6,090 total views
Unang Linggo ng Apatnapung Araw
na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K)
Deuteronomio 26, 4-10
Salmo 90, 1-2. 10-11. 12-13. 14-15
Poon ko, ako’y samahan
sa dusa at kahirapan.
Roma 10, 8-13
Lucas 4, 1-13
First Sunday of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 26, 4-10
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Sinabi ni Moises sa bayan: “Ang mga unang bungang inyong iaalay ay kukunin ng saserdote at ilalagay sa harap ng altar. Pagkatapos ay saysayin ninyo ito sa harapan ng Panginoon: ‘Isang pagala-galang Arameo ang aming ninuno. Maliit ang kanyang sambahayan nang magpunta sila sa Egipto upang doon makipamayan. Ngunit dumating ang panahon na ang angkan niya’y naging malaki at makapangyarihang bansa. Hindi mabuti ang ginawang pakikitungo sa amin ng mga Egipcio. Pinahirapan nila kami at inalipin. Kaya, dumulog kami sa inyo Panginoon, Diyos ng aming mga ninuno. At dininig ninyo kami. Nakita ninyo ang aming pagdurusa, ang kahirapan at kaapihang dinaranas. Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, ng mga kakila-kilabot na gawa at mga kababalaghan, inalis ninyo kami sa Egipto at dinala sa lupaing itong sagana sa lahat ng bagay. Kaya, narito ngayon, Panginoon, ang unang bunga ng aming mga pananim sa lupaing ibinigay mo sa amin.’
“Pagkasabi noon, ang dala ninyo’y ilalapag sa harap ng altar, saka kayo luluhod upang sambahin ang Panginoon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 90, 1-2. 10-11. 12-13. 14-15
Poon ko, ako’y samahan
sa dusa at kahirapan.
Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan,
at nanatili sa kalinga niyong Makapangyarihan;
makapagsasabi sa kanyang Panginoon:
“Muog ka’t tahanan,
ikaw ang aking Diyos,
ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
Poon ko, ako’y samahan
sa dusa at kahirapan.
Di mo aabuting ika’y mapahamak, at walang daratal
kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan.
Susuguin niya ang maraming anghel, sila’ng susubaybay,
kahit saang dako ikaw maparoon, tiyak iingatan.
Poon ko, ako’y samahan
sa dusa at kahirapan.
Sa kanilang palad ay itatayo ka’t, silang magtataas
nang hindi masaktan ang mga paa mo sa batong matalas.
Kahit ang tapakan mo ay mga leon, ahas na mabagsik,
di ka maaano sa mga serpiyente’t leong mababangis.
Poon ko, ako’y samahan
sa dusa at kahirapan.
Ang sabi ng Diyos, “Aking ililigtas ang tapat sa akin,
at iingatan ko ang sinumang taong ako’y kikilalanin.
Pag sila’y tumawag; laging handa ako na sila’y pakinggan,
aking sasamahan at kung may hilahil ay sasaklolohan;
aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.
Poon ko, ako’y samahan
sa dusa at kahirapan.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 10, 8-13
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid:
Ito ang sinasabi ng Banal na Kasulatan, “Malapit sa iyo ang salita, nasa iyong mga labi at nasa iyong puso,” ibig sabihi’y ang salitang pinangangaral namin tungkol sa pananampalataya. Kung ipahahayag ng iyong mga labi na si Hesus ay Panginoon at mananalig ka nang buong puso na siya’y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. Sapagkat nananalig ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayo’y napawawalang-sala; at nagpapahayag sa pamamagitan ng kanyang labi at sa gayo’y naliligtas. Sinasabi ng Kasulatan, “Hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa kanya. “Walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Griego. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya ang nagkakaloob ng kanyang kayamanan sa lahat ng tumatawag sa kanya. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”
Ang Salita ng Diyos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Mateo 4, 4b
Ang tao ay nabubuhay
hindi lamang sa tinapay
kundi sa Salitang mahal
mula sa bibig na banal
ng Ama nating Maykapal.
MABUTING BALITA
Lucas 4, 1-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: Umalis si Hesus sa Jordan, puspos ng Espiritu Santo. Dinala siya ng Espiritu doon sa ilang, at sa loob ng apat-napung araw ay tinukso ng diyablo. Hindi siya kumain sa buong panahong iyon, kaya’t gutom na gutom siya.
Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, iutos mo na maging tinapay ang mga batong ito.” Ngunit sinagot siya ni Hesus, “Nasusulat, ‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao.’”
Dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na lugar at sa isang saglit ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian ng sanlibutan. “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihan at kadakilaan ng mga kahariang ito,” wika ng diyablo. “Ipinagkaloob ito sa akin at maibibigay ko sa kaninumang ibigin ko. Kaya’t kung ako’y sasambahin mo, magiging iyong lahat ito.” Sumagot si Hesus, “Nasusulat, ‘Ang iyong Diyos at Panginoon ang sasambahin mo, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.’”
At dinala siya ng diyablo sa taluktok ng templo ng Jerusalem, at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat, ‘Ipagbibilin niya sa kanyang mga anghel na ingatan ka’ at ‘Aalalayan ka nila, upang hindi ka matisod sa bato.’”
Subalit sinagot siya ni Hesus, “Nasusulat, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos!’” Pagkatapos siyang tuksuhin ng diyablo sa lahat ng paraan, ito’y umalis at naghintay ng ibang pagkakataon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Kuwaresma
Sa buhay natin ay napakaraming tukso, at kung minsan, tayo’y natitisod at nadarapa. Buong pagpapakumbaba at pagtitiwala nating hilingin sa Panginoon ang biyayang pahalagahan natin ang ating pananagutan at misyon sa buhay na tulad ng ginawa ni Hesus:
Panginoon, dinggin mo kami!
Para sa Inang Simbahan: Nawa’y manatili siyang tapat sa kanyang misyong magpahayag at magbigay-saksi sa Ebanghelyo sa kabila ng kahinaan ng marami niyang kasapi. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa, ating Obispo, at lahat ng namumuno sa atin: Nawa’y itaguyod nila ang mga pagpapahalagang espirituwal sa harap ng patuloy na panunuligsa ng materiyalismo, kalayawan, at komersiyalismo. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng ating mga manggagawang pangkalusugan na tumutulong sa lahat ng may kapansanan: Nawa’y magtiyaga sila sa kanilang propesyonal na pangako at magtanim ng pag-asa sa mga nanghihinawa at nawawalan ng tiwala. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng kasapi ng ating pamayanan, lalo na ang mga pamilyang matinding naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin: Nawa’y ang Panginoon ang kanilang maging pinakadakilang
kaibigan at saligan. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng pamilyang hindi nagkakasundo nawa’y makatagpo sila ng lunas sa kanilang mga sugat sa pamamagi ng kapatawaran, pagtuklas sa yamang panloob na taglay ng bawa’t isa, sa kabila ng kanilang nagkakaibang pananaw, manalangin tayo!
Panginoong Hesus, bukal ng aming pag-asa at kaligtasan, panatilihin mo kaming laging tapat sa
iyo sa lahat ng pagsubok at tukso upang makabahagi kami sa iyong tagumpay. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpasa walang hanggan.
Amen!