4,251 total views
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Karunungan 7, 7-11
Salmo 89, 12, 13. 14-15. 16-17
Pag-ibig mo’y ipadama;
aawit kaming masaya.
Hebreo 4, 12-13
Marcos 10, 17-30
o kaya Marcos 10, 17-27
Twenty-eighth Sunday in Ordinary Time (Green)
Indigeneous People’s Sunday
Extreme Poverty Day
UNANG PAGBASA
Karunungan 7, 7-11
Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan
Sapagkat napag-unawa kong ako’y tao lamang, ako’y nanalangin at binigyan naman ako ng kaalaman.
Tumawag ako sa Diyos at binigyan ako ng Karunungan.
Higit na mahalaga sa akin ang Karunungan kaysa trono at setro,
at mas matimbang kaysa alinmang kayamanan.
Hindi ko maipagpapalit maging sa pinakamahal na alahas.
Ang ginto ay tulad lamang sa buhangin kung ihahambing sa Karunungan.
Ang pilak nama’y nagmimistulang putik kapag inihambing sa kanya.
Para sa akin, siya’y higit pa sa kalusugan o kagandahan.
Mas gusto ko siya kaysa alinmang ilaw sapagkat ang luningning niya’y walang pagkupas.
Nang kamtan ko ang Karunungan,
dumating sa akin ang lahat ng pagpapala;
siya ang nagkaloob sa akin ng kayamanang walang kapantay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 89, 12, 13. 14-15. 16-17
Pag-ibig mo’y ipadama;
aawit kaming masaya.
Yamang itong buhay nami’y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.
Hanggang kailan pa ba, Poon, titiisin yaring lagay
nitong iyong mga lingkod, sa gitna ng kahirapan?
Pag-ibig mo’y ipadama;
aawit kaming masaya.
Kung umaga’y ipadama yaong wagas mong pag-ibig,
at sa buong buhay nami’y may galak ang aming awit.
Yaong naging hirap nami’y tumbasan mo ng ginhawa,
singhaba rin ng panahon ang ipalit na ligaya.
Pag-ibig mo’y ipadama;
aawit kaming masaya.
Ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain,
sa kasunod naming lahi ay gayon mo rin ituring.
Panginoon naming Diyos, kami sana’y pagpalain,
magtagumpay sana kami sa anumang aming gawin.
Pag-ibig mo’y ipadama;
aawit kaming masaya.
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 4, 12-13
Pagbasa mula sa sulat sa Mga Hebreo
Ang salita ng Diyos ay buhay at mabisa, higit na matalas kaysa alinmang tabak na magkabila’y talim. Ito’y tumatagos maging sa pinaghihiwalayan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasu-kasuan at ng utak sa buto, at nakatataho ng mga iniisip at binabalak ng tao. Walang makapagtatago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo magsusulit.
Ang Salita ng Diyos.
MABUTING BALITA
Marcos 10, 17-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, habang paalis na si Hesus ay may isang lalaking patakbong lumapit, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos. Alam mo ang mga utos: ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang magsisinungaling sa iyong pagsaksi; huwag kang magdadaya; igalang mo ang iyong ama’t ina.’” “Guro,” sabi ng lalaki, “ang lahat po ng iya’y tinutupad ko na mula pa sa aking pagkabata.” Magiliw siyang tiningnan ni Hesus, at sinabi sa kanya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” Namanglaw ang lalaki nang marinig ito, at malungkot na umalis, sapagkat siya’y napakayaman.
Tiningnan ni Hesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa kanyang mga alagad, “Napakahirap mapabilang ang mayayaman sa mga pinaghaharian ng Diyos.” Nagtaka ang mga alagad sa pananalitang ito. Muling sinabi ni Hesus, “Mga anak, talagang napakahirap mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos! Madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman.” Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya’t sila’y nagtanungan, “Kung gayo’y sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Hesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit hindi ito mahirap sa Diyos. Magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”
At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo.” Sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: ang sinumang mag-iwan ng bahay, o mga kapatid, ina, ama, mga anak, mga lupa, dahil sa akin at sa Mabuting Balita, ay tatanggap ng makasandaang ibayo sa buhay na ito – mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupa – ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa kabilang buhay ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya: Maikling Pagbasa
Marcos 10, 17-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, habang paalis na si Hesus ay may isang lalaking patakbong lumapit, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos. Alam mo ang mga utos: ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang magsisinungaling sa iyong pagsaksi; huwag kang magdadaya; igalang mo ang iyong ama’t ina.’” “Guro,” sabi ng lalaki, “ang lahat po ng iya’y tinutupad ko na mula pa sa aking pagkabata.” Magiliw siyang tiningnan ni Hesus, at sinabi sa kanya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” Namanglaw ang lalaki nang marinig ito, at malungkot na umalis, sapagkat siya’y napakayaman.
Tiningnan ni Hesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa kanyang mga alagad, “Napakahirap mapabilang ang mayayaman sa mga pinaghaharian ng Diyos.” Nagtaka ang mga alagad sa pananalitang ito. Muling sinabi ni Hesus, “Mga anak, talagang napakahirap mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos! Madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman.” Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya’t sila’y nagtanungan, “Kung gayo’y sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Hesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit hindi ito mahirap sa Diyos. Magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Sa paghahangad natin ng pagbuti ng ating kundisyong pangkabuhayan, alalahanin natin na may mga higit na pagpapahalaga sa buhay na di dapat maisakripisyo para sa materiyal at pansariling kapakinabangan. Ipahatid natin sa Panginoon ang ating mga kahilingan:
Panginoon, dinggin mo kami!
Para sa lahat ng namumuno sa Simbahan: Nawa’y patnubayan nila ang mga mananampalataya nang buong karunungan at malasakit sa kanilang kapakanang pangkaluluwa. Manalangin tayo!
Para sa mga mayaman at makapangyarihan: Nawa’y hindi sila mabulagan sa kanilang yamang tinatamasa at tuluyang makalimot sa mga lalong dakilang pagpapahalaga. Manalangin tayo!
Para sa kabataan at lahat ng naghahanap sa kahulugan ng buhay: Nawa’y matagpuan nila ito sa katauhan ni Hesus at sa pamumuhay alinsunod sa kan- yang Ebanghelyo. Manalangin tayo!
Para sa mga kapatid nating katutubo: Nawa’y matanggap nila ang paggalang sa kanilang mga karapatang legal at pakikipagkaisa ng lahat ng Pilipino. Manalangin tayo!
Para sa mga nagbubulag-bulagan sa pananatili ng Diyos sa kanilang buhay: Nawa’y makaahon sila sa mga sagabal at panunukso ng mga maling ideolohiya upang kanilang matuklasan na ang katotohanang magpapalaya ay nababatay at nagmumula sa Diyos. Manalangin tayo!
Nawa’y maipagtaguyod nating lahat ang estilo sinodal sa ating pamumuhay, sa pananagutan sa isa’t isa, upang mapalaganap ang kaisahan, diwa ng pakikisalamuha at pakikiisa sa misyon ng Simbahan ng lahat mga mga pari, relihiyoso, at laiko. Manalangin tayo!
Panginoong Diyos, pagkalooban Mo kami ng pagmimithi sa mga pagpapahalagang walang hanggan, habang di naman na- kalilimot sa pang-araw-araw na pangangailangan namin at ng aming kapwa. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen!