2,114 total views
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 55, 10-11
Salmo 64, 10abkd. 10e-11. 12-13. 14
Nagbunga nang masagana,
binhi sa mabuting lupa.
Roma 8, 18-23
Mateo 13, 1-23
Fifteenth Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Isaias 55, 10-11
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
“Ang ulan at niyebe
paglagpak sa lupa’y di na nagbabalik,
aagos na ito sa balat ng lupa’t nagiging pandilig,
kaya may pagkai’t butil na panghasik.
Ganyan din ang aking mga salita,
magaganap nito ang lahat kong nasa.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 64, 10abkd. 10e-11. 12-13. 14
Nagbunga nang masagana,
binhi sa mabuting lupa.
Umuulan sa lupain, ganito mo kinalinga,
umuunlad ang lupai’t tumataba yaong lupa;
patuloy na umaagos ang bigay mong mga batis,
sa halamang nasa lupa, ay ito ang dumidilig;
ganito ang ginawa mo na hindi mo ikinait.
Nagbunga nang masagana,
binhi sa mabuting lupa.
Sa binungkal na bukirin ang ulan ay masagana,
ang bukirin ay matubig, at palaging basang-basa;
sa banayad na tag-ulan ay lumambot yaong lupa,
kaya naman pati tanim ay malago at sariwa.
Nagbunga nang masagana,
binhi sa mabuting lupa.
Nag-aani nang marami sa tulong mong gumagawa,
at saanman magpunta ka’y masaganang-masagana.
Ang pastula’y punung-puno ng matabang mga kawan,
naghahari yaong galak sa lahat ng kaburulan.
Nagbunga nang masagana,
binhi sa mabuting lupa.
Gumagala yaong tupa sa gitna ng kaparangan,
at hitik na hitik man din ang trigo sa kapatagan;
ang lahat ay umaawit, sa galak ay sumisigaw!
Nagbunga nang masagana,
binhi sa mabuting lupa.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 8, 18-23
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo
sa mga taga-Roma
Mga kapatid, sa ganang akin, ang mga pagtitiis sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa ihahayag ng kaluwalhatiang sasaatin. Nananabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang kanyang mga anak. Nabigo ang sangnilikha, hindi sa kagustuhan nito, kundi dahil sa ito ang niloob ng Diyos. Gayunman, may pag-asa pa, sapagkat ang sangnilikha ay palalayain sa pagkaalipin nito sa kabulukan, at makakahati sa maluwalhating kalagayan ng mga anak ng Diyos. Alam natin na hanggang ngayon ang sangnilikha ay dumaraing sa paghihirap. Hindi lamang sila! Tayo mang tumanggap ng Espiritu bilang unang kaloob ng Diyos ay napapahimutok samantalang hinihintay natin ang pag-ampon sa atin ng Diyos, ang pagpapalaya sa ating mga katawan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Salita ng D’yos ang buto
na tanim ni Hesukristo
upang tumubo sa tao.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 13, 1-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noon ding araw na iyon, si Hesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. Pinagkalimpumpunan siya ng makapal na tao, kaya sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Nasa dalampasigan naman ang mga tao. At nagturo siya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga.
“May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May binhi namang nalaglag sa kabatuhan. Sapagkat manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang binhing iyon, ngunit nang mapabilad sa matinding sikat ng araw ay natuyo, palibhasa’y walang gaanong ugat. May binhi namang nalaglag sa dawagan; lumago ang mga dawag at ininis ang mga iyon. Ngunit ang binhing nalaglag sa mabuting lupa ay nag-uhay: may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpung butil ang bawat uhay. Ang may pandinig ay makinig!”
Lumapit ang mga alagad at tinanong si Hesus: “Bakit po ninyo dinadaan sa talinghaga ang inyong pagsasalita sa kanila?” Sumagot siya, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Diyos, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga, sapagkat tumitingin sila ngunit hindi nakakikita, at nakikinig ngunit hindi nakaririnig ni nakauunawa.
Natutupad nga sa kanila ang hula ni Isaias na nagsasabi:
‘Makinig man kayo nang makinig,
hindi kayo makauunawa,
at tumingin man kayo nang tumingin,
hindi kayo makakikita.
Sapagkat naging mapurol ang isip ng mga taong ito;
mahirap makarinig ang kanilang mga tainga,
at ipinikit nila ang kanilang mga mata.
