Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Linggo, Hunyo 29, 2025

SHARE THE TRUTH

 3,054 total views

Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo

Mga Gawa 12, 1-11
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9

Ang D’yos ang siyang nagligtas
sa aking takot at sindak.

2 Timoteo 4, 6-8. 17-18
Mateo 16, 13-19

Solemnity of Saints Peter and Paul, Apostles (Red)
St. Peter’s Pence (Obolum Sancti Petri)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 12, 1-11

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, sinimulang usigin ni Haring Herodes ang ilang kaanib ng simbahan. Pinapugutan niya si Santiagong kapatid ni Juan. Nang makita niyang ito’y ikinalugod ng mga Judio, si Pedro naman ang kanyang ipinadakip. Nangyari ito noong Pista ng Tinapay na Walang Lebadura. Pagkadakip kay Pedro, ito’y ikinulong at pinabantayan sa apat na pangkat ng tig-aapat na kawal. Ang balak ni Herodes ay iharap siya sa bayan pagkatapos ng pista, kaya’y nanatiling nakabilanggo si Pedro. Samantala, siya’y taimtim na ipinananalangin ng simbahan.

Gabi noon. Si Pedro’y natutulog sa pagitan ng dalawang kawal. Gapos siya ng dalawang tanikala at may mga tanod pa sa harap ng pinto ng bilangguan. Siya’y nakatakdang iharap ni Herodes sa bayan kinabukasan. Walang anu-ano’y lumitaw ang isang anghel ng Panginoon, at nagliwanag na mabuti sa silid-piitan. Tinapik niya sa tagiliran si Pedro at ginising. “Bumangon ka, dali!” wika ng anghel. Pagdaka’y nakalag ang mga tanikala sa kanyang mga kamay. “Magbikis ka’t magsuot ng panyapak,” sabi ng anghel. Gayun nga ang kanyang ginawa. Sinabi pa sa kanya ng anghel, “Magbalabal ka’t sumunod sa akin.” Lumabas naman si Pedro at sumunod sa kanya, ngunit hindi niya alam kung tunay ang nangyayari. Ang akala niya’y nananaginip lamang siya. Nakalampas sila sa una at pangalawang bantay; nakarating sila sa pintuang bakal na labasan patungo sa lungsod. Ito’y kusang nabuksan, at lumabas sila. Pagkaraan nila sa isang kalye, biglang nawala ang anghel.

Naliwanagan ni Pedro ang nangyari kaya’t sinabi niya, “Ngayon ko natiyak na totoo palang lahat! Sinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa inaasahan ng mga Judio na mangyayari sa akin.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-

Ang D’yos ang siyang nagligtas
sa aking takot at sindak.

Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!

Ang D’yos ang siyang nagligtas
sa aking takot at sindak.

Ang pagkadakila niya ay ihayag
at ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.

Ang D’yos ang siyang nagligtas
sa aking takot at sindak.

Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
Sila’y iniligtas sa hirap at dusa.

Ang D’yos ang siyang nagligtas
sa aking takot at sindak.

Anghel yaong bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila’y kinukupkop.
Ang galing ng Poon hanaping masikap;
yaong nagtiwala sa kanya’t nagligtas
ay maituturing na taong mapalad.

Ang D’yos ang siyang nagligtas
sa aking takot at sindak.

IKALAWANG PAGBASA
2 Timoteo 4, 6-8. 17-18

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo

Pinakamamahal, ako’y iaalay na; dumating na ang oras ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Puspusan akong lumaban sa paligsahan. Natapos ko na ang dapat kong takbuhin. Nanatili akong tapat sa pananampalataya. Kakamtan ko na ang korona ng pagtatagumpay. At sa Araw na yaon, ang Panginoon na siyang makatarungang hukom, ang magpuputong sa akin ng korona, hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa muli niyang pagparito.

Ngunit pinatnubayan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas upang maipahayag sa mga Hentil ang salita; naligtas ako sa tiyak na kapahamakan. Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 16, 18

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Pedro, ang saligan
ng aking simbahang banal
na daig ang kamatayan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 16, 13-19

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa luapin ng Cesarea ng Filipos. Tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo

Tigib ng pasasalamat sa Panginoon sa Kanyang paghirang kina Pedro at Pablo para sa mabigat na
tungkuling mamuno at mamatnubay sa Simbahan, manalangin tayo:

Panginoon, dinggin Mo ang Iyong bayan!

Para sa Simbahan: Nawa’y sa harap ng mga paghamon at suliranin, makapagpatuloy ito sa pagtitiwalang si Kristo ang siyang namamatnubay at nagpapastol sa ating lahat, manalangin tayo!

Para sa Santo Papa, mga obispo, mga pari, relihiyoso at mga namumuno: Nawa’y sa tungkulin nilang pangangaral, sila ay magabayan, tulad ng mga apostol na sina Pedro at Pablo, ng pag-ibig ni Kristo sa lahat ng oras. Manalangin tayo!

Para sa mga namumuno sa atin sa mga tanggapang pambansa at lokal: Nawa’y sa halimbawa ng mga apostol na sina Pedro at Pablo, makilala nilang ang tunay na pamumuno ay nasa paglilingkod nang may kababaang loob, matibay na pagtitiwala sa Panginoon, at kahandaang humarap sa mga pagsubok at pagtitiis. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng Kristiyanong dumaranas ng mga kahirapan sa pananampalataya: Nawa’y makatagpo sila ng lakas at sigla sa halimbawa nina Pedro at Pablo. Manalangin tayo!

Para sa mga naglilingkod sa misyon: Nawa’y magdulot sa kanila ng inspirasyon ang lakas ng loob at pananampalataya nina Pedro at Pablo. Manalangin tayo!

Ama, nagpapasalamat kami sa Iyo at binigyan Mo ang Iyong Simbahan ng mga pinunong tulad nina Pedro at Pablo. Sa aming mga paghihirap at kahinaan, gabayan nawa kami ng kanilang mga panalangin tungo sa katapatan at pagmamahal sa Iyong Simbahan, sa pamamagitan ni Kristong aming
Panginoon. Amen!

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

PORK BARREL

 72,969 total views

 72,969 total views Kapanalig, bakit katakam-takam ang Pork barrel funds? Bakit nababaliw ang mga mambabatas sa pork barrel? Noong 2013, idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional

Read More »

THE CONDUCTOR

 85,509 total views

 85,509 total views Kapanalig, sinasabi ng Cambridge dictionary na ang “CONDUCTOR” ay “Person who directs the performance of musicians or a piece of music especially by

Read More »

Sakramento ng kasal

 107,891 total views

 107,891 total views Mga Kapanalig, paunti raw nang paunti ang mga nagpapakasal sa ating bansa. Iniulat ito noong isang linggo ng Philippine Statistics Authority (o PSA).

Read More »

Aktibismo, red tagging, at ang kalikasan

 127,429 total views

 127,429 total views Mga Kapanalig, hindi lamang ang mga aktibista ang napapahamak sa red-tagging o ang pag-uugnay sa kanila sa mga itinuturing na kalaban ng estado.

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 45,531 total views

 45,531 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 45,762 total views

 45,762 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 46,272 total views

 46,272 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 33,748 total views

 33,748 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 33,857 total views

 33,857 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top