3,270 total views
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Jeremias 31, 7-9
Salmo 125, 1-2ab. 2kd-3. 4-5. 6
Gawa ng D’yos ay dakila
kaya tayo’y natutuwa.
Hebreo 5, 1-6
Marcos 10, 46-52
Thirtieth Sunday in Ordinary Time (Green)
Prison Awareness Sunday
UNANG PAGBASA
Jeremias 31, 7-9
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
“Umawit kayo sa kagalakan alang-alang kay Jacob,
ipagbunyi ninyo ang pinakadakilang bansa;
magpuri kayo at inyong ipahayag na iniligtas ng Panginoon ang kanyang bayan, ang mga nalabi sa Israel.
Narito, sila’y ibabalik ko mula sa hilaga;
titipunin ko sila mula sa mga sulok ng sanlibutan,
kasama ang mga bulag at mga pilay, ang mga inang may pasusuhin,
pati yaong malapit nang manganak; sila’y talagang napakarami!
Uuwi silang nag-iiyakan habang daan, nananalangin samantalang inaakay ko.
Dadalhin ko sila sa mga bukal ng tubig, pararaanin sa maayos na landas upang hindi sila madapa.
Pagkat ang Israel ay para kong anak, at si Efraim ang aking panganay.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 125, 1-2ab. 2kd-3. 4-5. 6
Gawa ng D’yos ay dakila
kaya tayo’y natutuwa.
Nang lingapin tayo ng Diyos at sa Sion ay ibalik,
ang nangyaring kasaysaya’y parang isang panaginip.
Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit.
Gawa ng D’yos ay dakila
kaya tayo’y natutuwa.
Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Ang ginawa ng Diyos nila ay dakila, anong rikit!”
Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, kagalaka’y di kawasa!
Gawa ng D’yos ay dakila
kaya tayo’y natutuwa.
Kung paanong inuulan yaong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, kami, Poon, ay ibalik.
Silang mga nagbubukid na nagtanim na may luha,
bayaan mo na mag-aning masasaya’t natutuwa.
Gawa ng D’yos ay dakila
kaya tayo’y natutuwa.
Yaong mga nagsihayong dala’y binhi’t nananangis,
ay aawit na may galak, dala’y ani pagbalik!
Gawa ng D’yos ay dakila
kaya tayo’y natutuwa.
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 5, 1-6
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Ang bawat dakilang saserdote’y pinili sa mga tao at itinalagang maglingkod sa Diyos para sa kanila upang maghandog ng mga kaloob at mga hain dahil sa mga kasalanan. Mahinahon niyang napapakitunguhan ang mga mangmang at naliligaw ng landas, sapagkat siya’y mahina rin. At dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya’y maghandog ng hain, hindi lamang para sa kasalanan ng mga tao kundi para sa kasalanan din niya. Ang karangalan ng pagiging dakilang saserdote ay hindi maaaring kamtan ninuman sa kanyang sariling kagustuhan. Ang Diyos ang humihirang sa kanya, tulad ng pagkahirang kay Aaron.
Gayun din naman, hindi si Kristo ang nagtaas ng kanyang sarili sa pagiging dakilang saserdote. Siya’y hinirang ng Diyos na nagsabi sa kanya,
“Ikaw ang aking Anak,
Ako ang iyong Ama.”
Sinasabi rin niya sa ibang bahagi ng Kasulatan,
“Ikaw ay saserdote magpakailanman
Ayon sa pagkasaserdote ni Melkisedec.”
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
2 Timoteo 1, 10
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay nagtagumpay
nalupig ang kamatayan
nagningning ang pagkabuhay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 10, 46-52
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa Jerico, kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba. Nang umaalis na sila roon, may naraanan silang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya’y si Bartimeo, anak ni Timeo. Nang marinig niyang naroon si Hesus na taga-Nazaret, sumigaw siya ng ganito: “Hesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Pinagsabihan siya ng mga tao at pinatatahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Tumigil si Hesus at kanyang sinabi, “Tawagin ninyo siya.” At tinawag nga nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob,” sabi nila. “Tumindig ka. Ipinatatawag ka niya.” Iniwaksi niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Hesus. “Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo?” tanong sa kanya ni Hesus. Sumagot ang bulag, “Guro ibig ko po sanang makakita.” Sinabi ni Hesus, “Humayo ka; magaling ka na dahil sa iyong pananalig.” Noon di’y nakakita siya, at sumunod kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Mga kapatid, si Hesus ay nagpakita ng matinding awa at habag sa mga makasalanan at mahihirap. Kung kaya ating ipagdasal na tayo rin, tulad ni Bartimeo, ay gumaling sa ating pagkabulag at kawalan ng malasakit sa mga dukha, lalo na sa ating mga kapatid na nakakulong. Ang ating itutugon ay:
Panginoon ng Liwanag, Pagalingin Mo kami!
Para sa Simbahan. Gabayan po Ninyo si Papa Francisco, mga Obispo, pari, at inilaan bilang instrumento ng Iyong pag-ibig. Nawa’y tulungan nila ang aming mga kapatid na nakabilanggo at mga pinagkaitan ng kalayaan na maging imahe ng Panginoon. Manalangin tayo sa Panginoon!
Dalangin namin na ang mga wtoridad ng BJMP, BUCOR, mga gobernador, at mga tagapangasiwa ng piitan ay maging mahabagin sa mga PDL, maglingkod nang may malasakit, at gumawa ng mas mabuting hakbang para sa kanilang kapakanan. Manalangin tayo sa Panginoon!
Para sa Jail and Prison Chaplains at Volunteers in Prison Service (VIPS) sa buong bansa, hinihiling namin ang inyong patnubay at proteksyon sa kanilang paglilingkod sa PDL at kanilang pamilya, upang maging instrumento ng reporma at muling pagbabalik sa lipunan. Manalangin tayo sa Panginoon.
Para sa mga PDL, nakulong, at pinatawad: Nabubuhay sila sa maraming hirap. Panginoon, ikaw ay inusig na inosente; ibuhos Mo ang iyong awa upang sila’y aliwin, magbago, at maghanda sa kalayaan. Pagpalain ang kanilang pagkakasundo. Manalangin tayo sa Panginoon!
Para sa mga nasa kulungan na namatay sa huling pandemya. Tinawag mo sila mula sa sakit ng pagkakulong. Idinadalangin namin ang mga bilanggo na ito, na bigyan mo sila ng maawaing paghatol at walang hanggang kapahingahan at gantimpala. Manalangin tayo sa Panginoon!
Ipagdasal natin ang ating pansariling hangarin. (Saglit na katahimikan.) Manalangin tayo sa Panginoon!
Amang mapagmahal, alam namin na ikaw ay nalulugod kapag kami ay bumabaling sa iyo. Hipuin mo at pagalingin ang aming mga kapatid na bilanggo at tulungan silang mamuhay ng bagong buhay, sa pamamagitan ni Kristo, aming Panginoon. Amen!