Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Linggo, Marso 16, 2025

SHARE THE TRUTH

 3,313 total views

Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw
na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K)

Genesis 15, 5-12. 17-18
Salmo 26, 1. 7-8. 9abk. 13-14

Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.

Filipos 3, 17 – 4, 1
o kaya Filipos 3, 20 – 4, 1
Lucas 9, 28b-36

Second Sunday of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Genesis 15, 5-12. 17-18

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Noong mga araw na iyon, inilabas ng Diyos si Abram at sinabi sa kanya: “Masdan mo ang mga bituin! Mabibilang mo ba iyan? Ganyan karami ang magiging anak mo at apo.” Nanalig si Abram, at dahil dito’y kinalugdan siya ng Panginoon.

Sinabi pa ng Panginoon kay Abram, “Ako ang kumuha sa iyo sa Ur ng Caldea upang ibigay sa iyo ang lupaing ito.” Itinanong naman ni Abram, “Panginoon, aking Diyos, paano ko malalamang ito’y magiging akin?”

Sinabi sa kanya, “Dalhan mo ako ng isang baka, isang kambing, at isang tupa, bawat isa’y tatlong taon ang gulang. Magdala ka rin ng isang kalapati at isang batubato.” Dinala nga ni Abram ang lahat ng iyon at biniyak ang bawat isa maliban sa mga ibon. Inihanay niyang magkakatapat ang pinaghating hayop. Bumaba ang mga buwitre upang kanin ito, ngunit itinaboy sila ni Abram.

Nang kumikiling na ang araw, nakatulog nang mahimbing si Abram, at nagkaroon ng isang nakatatakot na pangitain.

Pagkalubog ng araw at laganap na ang dilim, biglang may lumitaw na palayok na umuusok, at maningas na sulo na dumaan sa pagitan ng pinatay na mga hayop. At nang araw na yaon, nakipagtipan ang Panginoon kay Abram, wika niya: “Nangangako ako na ibibigay sa lahi mo ang lupaing ito, mula sa hanggahan ng Egipto hanggang sa Ilog-Eufrates.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 26, 1. 7-8. 9abk. 13-14

Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.

Tanglaw ko’y ang Poon, aking kaligtasan,
kaya walang takot ako kaninuman;
sa mga panganib kanyang iingatan,
kaya naman ako’y walang agam-agam.

Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.

O Diyos, ako’y dinggin sa aking pagtawag,
lingapin mo ako, sa aki’y mahabag.
Ang paanyaya mo’y “Lumapit sa akin.”
Huwag kang magkukubli’t kita’y hahanapin!

Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.

H’wag kang magagalit, huwag mong itatakwil
akong katulong mo at iyong alipin;
Tagapagligtas ko, h’wag akong lisanin!

Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.

Ako’y nananalig na bago mamatay
masasaksihan ko ang ‘yong kabutihan
na igagawad mo sa mga hinirang.
Sa Panginoong Diyos tayo’y magtiwala!
Ating patatagin ang paniniwala;
tayo ay umasa sa kanyang kalinga!

Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.

IKALAWANG PAGBASA
Filipos 3, 17 – 4, 1

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos

Mga kapatid, magkaisa kayong tumulad sa halimbawang ipinakita ko sa inyo. Kami ang gawin ninyong huwaran. Masdan ninyo ang lahat ng sumusunod sa mga halimbawang ito. Tulad ng malimit kong sabihin sa inyo – at ngayo’y luhaang inuulit ko – marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Kristo. Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan. Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya at ang pinag-uukulan lang nila ng pansin ay ang mga bagay na panlupa. Sa kabilang dako, ang langit ang tunay nating bayan. Mula roo’y hinihintay nating may pananabik ang Panginoong Hesukristo, ang ating Tagapagligtas. Pagdating ng araw na yaon, babaguhin niya ang ating katawang-lupa at gagawing maluwalhati, tulad ng kanyang katawan, sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay.

Kaya nga, minamahal kong mga kapatid – aking kagalakan at karangalan na lagi kong kinasasabikang makita uli – magpakatatag kayo sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

o kaya: Maikling Pagbasa
Filipos 3, 20 – 4, 1

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos

Mga kapatid:
Ang langit ang tunay nating bayan. Mula roo’y hinihintay nating may pananabik ang Panginoong Hesukristo, ang ating Tagapagligtas. Pagdating ng araw na yaon, babaguhin niya ang ating katawang-lupa at gagawing maluwalhati, tulad ng kanyang katawan, sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay.

