4,687 total views
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Amos 7, 12-15
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14
Pag-ibig mo’y ipakita,
iligtas kami sa dusa.
Efeso 1, 3-14
Marcos 6, 7-13
Fifteenth Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Amos 7, 12-15
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Amos
Noong mga araw na iyon, hinarap ni Amasias, ang saserdote sa Betel, si Amos, “Bulaan kang propeta! Magbalik ka na sa Juda; doon ka maghanapbuhay sa pamamagitan ng iyong panghuhula. Huwag ka nang manghuhula rito sa Betel. Narito ang pambansang templo at dito sumasamba ang hari.”
Sumagot si Amos, “Hindi ako propeta – hindi ko ito hanapbuhay. Ako’y pastol at nag-aalaga rin ng mga punong-igos. Ngunit inialis ako ng Panginoon sa gawaing iyon at inutusang magsalita para sa kanya, sa mga taga-Israel.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14
Pag-ibig mo’y ipakita,
iligtas kami sa dusa.
Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
Pag-ibig mo’y ipakita,
iligtas kami sa dusa.
Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.
Pag-ibig mo’y ipakita,
iligtas kami sa dusa.
Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.
Pag-ibig mo’y ipakita,
iligtas kami sa dusa.
IKALAWANG PAGBASA
Efeso 1, 3-14
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo. At sa atin ngang pakikipag-isang ito, hinirang na niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo’y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Hesukristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak!
Tinubos tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at sa gayo’y pinatawad na ang ating mga kasalanan. Gayun kadakila nag pag-ibig na ipinadama niya sa atin! Binigyan niya tayo ng karunungan at kabatiran upang lubos nating maunawaan ang kanyang lihim na panukala na isasakatuparan sa pamamagitan ni Kristo pagdating ng takdang panahon. Ang panukalang ito ay pag-isahin kay Kristo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa.
At dahil kay Kristo, kami’y naging bayan ng Diyos na nagsagawa ng lahat ng bagay ayon sa kanyang panukala at kalooban. Nangyari ito nang kami’y hirangin niya noon pang una – kaming mga unang umasa kay Kristo – sa lalong ikadadakila niya.
Kayo ma’y naging bayan ng Diyos nang kayo’y manalig sa kanya matapos ninyong marinig ang salita ng katotohanan – ang Mabuting Balita na nagdudulot ng kaligtasan. Kaya’t ipinagkaloob sa inyo ang Espiritu Santong ipinangako ng Diyos bilang tatak ng pagkahirang sa inyo. Ang Espiritu ang katibayan ng mga pangako ng Diyos sa ating mga hinirang hanggang kamtan natin ang lubos na kaligtasan. Purihin natin ang kanyang kadakilaan!
Ang Salita ng Diyos.
o kaya: Maikling Pagbasa
Efeso 1, 3-10
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo. At sa atin ngang pakikipag-isang ito, hinirang na niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo’y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Hesukristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak!
Tinubos tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at sa gayo’y pinatawad na ang ating mga kasalanan. Gayun kadakila nag pag-ibig na ipinadama niya sa atin! Binigyan niya tayo ng karunungan at kabatiran upang lubos nating maunawaan ang kanyang lihim na panukala na isasakatuparan sa pamamagitan ni Kristo pagdating ng takdang panahon. Ang panukalang ito ay pag-isahin kay Kristo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Efeso 1, 17-28
Aleluya! Aleluya!
D’yos Ama ni Hesukristo,
kami ay liwanagan mo
at tutugon kami sa ‘yo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 6, 7-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, tinawag ni Hesus ang Labindalawa, at sinugong dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinan: “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak.” Sinabi rin niya sa kanila, “At sa alinmang tahanang inyong tuluyan – manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang dako, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong mga paa, bilang babala sa mga taga-roon.” Kaya’t humayo ang Labindalawa at nangaral sa mga tao na pagsisihan nila at talikdan ang kanilang mga kasalanan. Pinalayas nila ang maraming demonyo sa mga inaalihan nito; pinahiran nila ng langis at pinagaling ang maraming maysakit.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Bilang tanda ng kanyang pagmamahal at malasakit sa sangkatauhan, patuloy si Hesus sa pananawagan sa gawaing apostolado sa ating lahat. Ipanalangin natin ang lahat ng nagpapalaganap ng kaniyang misyon at ang mga nakikinabang sa kanilang magandang gawain. Manalangin tayo:
Hari ng mga apostol, dinggin mo kami!
Para sa buong pamayanang Kristiyano: Nawa’y manatili itong tapat sa misyon nitong mangaral ng pagbabalik-loob at labanan ang lahat ng kasamaan. Manalangin tayo!
Para sa mga tumtanggap ng mensahe ng kaligtasan: Nawa’y buksan nila ang kanilang mga kalooban sa Panginoon at tumulad sa kanyang halimbawa. Manalangin tayo!
Para sa mga natutuksong umasa sa mga yamang materiyal, karangalan o kapangyarihang pulitikal sa halip ng sa mga pag- papahalagang moral: Nawa’y lagi nilang alalahaning iniligtas ni Hesus ang sanlibutan sa pama- magitan ng sakripisyo niya sa krus. Manalangin tayo!
Para sa mga naatasang maglingkod sa misyon sa ibang bansa: Nawa’y agad silang makatugon nang buong puso. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng misyonerong tinatanggihan: Nawa’y huwag silang panghinaan ng loob, kundi magalak silang matulad kay Hesus na di tinanggap at sa halip ay pinahirapan. Manalangin tayo!
Nawa’y lahat ng tumatanggap ng Sakramento ng Pagpapahid ng Langis, kasama ng kanilang mga mahal sa buhay, ay makapagkamit ng kapangyarihan ng Panginoon at maging tanda nawa sila ng habag at pag-asa para sa lahat. Manalangin tayo!
Panginoong Hesukristo, Alagad ng Ama, gawin mo kaming matapang at banal upang
maipalaganap namin ang iyong Kaharian sa aming lipunan. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpasa walang hanggan.
Amen!