3,610 total views
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Kawikaan 31, 10-13. 19-20. 30-31
Salmo 127, 1-2. 3. 4-5
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
1 Tesalonica 5, 1-6
Mateo 25, 14-30
Thirty-third Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Kawikaan 31, 10-13. 19-20. 30-31
Pagbasa mula sa aklat ng Mga Kawikaan
Mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.
Lubos ang tiwala ng kanyang asawa, at saganang pakinabang ang makakamit niya.
Pinaglilingkuran niya ang kanyang asawa habang sila’y nabubuhay, pawang kabutihan ang ginagawa at di kasamaan.
Wala siyang tigil sa paggawa, hindi na halos nagpapahinga, humahabi ng kanyang lino at saka ng lana.
Siya’y gumagawa ng mga sinulid, at humahabi ng sariling damit.
Matulungin siya sa mahirap at sa nangangailangan ay bukas ang palad.
Magdaraya ang pang-akit at kumukupas ang ganda ngunit ang babaing may takot sa Panginoon ay pupurihin ng balana.
Ibunton sa kanya ang lahat ng parangal, karapat-dapat siya sa papuri ng bayan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 127, 1-2. 3. 4-5
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
Mapalad ang bawat tao na sa Diyos ay may takot,
ang maalab na adhika’y sumunod sa kanyang utos.
Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan,
ang buhay ay maligaya’t uunlad ang kanyang buhay.
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
Sa tahanan, ang asawa’y parang ubas na mabunga.
Bagong tanim na olibo sa may dulang ang anak n’ya.
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
Ang sinuman kung ang Diyos buong pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
Mula sa Sion, pagpapala nawa ng Diyos ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem.
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
IKALAWANG PAGBASA
1 Tesalonica 5, 1-6
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid, hindi na kailangang isulat ko pa sa inyo kung kailan magaganap ang mga bagay na ito, sapagkat alam na ninyong ang pagdating ng Araw ng Panginoon ay tulad sa pagdating ng magnanakaw. Kapag sinasabi ng mga tao, “Tiwasay at panatag ang lahat,” biglang darating ang kapahamakan. Hindi sila makaiiwas sapagkat ang pagdating nito’y tulad ng pagsumpong ng pagdaramdam ng babaing manganganak. Ngunit hindi kayo nabubuhay sa kadiliman, mga kapatid, kaya’t hindi kayo mabibigla sa Araw na yaon na darating na parang magnanakaw. Kayong lahat ay kabilang sa panig ng kaliwanagan — sa panig ng araw — hindi sa panig ng kadiliman o ng gabi. Kaya nga, kailangang tayo’y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip — di tulad ng iba.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 15, 4a. 5b
Aleluya! Aleluya!
Sa Poon ay manatili
siya’y sa atin lalagi
mamungang maluwalhati.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 25, 14-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad dito: May isang taong maglalakbay, kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. Binigyan niya ng salapi ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang kakayahan: binigyan niya ang isa ng limanlibong piso, ang isa nama’y dalawanlibong piso, at ang isa pa’y sanlibong piso. Pagkatapos, siya’y umalis. Humayo agad ang tumanggap ng limanlibong piso at ipinangalakal iyon. At nagtubo siya ng limanlibong piso. Gayun din naman, ang tumanggap ng dalawanlibong piso ay nagtubo ng dalawanlibong piso. Ngunit ang tumanggap ng sanlibong piso ay humukay sa lupa at itinago ang salapi ng kanyang panginoon.
“Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga aliping iyon at pinapagsulit sila. Lumapit ang tumanggap ng limang libo. Wika niya, ‘Panginoon, heto po ang limanlibo na bigay ninyo sa akin. Heto pa po ang limanlibo na tinubo ko.’ Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Yamang naging tapat ka sa kaunting halaga, pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!’ Lumapit din ang tumanggap ng dalawanlibong piso, at ang sabi, ‘Panginoon, heto po ang ibinigay ninyong dalawanlibong piso. Heto naman po ang dalawanlibong pisong tinubo ko.’ Sinabi ng kanyang panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan.’ At lumapit naman ang tumanggap ng sanlibong piso. ‘Alam ko pong kayo’y mahigpit,’ aniya. ‘Gumagapas kayo sa hindi ninyo tinamnan, at nag-aani sa hindi ninyo hinasikan. Natakot po ako, kaya’t ibinaon ko sa lupa ang inyong salapi. Heto na po ang sanlibong piso ninyo.’ ‘Masama at tamad na alipin!’ Tugon ng kanyang panginoon. ‘Alam mo palang gumagapas ako sa hindi ko tinamnan at nag-aani sa hindi ko hinasikan! Bakit hindi mo iyan inilagak sa bangko, di sana’y may nakuha akong tubo ngayon? Kunin ninyo sa kanya ang sanlibong piso at ibigay sa may sampunlibong piso. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Itapon ninyo sa kadiliman sa labas ang aliping walang kabuluhan. Doo’y tatangis siya at magngangalit ang kanyang ipin.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya: Maikling Pagbasa
Mateo 25, 14-15. 19-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad dito: May isang taong maglalakbay, kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. Binigyan niya ng salapi ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang kakayahan: binigyan niya ang isa ng limanlibong piso, ang isa nama’y dalawanlibong piso, at ang isa pa’y sanlibong piso. Pagkatapos, siya’y umalis.
Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga aliping iyon at pinapagsulit sila. Lumapit ang tumanggap ng limang libo. Wika niya, ‘Panginoon, heto po ang limanlibo na bigay ninyo sa akin. Heto pa po ang limanlibo na tinubo ko.’ Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Yamang naging tapat ka sa kaunting halaga, pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!’
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Bilang pasasalamat sa tiwala at pagkabukas-palad ng Panginoon sa atin, idulog natin ang ating mga kahilingan para sa lahat ng pangangailangan ng sangkatauhan, ng Simbahan, at ng bawat isa sa atin. Maging tugon natin ay:
Panginoon, dinggin Mo kami!
Para sa Santo Papa, ating Obispo, at lahat ng iba pang pinunong espiritwal: Nawa maging inspirasyon natin sila sa pagpapahalaga at paggamit sa mga kaloob ng Diyos. Manalangin tayo!
Para sa mga pinagkalooban ng mga pambihirang talino: Nawa gamitin nila ang mga kaloob na ito sa pagtulong at pagpapasigla sa mahihinang kasama sa pamayanan. Manalangin tayo!
Para sa mga di gasinong pinagpala: Nawa alalahanin nilang sila’y hahatulan di sa dami ng kanilang tinanggap na mga biyaya kundi sa kung paano nila ito ginamit. Manalangin tayo!
Para sa kabataan: Nawa maibuhos nila’t gamitin ang kanilang sigla’t lakas sa ikapagtatatag ng lalong mabuting daigdig, sa halip na sayangin ang mga ito sa pag- hahangad ng mga materyal na kasiyahan. Manalangin tayo!
Para sa ating pamayanan at mga mag-anak: Nawa ituring natin ang ibang mga kaanib bilang biyaya ng Diyos sa atin at tayo naman bilang Kanyang biyaya sa kanila, at sa gayo’y mamuhay sa diwa ng pagtutulungan. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!
Panginoong Diyos, bigyan Mo kami ng ibayong sigla para higit naming pakinabangan ang mga kaloob Mong pagkakataon para sa kagalingan ng aming sarili, ng Simbahan, at ng sangkatauhan. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen!