8,178 total views
Lunes ng Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
2 Samuel 15, 13-14. 30; 16, 5-13a
Salmo 3, 2-3. 4-5. 6-7
Halika, Panginoon ko,
iligtas mo sana ako.
Marcos 5, 1-20
Monday of the Fourth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
2 Samuel 15, 13-14. 30; 16, 5-13a
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, dumating kay David ang balitang si Absalom na ang kinikilalang hari ng Israel. Sinabi niya sa mga kasama, “Mabuti pa’y umalis tayo sa Jerusalem. Kung hindi, nanganganib tayo kay Absalom. Magmadali tayo’t baka abutin niya! Kapahamakan ang sasapitin natin, pagkat wala siyang igagalang isa man sa lungsod!”
Si David ay umiiyak na umahon sa Bundok ng mga Olibo. Wala siyang sandalyas at nakatalukbong, tanda ng kalungkutan. Lahat ng kasama niya’y nakatalukbong at umiiyak ding umahon.
Nang papalapit na sa Bahurim si Haring David, isang kamag-anak ni Saul ang lumabas sa lansangan na nagtutungayaw. Ito’y si Simei na anak ni Gera. Binabato niya si David at ang mga kasama nito, maging alipin o kawal. Ganito ang kanyang isinisigaw: ‘Lumayas ka! Lumayas ka! Ikaw na tampalasa’t uhaw sa dugo! Naghiganti na sa iyo ang Panginoon dahil sa pagpatay sa sambahayan ni Saul at pag-agaw sa kanyang trono. Ibinigay na kay Absalom ang kanyang kaharian. Ikaw na mamamatay-tao! Sa wakas, siningil ka rin sa iyong pagkakautang!”
Sinabi ni Abisai, “Mahal na hari, diya’t pinahihintulutan ninyong lapastanganin ng hampaslupang ito ang inyong kamahalan? Ipahintulot po ninyong tagpasin ko ang kanyang ulo.”
Ngunit sinabi ng hari, “Huwag kang makialam sa bagay na ito Abisai; ako ang magpapasiya nito. Kung iniutos ng Panginoon na sumpain si David, ano’ng karapatan nating sumuway?” Sinabi ni David kay Abisai at sa lahat niyang lingkod, “Kung ang anak ko mismo ay nagtatangka sa aking buhay, hindi dapat pagtakhan ngayon kung mag-isip ng ganyan ang Benjaminitang ito. Bayaan ninyo siyang magtungayaw at sumpain ako. Ano’ng malay natin baka ito’y utos ng Panginoon sa kanya! Baka naman kahabagan ako ng Panginoon sa kalagayang ito, at pagpalain ako sa halip na sumpain.” Patuloy sa paglakad sina David at ang kanyang mga tauhan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 3, 2-3. 4-5. 6-7
Halika, Panginoon ko,
iligtas mo sana ako.
O Panginoon ko, kay raming kaaway,
sa abang lingkod mo ay kumakalaban;
ang palagi nilang pinag-uusapan,
ako raw, O Diyos, di mo tutulungan!
Halika, Panginoon ko,
iligtas mo sana ako.
Ngunit ang totoo, sa lahat ng oras,
iniingatan mo at inililigtas;
sa aki’y tagumpay ang iginagawad,
mahina kong loob ay pinalalakas.
Kaya ikaw, Poon, nang aking tawagan,
sinagot mo ako sa bundok na banal.
Halika, Panginoon ko,
iligtas mo sana ako.
Ako ay humimlay, agad nakatulog,
ligtas na nagising ang iyong kinupkop;
libo mang kaaway, wala akong takot,
humanay man sila, sa aking palibot.
Halika, O Diyos, iligtas mo ako,
lahat kong kaaway ay pasukuin mo.
Halika, Panginoon ko,
iligtas mo sana ako.
ALELUYA
Lucas 7, 16
Aleluya! Aleluya!
