28,206 total views
Lunes sa Ika-4 na Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Isaias 65, 17-21
Salmo 29, 2 at 4. 5-6. 11-12a at 13b
Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.
Juan 4, 43-54
Monday of the Fourth Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Isaias 65, 17-21
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ang sabi ng Panginoon:
“Ako ay lilikha,
isang bagong lupa’t isang bagong langit;
mga pangyayaring pawang lumipas na
ay di na babalik!
Kaya naman kayo’y
dapat na magalak sa aking nilalang,
yamang nilikha ko itong Jerusalem
na ang aking pakay maging kagalakan ng mga hinirang.
Ako mismo’y magagalak
dahil sa Jerusalem at sa kanyang mamamayan.
Doo’y walang panambitan o kaguluhan.
Doo’y wala nang sanggol na papanaw,
lahat ng titira roon ay mabubuhay nang matagal.
Ituturing pa rin na kabataan pa ang edad sandaan,
ang hindi umabot ng gulang na ito ay pinarusahan.
Magtatayo sila ng mga tahanang kanilang titirhan,
sa tanim na ubas ay sila ang aani.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 29, 2 at 4. 5-6. 11-12a at 13b
Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.
O Panginoon ko,
sa iyong ginawa, kita’y pinupuri’t ako’y iniligtas,
kaya kaaway ay di na nakuhang matuwa’t magalak.
Mula sa libingang
daigdig ng patay, hinango mo ako at muling binuhay;
ako, na kasama nilang napabaon sa kailaliman.
Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.
Purihin ang Poon,
siya ay awitan ng lahat ng tapat na mga hinirang.
Iyong gunitain ang mga ginawa ng Diyos na Banal,
ang kanyang ginawa ay alalahanin at pasalamatan!
Hindi nagtatagal
yaong kanyang galit, at ang kabutihan niya’y walang wakas.
Ang abang may hapis at tigmak sa luha sa buong magdamag,
sa bukang-liwayway ay wala nang lungkot, kapalit ay galak.
Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.
Kaya’t ako’y dinggin,
ikaw ay mahabag sa akin, O Poon, ako ay pakinggan,
mahabag ka, Poon! Ako ay dinggin mo at iyong tulungan.
Nadama ko’y galak nang iyong hubarin ang aking panluksa.
Sa pasasalamat sa iyo, O Poon, ay di magsasawa.
Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Amos 5, 14
Matuwid ang dapat gawin,
masama’y iwasan natin,
at tayo ay bubuhayin;
ang Diyos ay sasaatin,
atin s’yang makakapiling.
MABUTING BALITA
Juan 4, 43-54
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, umalis si Hesus sa Samaria at nagtungo sa Galilea. Sapagkat si Hesus na rin ang nagsabing ang isang propeta’y hindi iginagalang sa kanyang sariling bayan. Pagdating niya sa Galilea ay mabuti ang pagtanggap sa kanya ng mga tagaroon, sapagkat nasa Jerusalem din sila noong Pista ng Paskuwa at nakita nila ang lahat ng kanyang ginawa roon.
Nagpunta uli si Hesus sa Cana, Galilea. Doon niya ginawang alak ang tubig. Doon naman sa Capernaum ay may isang mataas na pinuno ng pamahalaan; at may sakit ang kanyang anak na lalaki. Nang mabalitaan niyang bumalik si Hesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya ito. Pinakiusapan niya itong pumunta sa Capernaum at pagalingin ang kanyang anak na naghihingalo. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Hangga’t hindi kayo nakakikita ng mga palatandaan at mga kababalaghan, hindi kayo mananampalataya.” Ngunit sinabi ng pinuno, “Tayo na po, Ginoo, bago mamatay ang aking anak.” Sumagot si Hesus, “Umuwi na kayo; magaling na ang inyong anak.” Naniwala ang lalaki sa salita ni Hesus, at umuwi nga siya. Sa daan pa’y sinalubong na siya ng kanyang mga alipin at sinabing magaling na ang kanyang anak. Tinanong niya sila, “Anong oras siya gumaling?” “Siya po’y inibsan ng lagnat kahapong mag-aala-una ng hapon,” tugon nila. Naalaala ng ama na noong oras na iyon sinabi sa kanya ni Hesus, “Magaling na ang inyong anak.” Kaya’t siya at ang kanyang buong sambahayan ay sumampalataya kay Hesus.
Ito ang pangalawang kababalaghang ginawa ni Hesus sa Galilea pagpunta niya roon buhat sa Judea.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma
Lunes
Dahil sa pagtitiwalang tutugunin ng Diyos Ama nang buong kalugud-lugod ang ating mga kahilingan kung tayo ay mananalangin sa kanya nang may pananampalataya, ilapit natin ngayon sa kanya ang ating mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, pagalingin Mo kami sa pamamagitan ni Jesus.
Ang Simbahan sa buong mundo nawa’y maging isang simbolo ng mapagpagaling na gawain ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang pagkalinga sa mga may karamdaman sa katawan, isip, at kaluluwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga doktor, nars, at iba pang nangangalaga sa mga maysakit nawa’y magpakita ng habag at kabutihan ni Jesus sa pagkalinga sa pinakamaliit ng lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.
Itong Kuwaresma nawa’y maging panahon ng paghilom at pagkakasundo para sa mga pamilya at pamayanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at nagdurusa nawa’y makatanggap ng pagpapaginhawa at pagtataguyod mula sa kanilang pamilya, mga kaibigan, at mga kapitbahay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mahal natin sa buhay na yumao na, ay magtamasa nawa nang walang katapusang gantimpala bunga ng kanilang pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, tulungan mo kaming patuloy na magtiwala sa iyo at sumampalataya sa nakapagpapagaling na kapangyarihan ng iyong Anak na gumagamot sa lahat ng aming mga sugat. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.