Kaya nga, minamahal kong mga kapatid – aking kagalakan at karangalan na lagi kong kinasasabikang makita uli – magpakatatag kayo sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA

Sa ulap na maliwanag
ito ang siyang pahayag
ang D’yos Ama na nangusap:
“Ito ang mahal kong Anak
lugod kong dinggin ng lahat.”

MABUTING BALITA
Lucas 9, 28b-36

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon: Umakyat si Hesus sa bundok upang manalangin. Isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago. Samantalang siya’y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha, nagningning ang kanyang kasuutan na naging puting-puti. Di kaginsaginsa’y lumitaw ang dalawang lalaki – sina Moises at Elias na napakitang may kaning-ningan – at nakipag-usap sa kanya. Pinag-usapan nila ang nalalapit na pagpanaw ni Hesus na magaganap sa Jerusalem. Tulog na tulog si Pedro at ang kanyang mga kasama, ngunit sila’y biglang nagising at nakita nila si Hesus na nagniningning at ang dalawang lalaking nakatayo sa tabi niya. Nang papaalis na sa tabi ni Hesus ang mga lalaki, sinabi ni Pedro, “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.” Ang totoo’y hindi niya nalalaman ang kanyang sinasabi. Nagsasalita pa siya nang matakpan sila ng isang ulap, at sila’y natakot. At may isang tinig mula sa alapaap na nagsabi, “Ito ang aking Anak, ang aking Hinirang. Siya ang inyong pakinggan.” Nang tumigil ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Hesus. At hindi muna sinabi ng mga alagad kaninuman ang kanilang nakita.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Sa paggunita natin sa pagbabagong-anyo ni Hesus at sa pagpapanibagong-sigla ng ating pangakong makinig sa kanya, pakumbaba nating idulog ang ating mga kahilingan at manalangin:

Anak ng Diyos, dinggin mo kami!

Para sa Simbahan, ang tahanan ng lahat ng sumasampalataya: Nawa’y liwanagan niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng kabanalan ng kanyang mga kasapi. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa at lahat ng ating mga pinuno: Nawa’y matagpuan nila sa Pagbabagong-anyo ni
Hesus ang lakas na kailangan nila upang magpunyagi sa kanilang mabuting gawa. Manalangin tayo!

Para sa mga walang pagpapahalaga sa panalangin: Nawa’y maging pampalakas-loob sa kanila ang halimbawa ni Hesus upang mapitagan nilang maitaas ang kanilang isipan sa Diyos. Manalangin tayo!

Para sa mga nag-aasal bilang “mga kaaway ng krus ni Kristo”: Nawa’y mapagtanto nila ang kanilang pagkakamali at sa halip ay tularan si Hesus. Manalangin tayo!

Para sa ating lahat: Nawa’y buong-tapang nating labanan ang “kultura ng kamatayan” na nagbabanta sa ating bayan at itaguyod ang “kultura ng buhay at pag-ibig.” Manalangin tayo!

Para sa lahat ng pamilyang hindi nagkakasundo: Nawa’y makatagpo sila ng lunas sa kanilang mga sugat sa pamamagitan ng kapatawaran, pagtuklas sa yamang panloob na taglay ng bawa’t isa, sa kabila ng kanilang nagkakaibang pananaw. Manalangin tayo!

Panginoong Hesus, sa Bundok ng Tabor ipinakita mo ang kaningningan ng iyong dakilang kabanalan at pinuspos mo ng kagalakan ang iyong mga disipulo. Ipamalas mo sa amin ang iyong sarili sa pagdiriwang ng Eukaristiyang ito at puspusin mo kami ng iyong kapayapaan upang tapat kaming makapaglingkod sa iyo sa lahat ng araw ng aming buhay.

Amen!

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

President of Radio Veritas

Ang pagbabalik ng tanim-bala?

 79,925 total views

 79,925 total views Mga Kapanalig, mariing pinabulaanan ng Department of Transportation (o DOTr) ang pagbabalik ng modus na tanim-bala sa ating mga paliparan. Noong nakaraang buwan

Read More »

Ghost students

 87,700 total views

 87,700 total views Mga Kapanalig, aabot sa halos 65 milyong piso ang nabawi ng Department of Education (o DepEd) mula sa mga paaralang sangkot sa iregularidad

Read More »

Pulitikang lumilikha ng hidwaan

 95,880 total views

 95,880 total views Mga Kapanalig, may mga iniidolo ba kayo? Marami sa atin ang may tinitingalang tao dahil sa kanilang mga katangian, ugali, at maging itsura.

