2,419 total views
Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)
Mga Gawa 15, 1-2. 22-29
Salmo 66, 2-3. 5. 6 at 8
Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.
Pahayag 21, 10-14. 22-23
Juan 14, 23-29
Sixth Sunday of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 15, 1-2. 22-29
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Noong mga araw na iyon: May ilang taong dumating sa Antioquia, mula sa Judea, at itinuro sa mga kapatid ang ganito: “Kapag hindi kayo nagpatuli ayon sa Kautusan ni Moises, hindi kayo maliligtas.” Tinutulan ito nina Pablo at Bernabe at naging mainitan ang kanilang pagtatalo tungkol dito. Kaya’t napagkaisahang papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ang ilan pang kapatid sa Antioquia, upang makipagkita sa mga apostol at sa matatanda tungkol sa suliraning ito.
Kaya’t minabuti ng mga apostol, ng matatanda, at ng buong simbahan na pumili ng ilan sa kanila upang suguin sa Antioquia, kasama nina Pablo at Bernabe. At sinugo nila ang mga pangunahin ng mga kapatid: si Judas na tinatawag na Barsabas, at si Silas. Ipinadala nila ang sulat na ganito ang nilalaman:
“Kaming mga apostol at matatanda ay bumabati sa mga kapatid na Hentil sa Antioquia, sa Siria at Cilicia. Nabalitaan naming ginugulo kayo ng ilang kasamahang galing dini, bagamat hindi namin sila inutusan. Di-umano’y binabagabag kayo sa pamamagitan ng kanilang sinasabi. Kaya’t napagkaisahan naming magpadala sa inyo ng mga sugo. Kasama sila ng ating minamahal na Bernabe at Pablo, na di nag-atubiling itaya ang kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Hesukristo. Sinusugo nga namin sa inyo sina Judas at Silas upang ipaliwanag sa inyo ang nasasaad sa sulat na ito. Sa udyok ng Espiritu Santo, ang naging pasiya namin ay huwag na kayong atangan ng iba pang pasanin maliban sa mga bagay na talagang kailangan: huwag kayong kakain ng anumang inihandog sa mga diyus-diyusan, ng dugo, at ng hayop na binigti. Huwag kayong makikiapid. Layuan ninyo ang mga bagay na ito, at mapapabuti kayo. Paalam.”
SALMONG TUGUNAN
Salmo 66, 2-3. 5. 6. at 8
Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.
o kaya: Aleluya.
O Diyos, pagpalain kami’t kahabagan,
kami Panginoo’y iyong kaawaan,
upang sa daigdig mabatid ng lahat
ang iyong kalooban at ang pagliligtas.
Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.
Nawa’y purihin ka ng mga nilikha,
pagkat matuwid kang humatol sa madla;
ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa.
Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.
Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
purihin ka nila sa lahat ng dako.
Ang lahat sa ami’y iyong pinagpala,
nawa’y igalang ka ng lahat ng bansa.
Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.
IKALAWANG PAGBASA
Pahayag 21, 10-14. 22-23
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Nilukuban ako ng Espiritu, at inihatid ako ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal na Lungsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos. Nagliliwanag ito dahil sa kaningningan ng Diyos; kumikislap na gaya ng hiyas na haspeng sinlinaw ng kristal. Ang pader nito’y makapal at mataas at may labindalawang pinto, bawat isa’y may bantay na anghel. Nakasulat sa mga pinto ang pangalan ng labindalawang lipi ng Israel. Tatlo ang pinto ng bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran. Ang Pader na lungsod ay may labindalawang saligang-bato at nakasulat dito ang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.
Napansin ko na walang templo sa lungsod sapagkat ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero ang pinaka templo roon. Hindi na kailangan ng araw o ang buwan upang liwanagan ang lungsod pagkat ang kaningningan ng Diyos ang nagbibigay-liwanag doon, at ang Kordero ang siyang ilawan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 14, 23
Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal,
tutupad sa aking aral,
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 14, 23-29
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Ang umiibig sa akin ay tutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami’y sasakanya at mananahan sa kanya. Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad sa aking mga salita. Hindi akin ang salitang narinig ninyo, kundi sa Amang nagsugo sa akin.
“Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito samantalang kasama pa ninyo ako. Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalaala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng ibinibigay ng sanlibutan. Huwag kayong mabalisa; huwag kayong matakot. Sinabi ko na sa inyo, ‘Ako’y aalis, ngunit babalik ako.’ Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat dakila ang Ama kaysa sa akin. Sinasabi ko na ito sa inyo bago pa mangyari upang, kung mangyari na, kayo’y manalig sa akin.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)
Bunsod ng pananalig na angkapayapaan ay kaloob ng Diyos at bunga ng pagsisikap ng tao, idalangin natin ang mahalagang kaloob na ito:
Panginoong Hesus, ipagkaloob mo sa amin ang iyong kapayapaan!
Para sa Simbahan, ang Katawang Mistiko ni Kristo: Nawa’y maging daan siya ng pagkakasundo at pagtutulungan ng mga tao. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa, mga obispo, at mga pari: Nawa’y sila ang maging kinatawan ng pagmamahal ni Kristo sa ating mundong nababalot ng pagkamakasarili at
kawalang-malasakit. Manalangin tayo!
Para sa mga bansang nasa gitna ng digmaan: Nawa’y maisip ng mga pinuno nila ang kawalang-saysay ng labanan at magsimula ng tapat na pakikipag-ayos para
sa ikabubuti ng lahat. Manalangin tayo!
Para sa mga mag-anak na pinaglalayo ng inggitan at hidwaan: Nawa’y maunawaan nilang tanging pagpapatawaran ang makapag-babalik ng minimithing kapayapaan. Manalangin tayo!
Para sa bawat isa sa atin at sa mga mahal natin sa buhay: Nawa’y tulad ni San Francisco de Asis, tayo’y maging kasang kapan ng kapayapaan ni Kristo. Manalangin tayo!
Para sa ating lahat: upang sa pamamagitan ng paggawa, ang bawa’t isa ay makapagkamit ng tunay na tagumpay, at bawa’t pamilya ay maitaguyod sa dangal
at ang lipunan ay lumago sa diwa ng tunay na pagkatao ayon sa kalooban ng Diyos. Manalangin tayo!
Panginoong Hesus, ipaunawa mo sa amin na sa pagtalima sa iyong salita, kami’y magiging kasangkapan ng iyong kapayapaan sa mundo at sa gayo’y magmana ng Kaharian ng Kapayapaan kung saan ka nabubuhay at naghahari magpasa walang
hanggan. Amen!