Narito at dumating na
isang dakilang propeta
sugo ng Diyos sa bayan n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 5, 1-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, dumating sina Hesus at ang mga alagad sa ibayo ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno. Pagkababa ni Hesus sa bangka, siya’y sinalubong ng isang lalaking galing sa libingan. Ang lalaking ito’y inaalihan ng masamang espiritu at sa libingan naninirahan. Hindi siya maigapos nang matagal, kahit tanikala ang gamitin. Malimit siyang ipangaw at gapusin ng tanikala, ngunit pinaglalagut-lagot niya ito at pinagbabali-bali ang pangaw. Talagang walang makasupil sa kanya. Araw-gabi’y nagsisisigaw siya sa libingan at sa kaburulan, at sinusugatan ng bato ang kanyang sarili.
Malayo pa’y natanawan na niya si Hesus. Siya’y patakbong lumapit at nagpatirapa sa harapan niya, at sumigaw nang malakas, “Hesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano ang pakialam mo sa akin? Huwag mo akong pahirapan, alang-alang sa Diyos!” Sinabi niya ito, sapagkat iniutos sa kanya ni Hesus, “Masamang espiritu, lumabas ka sa taong ito!” Tinanong siya ni Hesus, “Ano ang pangalan mo?” “Pulutong, sapagkat marami kami,” tugon niya. At mahigpit nilang ipinakiusap kay Hesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.
Doon naman sa libis ng bundok ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain. Nagmakaawa kay Hesus ang masasamang espiritu na ang wika, “Papasukin mo na lang kami sa mga baboy.” At sila’y pinahintulutan niya. Lumabas sa tao ang masasamang espiritu at pumasok nga sa mga baboy. Ang kawan, na may dalawanlibo, ay sumibad ng takbo tungo sa pampang ng lawa, nahulog sa tubig at nalunod.
Nagtatakbo ang mga tagapag-alaga ng kawan at ipinamalita ito sa bayan at sa mga nayon; kaya’t pumaroon ang mga tao upang tingnan kung ano nga ang nangyari. Paglapit nila kay Hesus ay nakita nila ang lalaking inalihan ng mga demonyo. Nakaupo ito, may damit at matino na ang isip. At sila’y natakot. Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita ang nangyari sa inalihan ng mga demonyo at ang sinapit ng mga baboy. Kaya’t ipinamanhik nila kay Hesus na umalis sa kanilang lupain.
Nang sumasakay na si Hesus sa bangka, nakiusap ang inalihan ng mga demonyo na isama siya, ngunit hindi pumayag si Hesus. Sa halip ay sinabi niya, “Umuwi ka at sabihin mo sa iyong mga kasambahay ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paanong nahabag siya sa iyo.” Umalis ang taong iyon at ipinamalita sa Decapolis ang ginawa sa kanya ni Hesus. At nanggilalas ang lahat ng nakarinig niyon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Natitipon kay Kristo na lumulupig sa kasamaan, ilapit natin sa Ama nang may pananalig ang ating mga panalangin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Kataas-taasang Diyos, ipag-adya Mo kami.
Ang Santo Papa, ang mga obispo, mga pari, at mga diyakono nawa’y matulungan tayong manatiling matatag sa ating pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga Kristiyanong mananampalataya nawa’y magkaroon ng tapang na makapagsalita nang may katatagan sa ngalan ni Jesu-Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naging manhid na sa pagkakasala nawa’y hipuin ng Espiritu ng Diyos upang magsisi at magbago sila ng pamumuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naghihinanakit dahil sa hirap at pagdurusa nawa’y maalalayan natin nang walang pag-aalinlangan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal na yumao nawa’y makauwi nang matiwasay sa kalipunan ng mga banal kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, nagbubunyi kami sa iyong nag-uumapaw na pag-ibig para sa amin, paghariin mo ang iyong kapangyarihan sa amin at maging kasa-kasama ka namin sa landasin ng buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.