Kung di gayon, disin sana’y nakakita ang kanilang mga mata,
nakarinig ang kanilang mga tainga,
nakaunawa ang kanilang mga isip,
at nagbalik-loob sa akin,
at pinagaling ko sila, sabi ng Panginoon.’
“Mapalad kayo, sapagkat nakakikita ang inyong mga mata at nakaririnig ang inyong mga tainga! Sinasabi ko sa inyo: maraming propeta at matutuwid na tao ang nagnasang makakita sa inyong nakikita, ngunit hindi ito nakita, at makarinig sa inyong naririnig, ngunit hindi ito napakinggan.”
“Pakinggan nga ninyo ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik. Ang mga nakikinig ng Salita tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi nakauunawa nito ay katulad ng mga binhing nahasik sa tabi ng daan. Dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanilang puso. Inilalarawan ng binhing nahasik sa kabatuhan ang nakikinig ng Salita at masayang tumatanggap nito kaagad. Ngunit hindi ito tumitimo sa puso nila kaya’t hindi sila nananatili. Pagdating ng mga kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita, agad silang nanlalamig. Inilalarawan naman ng naghasik sa dawagan ang nakikinig ng Salita, ngunit naging abala sa mga bagay ukol sa mundong ito, at naging maibigin sa mga kayamanan anupat ang Salita’y nawalan na ng puwang sa kanilang puso, kaya’t hindi makapamunga. At inilalarawan ng naghasik sa matabang lupa ang mga nakikinig ng Salita at nakauunawa nito. Sila’y namumunga: may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatalumpu.”
o kaya:
Mateo 13, 1-9
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noon ding araw na iyon, si Hesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. Pinagkalimpumpunan siya ng makapal na tao, kaya sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Nasa dalampasigan naman ang mga tao. At nagturo siya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga.
“May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May binhi namang nalaglag sa kabatuhan. Sapagkat manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang binhing iyon, ngunit nang mapabilad sa matinding sikat ng araw ay natuyo, palibhasa’y walang gaanong ugat. May binhi namang nalaglag sa dawagan; lumago ang mga dawag at ininis ang mga iyon. Ngunit ang binhing nalaglag sa mabuting lupa ay nag-uhay: may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpung butil ang bawat uhay. Ang may pandinig ay makinig!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Pinasisigla ng pagpapahayag at pagpapaliwanag ng Salita ng Diyos, tumugon tayo nang buong pasasalamat at kapangakuang isabuhay ang turo ng Panginoon. Maging tugon natin ay:
Pinupuri’t pinasasalamatan Ka namin, Panginoon!
Para sa kaloob na Salitang inihabilin sa Simbahan bilang kanyang bukal ng inspirasyon at sanggunian sa pag-akay sa mga tao tungo sa katotohanan, manalangin tayo!
Para sa kaloob na Salitang ipinaaabot sa atin sa pamamagitan ng Santo Papa, mga obispo, mga pari, at lahat nating gabay na espirituwal, sa tulong ng Espiritu Santo, manalangin tayo!
Para sa kaloob na Salitang nagbubuklod at nagpapatibay sa ating mga pamayanan bilang mga buhay na sangkap ng lipunan at pantulong sa pangangaral, manalangin tayo!
Para sa kaloob na Salitang sa bawat siglo’y ikinapagsisimula ng mga bagong kilusan at pagsisikap para sa ikasisigla ng Simbahan at ng buong mundo, manalangin tayo!
Para sa kaloob na Salitang nagpapanumbalik ng pagkakasundo ng mga bansa, pangkat, at mag-anak, at ikinapapayapa ng ating mga puso sa katapusan ng bawat araw, manalangin tayo!
Para sa kaloob na Salitang nakaaaliw sa mga nag-aagaw-buhay sa pamamagitan ng pangako ng buhay na walang hanggan para sa pinakasimple man nilang pagkakawanggawa, manalangin tayo!
Para sa kaloob na Salitang nagbibigay inspirasyon sa mga kabataan na maging saksi ni Kristo, manalangin tayo!
Tahimik nating alalahanin ang ilan sa mga tanging kaloob na naidulot ng Salita ng Diyos sa atin at sa mga mahal natin. (Manahimik saglit.) Manalangin tayo!
Panginoong Diyos, pinupuri Ka nami’ t pinasasalamatan sa pakikipag-usap Mo sa amin sa Banal na Kasulatan at sa buhay na Tradisyon ng Simbahan. Tulutan Mong lagi naming maunawaan nang tama ang Iyong mensahe at agad namin itong tupdin. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen!