Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

LINGGO, NOBYEMBRE 20, 2022

SHARE THE TRUTH

 2,690 total views

Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (K)
Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

2 Samuel 5, 1-3
Salmo 121, 1-2. 4-5

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Colosas 1, 12-20
Lucas 23, 35-43

The Solemnity of Our Lord Jesus Christ, King of the Universe (White)

UNANG PAGBASA
2 Samuel 5, 1-3

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, nagkaisa ang lahat ng angkan ng Israel na pumunta sa Hebron upang makipagkita kay David. Sinabi nila, “Kami’y laman ng iyong laman at dugo ng iyong dugo. Nang si Saul ang hari namin, nanguna ka sa mga kawal ng Israel sa pakikipagdigma. Ipinangako sa iyo ng Panginoon na gagawin ka niyang hari upang mamuno sa kanyang bayan.” Lahat ng matatanda ng Israel ay nagpunta nga sa Hebron at doo’y nakipagkasundo sa kanya sa harapan ng Panginoon. Binuhusan nila ng langis si David at kinilalang hari sa Israel.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 121, 1-2. 4-5

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Ako ay nagalak, sa sabing ganito:
“Sa bahay ng Poon ay pumasok tayo!”
Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lungsod nitong Jerusalem.

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang magsambahan,
ang hangad, ang Poon ay pasalamatan,
pagkat ito’y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

IKALAWANG PAGBASA
Colosas 1, 12-20

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas

Mga kapatid, magpasalamat kayo sa Ama, sapagkat minarapat niyang ibilang kayo sa mga hinirang na magmamana ng kaharian ng kaliwanagan. Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak. Sa pamamagitan ng Anak, tayo’y pinalaya at pinatawad sa ating mga kasalanan.

Si Kristo ang larawan ng Diyos na di nakikita, at siyang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha. Sapagkat ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga naghahari at namamahala, mga namumuno at may kapangyarihang espirituwal ay pawang nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. Siya’y una sa lahat, at sa kanya nasasalalay ang kaayusan ng lahat ng bagay. Siya ang ulo ng simbahan na kanyang katawan. Siya ang Una, ang panganay na Anak ang unang nabuhay na muli upang siya ang maging pinakadakila sa lahat ng bagay. Ipinasiya ng Diyos na ang kanyang kalikasan ay manatili rin sa Anak, at inibig niyang ang sandaigdigan ay makipagkasundo sa kanya sa pamamagitan ng Anak. Sa pamamagitan ng pagkamatay nito sa krus, nagkasundo nga ang Diyos at ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Marcos 11, 9. 10

Aleluya! Aleluya!
Pagpalain dumarating
sa ngalan ng Poon natin,
paghahari’y kanyang angkin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 23, 35-43

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas.

Noong panahong iyon, nilibak si Hesus ng mga pinuno ng bayan. Anila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili, kung siya nga ang Mesiyas, ang hinirang ng Diyos!” Nilibak din siya ng mga kawal, nilapitan at inalok ng maasim na alak. Sinabi nila, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” At nakasulat sa ulunan niya sa wikang Griego, Latin at Hebreo, “Ito ang Hari ng mga Judio.”

Tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi, “Hindi ba ikaw ang Mesiyas? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami!” Ngunit pinagsabihan siya ng kanyang kasama, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw ma’y pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama.” At sinabi niya, “ Hesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (K)

Natitipon bilang mag-anak ng Diyos ngayong Dakilang Kapistahan ni Kristong ating Hari at Hari ng Sanlibutan, tayo’y maghain ng ating mga kahilingan sa Panginoon para sa mga panga- ngailangan ng sangkatauhan at ng ating sari-sarili. Tugon natin ay:

Panginoon, pagharian Mo kami!

Para sa Simbahan, ang Katawan ni Kristo: Nawa siya’ y maging tunay na kasangkapan ng makaharing paglilingkod ni Kristo sa lahat ng tao sa pagtataguyod ng kapayapaan, paki- kipagtulungan, at katarungan. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa, ating mga obispo, at kaparian: Nawa manatili silang tapat sa kanilang pangakong maglingkod nang buong kababaang-loob at katapatan ni Kristo sa mahihirap at mahihina. Manalangin tayo!

Para sa mga nagsisikap upang maging buhay na katunayan ang pagiging hari ni Kristo: Magtagumpay nawa sila sa kanilang pagsisikap na maghatid ng pagmamahal ni Hesus sa lahat ng kultura’t tahanan. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng nagpapahalaga at namumuhay nang labag sa mga pangaral ni Kristo: Nawa, tulad ng nagsising magnanakaw, makilala nila ang kanilang pagkakasala at maging lubos na tapat kay Hesus, ang tunay nating Hari. Manalangin tayo!

Para sa ating lahat: Nawa pasiglahin tayo ng ating pananampalataya kay Kristong Hari para mapatatag ang kanyang Kaharian ng kapayapaan, pag-mamahal, at kapayapaan dito sa lupa. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.)
Manalangin tayo!

Panginoon, ibinigay Mo sa amin si Hesus para maging aming Hari ng habag at pagmamahal. Pagindapatin Mo kami sa gayong kadakilang Hari at gawin Mo kaming mga sugo ng kanyang pagmamahal sa lahat. Isinasamo namin ito sa ngalan ni Hesus, na Iyong Anak na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen!

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Witch hunt?

 15,024 total views

 15,024 total views Mga Kapanalig, inihalintulad ni Senador Juan Miguel Zubiri sa “witch hunt” ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Para daw itong paghahanap

Read More »

Tahimik sa conflict of interest?

 28,984 total views

 28,984 total views Mga Kapanalig, itinanggi ni Senador Mark Villar ang mga akusasyong ginamit niya ang kanyang posisyon bilang dating kalihim ng Department of Public Works

Read More »

Bihag ng sugal

 46,136 total views

 46,136 total views Mga Kapanalig, tinalakay natin sa isang editoryal ang pagkabahala ng presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (o CBCP) na si Kalookan

Read More »

kabaliwan

 96,402 total views

 96,402 total views Ito ang taguri ng Obispo ng Kalookan sa mga ahensiya ng gobyerno na kunwaring nababahala sa iligal na offshore gambling… ginagawa namang legal

Read More »

Magkaayos Kaysa Maghiwalay

 112,322 total views

 112,322 total views Sa pagsisimula ng 20th Congress, muli na namang isinulong sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang divorce bill. Kailangan ba talaga

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Sabado, Hulyo 19, 2025

 215 total views

 215 total views Sabado ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado Exodo 12, 37-42 Salmo 135, 1

Read More »

Biyernes, Hulyo 18, 2025

 1,218 total views

 1,218 total views Biyernes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) Exodo 11, 10-12. 14 Salmo 115, 12-13. 15-16bk. 17-18 Sa Panginoong tumubos kalis ng inumi’y

Read More »

Huwebes, Hulyo 17, 2025

 1,852 total views

 1,852 total views Huwebes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) Exodo 3, 13-20 Slamo 104, 1 at 5. 8-9. 24-25. 26-27 Nasa isip ng Maykapal

Read More »

Miyerkules, Hulyo 16, 2025

 2,140 total views

 2,140 total views Miyerkules ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Bundok del Carmen Exodo 3, 1-6. 9-12

Read More »

Martes, Hulyo 15, 2025

 2,661 total views

 2,661 total views Paggunita kay San Buenaventura, obispo at pantas ng Simbahan Exodo 2, 1-15a Salmo 68, 3. 14. 30-31. 33-34 Dumulog tayo sa Diyos upang

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top