Read More »

The Big One

 111,421 total views

 111,421 total views Madalas natin itong naririnig, nababasa, pinag-uusapan, pinaghahandaan “be ready for the big one”. Pero Kapanalig, binibigyan ba natin ng importansiya…nang atensyon, ang babalang

Read More »

ODD-EVEN scheme

 115,364 total views

 115,364 total views Na naman! Ito na lang ba ang alam na paraan ng mga ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa transportasyon sa Metro Manila? Epektibo

Read More »

Watch Live

catholink
Shadow
truthshop
Shadow
DONATE NOW
Shadow

Related Post

Lunes, Abril 21, 2025

 213 total views

 213 total views Lunes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay Mga Gawa 2, 14. 22-33 Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10.

Read More »

Sabado, Abril 19, 2025

 1,115 total views

 1,115 total views Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay Genesis 1, 1-2, 2 o kaya Genesis 1, 1. 26-31a Salmo 103, 1-2a. 5-6. 10 at

Read More »

Biyernes, Abril 18, 2025

 1,412 total views

 1,412 total views Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon Isaias 52, 13-53, 12 Salmo 30, 2 at 6. 12-13. 15-16. 17 at 25 Ama, sa mga

Read More »

Huwebes, Abril 17, 2025

 1,703 total views

 1,703 total views Huwebes Santo sa Paghahapunan ng Panginoon Exodo 12, 1-8. 11-14 Salmo 115, 12-13. 15-16bk. 17-18 Sa kalis ng pagbabasbas si Kristo ang tinatanggap.

Read More »

Miyerkules, Abril 16, 2025

 1,976 total views

 1,976 total views Miyerkules Santo Isaias 50, 4-9a Salmo 68, 8-10. 21bkd-22. 31 at 33-34 Poon, ako’y iyong dinggin sa panahong ‘yong ibigin. Mateo 26, 14-25

Read More »

Martes, Abril 15, 2025

 2,380 total views

 2,380 total views Martes Santo Isaias 49, 1-6 Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17 Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan. Juan 13, 21-33.

Read More »

Lunes, Abril 14, 2025

 2,410 total views

 2,410 total views Lunes Santo Isaias 42, 1-7 Salmo 26, 1. 2. 3. 13-14 Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan. Juan 12, 1-11 Monday of Holy

Read More »

Linggo, Abril 13, 2025

 2,636 total views

 2,636 total views Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon (K) Lucas 19, 28-40 Isaias 50, 4-7 Salmo 21, 8-9. 17-18a. 19-20. 23-24 D’yos ko! D’yos

Read More »

Sabado, Abril 12, 2025

 2,874 total views

 2,874 total views Sabado sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Ezekiel 37, 21-28 Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na

Read More »

Biyernes, Abril 11, 2025

 3,406 total views

 3,406 total views Biyernes sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Jeremias 20, 10-13 Salmo 17, 2-3a. 3bk-4. 5-6. 7 Sa kahirapa’y humibik, at ako’y

Read More »

Huwebes, Abril 10, 2025

 3,463 total views

 3,463 total views Huwebes sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Genesis 17, 3-9 Salmo 104, 4-5. 6-7. 8-9 Nasa isip ng Maykapal ang tipan

Read More »

Miyerkules, Abril 9, 2025

 3,690 total views

 3,690 total views Miyerkules sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Daniel 3, 14-20. 91-92. 95 Daniel 3, 52. 53. 54. 55. 56 Purihin at

Read More »

Martes, Abril 8, 2025

 3,841 total views

 3,841 total views Martes sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Bilang 21, 4-9 Salmo 101, 2-3. 16-18. 19-21 Dinggin mo ang aking dasal, pagsamo

Read More »

Lunes, Abril 7, 2025

 4,213 total views

 4,213 total views Lunes sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Daniel 13, 1-9. 15-17. 19-30. 33-62 o kaya Daniel 13, 41k-62 Salmo 22, 1-3a. 3b-4.

Read More »

Linggo, Abril 6, 2025

 4,167 total views

 4,167 total views Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda (K) Isaias 43, 16-21 Salmo 125, 1-2ab. 2kd-3. 4-5. 6 Gawa ng D’yos ay dakila kaya

Read More »
Scroll to Top