirap naming buhay.
Dahil sa ‘yo, yaong ulang masagana ay pumatak,
lupain mong natuyo na’y nanariwa at umunlad.
At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,
ang mahirap nilang buhay sa biyaya ay pinuspos.
Poon, biyaya mo’y ‘bigay
sa mahirap naming buhay.
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 12, 18-19. 22-24
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, hindi kayo lumapit, gawa ng paglapit ng mga Israelita, sa isang bundok na nakikita sa Bundok ng Sinai na may nagliliyab na apoy, balot ng pusikit na kadiliman, may malakas na hangin, may tunog ng trumpeta, at tinig na nagsasalita. Nang ang tinig na ito’y marinig ng mga tao, isinamo nilang tumigil iyon ng pagsasalita sa kanila.
Ang nilapitan ninyo’y ang Bundok ng Sion at ang lungsod ng Diyos na buhay, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di-mabilang na anghel. Lumapit kayo sa masayang pagkakatipon ng mga ibinilang na panganay, na nakatala sa langit. Lumapit kayo sa Diyos na hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong banal na naroon na sa dakong inilaan sa kanila ng Diyos. Lumapit kayo kay Hesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 11, 29ab
Aleluya! Aleluya!
Sabi ni Hesus na mahal:
Dalhin n’yo ang aking pasan;
Kaamuan ko’y tularan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 14, 1. 7-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Isang Araw ng Pamamahinga, si Hesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo; at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos.
Napansin ni Hesus na ang pinipili ng mga inanyayahan ay ang mga upuang nakalaan sa mga piling panauhin. Kaya’t sinabi niya ang talinghagang ito: “Kapag inanyayahan ka ninuman sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang tanging upuan. Baka may inanyayahang lalong tanyag kaysa iyo. At lalapit ang nag-anyaya sa inyong dalawa at sasabihin sa iyo, ‘Maaari bang ibigay ninyo ang upuang iyan sa taong ito?’ Sa gayo’y mapapahiya ka at doon malalagay sa pinakaabang upuan. Ang mabuti, kapag naanyayahan ka, doon ka maupo sa pinakaabang upuan, sapagkat paglapit ng nag-anyaya sa iyo ay kanyang sasabihin, ‘Kaibigan, dini ka sa kabisera.’ Sa gayun, nabigyan ka ng malaking karangalan sa harapan ng mga panauhin. Sapagkat ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Sinabi naman ni Hesus sa nag-anyaya sa kanya: “Kapag naghahanda ka, huwag ang mga kaibigan mo, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, sapagkat aanyayahan ka rin nila, at sa gayo’y nagantihan ka. Kaya kung ikaw ay maghahanda ng isang malaking salu-salo, ang mga pulubi, mga pingkaw, mga pilay, at mga bulag ang anyayahan mo. Hindi sila makagaganti sa iyo at sa gayo’y magiging mapalad ka. Gagantihan ka ng Diyos sa muling pagkabuhay ng mga banal.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Patnubay sa Misa
Turo sa atin ngayon ng Salita ng Diyos ang kababaang-loob at pagiging mapagbigay. Nakababatid sa panlahat na hilig sa pagmamataas at pagkamakasarili, tayo’y manalangin para sa biyaya ng mga kabaitang ito para sa atin at lahat nating mga kapatid. Sama-sama tayong manalangin:
Panginoon, gawin mo kaming mapagkumbaba!
Panginoon, itinatag mo ang Simbahan upang maging kasangkapan ng kaligtasan para sa lahat. Matupad niya nawa ang kanyang misyon nang buong kababaang-loob at katapatan. Manalangin tayo!
Panginoon, ibinigay mo sa Santo Papa at lahat ng mga pinunong relihiyoso ang tungkuling ipangaral ang Ebanghelyo sa salita’t sa gawa. Sila nawa’ y magsumikap sa pagtatatag ng iyong Kaharian sa mga puso ng lahat ng tao. Manalangin tayo!
Nagtatag ka ng mga kapangyarihang pambayan upang isulong ang kapakanang panlahat. Nawa itaguyod ng mga hinalal ng bayan ang katarungan, kapayapaan, at kagalingan ng lahat ng mamamayan sa halip ng sarili nilang interes. Manalangin tayo!
Tinulutan mong magtamo ng mga tanging kaunlarang pangkabuhayan at panteknolohiya ang ilang mga bansa. Nawa tumulong ang kanilang mga pinuno sa mga bansang nagsisimula pa lamang lumago, sa diwa ng pakikipagtulungan. Manalangin tayo!
Panginoon, nais mong bumuo kami ng isang pamayanan ng magkakapatid na pinagbubuklod ng paggalang at pag-ibig sa isa’t isa. Makaiwas nawa kami sa ano mang pagmamataas na naninira sa magandang pagkakaisa. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga pansariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!
Panginoong Hesus, tinuruan mo ang iyong mga disipulo kung paanong magpakumbaba at maging mapagbigay sa pamamagitan ng pagiging lingkod ng lahat sa pagbubuwis ng buhay mo para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Nawa tularan namin ang iyong halimbawa at sa gayo’y makabahagi sa iyong buhay na walang hanggan. Amen!