1,709 total views
Lunes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
o kaya Paggunita kay Santa Rita ng Cascia, namanata sa Diyos
Mga Gawa 19, 1-8
Salmo 67, 2-3. 4-5ak. 6-7ab
Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.
Juan 16, 29-33
Monday of the Seventh Week of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 19, 1-8
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Samantalang nasa Corinto si Apolos, si Pablo nama’y naglagos sa mga dakong bulubundukin ng lalawigan hanggang dumating sa Efeso. May natagpuan siya roon ilang alagad, at tinanong niya, “Tinanggap ba ninyo ang Espiritu Santo nang sumampalataya kayo?” “Hindi po,” tugon nila. “Ni hindi namin narinig na may Espiritu Santo.” “Kung gayun, sa ano kayo nabinyagan?” tanong niya. “Sa binyag ni Juan,” anila. Sinabi ni Pablo, “Ang binyag ni Juan ay tanda ng pagsisisi. Sinabi niya sa mga Israelita na dapat silang sumampalataya sa darating na kasunod niya, samakatuwid baga’y kay Hesus.” Nang marinig nila ito, sila’y nagpabinyag sa pangalan ng Panginoong Hesus. Ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa kanila. Bumaba sa kanila ang Espiritu Santo at sila’y nagsalita ng iba’t ibang wika at nagpahayag ng salita ng Diyos. Sila’y humigit-kumulang sa labindalawang lalaki.
Sa loob ng tatlong buwan, si Pablo’y pumapasok sa sinagoga at nakikipagtalo sa mga naroon at buong tapang na ipinaliliwanag sa kanila kung ano ang paghahari ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 67, 2-3. 4-5ak. 6-7ab
Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.
o kaya: Aleluya.
O mag-alsa sana ang Diyos, ang kaaway pakalatin,
at ang mga namumuhi’y tumakas sa kanyang piling!
Kung paanong yaong ulap tinatangay noong hangin,
gayun sila itataboy, gayun sila papalisin;
at kung pa’nong yaong pagkit sa apoy ay natutunaw,
sa harap ng Panginoon ang masama ay papanaw.
Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.
Ang lahat ay nagagalak, natutuwa ang matuwid;
sa harapan nitong Diyos, galak nila’y di malirip.
Awitan ang Panginoon, purihin ang kanyang ngalan,
ang pangalan niyang banal, magalak na papurihan.
Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.
Ang Diyos na naroon sa tahanan niyang templo,
tumitingin sa ulila’t sanggalang ng mga balo.
May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot,
ang bilanggo’y hinahango upang sila ay malugod.
Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.
ALELUYA
Colosas 3, 1
Aleluya! Aleluya!
Kayong kay Kristo nabuhay
ay sa langit nakalaan
upang kay Kristo pumisan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 16, 29-33
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ng mga alagad kay Hesus, “Ngayon po’y tuwiran na ang inyong pangungusap sa amin at hindi na patalinghaga! Alam na naming batid ninyo ang lahat ng bagay, at hindi na kailangang tanungin ninuman. Dahil dito, naniniwala kaming kayo’y mula sa Diyos.” Sumagot si Hesus, “Naniniwala na ba kayo ngayon?” Darating ang oras – at ngayon na nga – na magkakawatak-watak kayo, magkakanya-kanyang lakad kayo, at iiwan ninyo ako. Gayunma’y hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. Sinabi ko ito sa inyo upang kayo’y magkaroon ng kapayapaan sa pakikipag-isa sa akin. Mayroon kayong kapighatian dito sa sanlibutan; ngunit laksan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Lunes
Pagkatapos mapagtagumpayan ni Jesus ang mundo, isinugo niya ang Espiritu upang tulungan tayo sa mga hinaharap nating pagsubok at sa ating misyon na magpatotoo sa kanya. Manalangin tayo upang pagkalooban tayo ng lakas at hilingin ang kanyang tulong sa ating mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, loobin Mong makasalo kami sa iyong tagumpay.
Ang mga inuusig nawa’y magkaroon ng lakas ng loob na manindigan sa kanilang paniniwala, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga natutukso nawa’y mapaglabanan ang kanilang kahinaan sa pamamagitan ng biyaya ng Banal na Espiritu, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nag-aalay kay Kristo ng kanilang gawain, propesyon, at negosyo nawa’y makatanggap ng lakas sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin sa Kristiyanong paraan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makaranas ng nakapagpapagaling na haplos ng Banal na Espiritu, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapang tapat sa Panginoon nawa’y magtamasa ng maningning na bukang-liwayway ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Ama, magagawa mo ang lahat ng bagay. Marapatin mong gamitin namin ang iyong kapangyarihan sa lahat ng aming ginagawa para sa iyong ikaluluwalhati. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.