5,394 total views
Paggunita kay Santa Monica
2 Tesalonica 2, 1-3a. 14-17
Salmo 95, 10. 11-12a. 12b-13
Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.
Mateo 23, 23-26
Memorial of St. Monica, Married Woman (White)
Mga Pagbasa mula sa
Martes ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
2 Tesalonica 2, 1-3a. 14-17
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Tungkol naman sa pagparito ng ating Panginoong Hesukristo at sa pagtitipon niya sa atin, ipinamamanhik namin sa inyo, mga kapatid, na huwag kayong magugulat agad o mababahala sa balitang dumating na ang Araw ng Panginoon. Huwag kayong maniniwala kahit sabihin nilang ito’y hula o pahayag, o kaya’y sulat na galing sa amin o sa anumang paraan, huwag kayong padadaya kaninuman.
Tinawag kayo ng Diyos sa pamamagitan ng Mabuting Balitang ipinahayag namin sa inyo upang makasama sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Hesukristo. Kaya nga, mga kapatid, manatili kayong matatag sa mga katotohanang itinuro namin sa inyo, maging sa salita o sa sulat.
Aliwin nawa kayo ng ating Panginoong Hesukristo at ng ating Diyos at Ama na umibig sa atin at sa kanyang habag ay nagbigay sa atin ng walang pagbabagong lakas ng loob at matibay na pag-asa. Bigyan nawa kayo ng matatag na kalooban upang inyong maipahayag at maisagawa ang lahat ng mabuti.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 10. 11-12a. 12b-13
Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.
“Panginoo’y siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
“sanlibuta’y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat ay pantay sa paningin.”
Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.
Lupa’t langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumisigaw.
Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.
Pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.
Ang Poon ay pupurihin, pagkat siya ay daratal,
paririto sa daigdig, upang lahat ay hatulan.
Tapat siya kung humatol at lahat ay pantay-pantay.
Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.
ALELUYA
Hebreo 4, 12
Aleluya! Aleluya!
Buhay ang salita ng D’yos,
ganap nitong natatalos
tanang ating niloloob.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 23, 23-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Ibinibigay ninyo ang ikapu ng gulaying walang halaga ngunit kinaliligtaan ninyong isagawa ang lalong mahahalagang aral sa Kautusan: ang katarungan, ang pagkahabag, at ang katapatan. Tamang gawin ninyo ang mga ito, ngunit huwag naman ninyo kaliligtaang gawin ang iba. Mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang niknik sa inyong inumin, ngunit nilulunok ninyo ang kamelyo!
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan ngunit ang loob nito’y puno ng mga nahuthot ninyo dahil sa kasakiman at pagsasamantala. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang mga nasa loob ng tasa at ng pinggan, at magiging malinis din ang labas nito!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-21 linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Natitipon bilang Bayan ng Diyos, dalhin natin ang ating mga pangangailangan sa Ama at manalig tayo na kanyang pagbibigyan ang ating mga kahilingan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, basbasan Mo ang taos puso naming pananalangin.
Ang Simbahan nawa’y maging gising sa kanyang tungkulin na ipalaganap ang katarungan para sa lahat sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod sa mga dukha, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga opisyal ng gobyerno nawa’y maging tapat sa kanilang pagbibigay ng serbisyo at pagsasakatuparan ng mga programa para sa mga mahihirap at napapabayaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga empleyado at mga manggagawa nawa’y maging magalang at magpakatotoo sa isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga lumisan na sa buhay na ito nawa’y magkaroon ng walang hanggang kaligayahan sa piling ng mga banal sa kalangitan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, palalimin mo ang aming pananampalataya upang umunlad kami sa iyong pag-ibig at lagi kaming maglingkod sa iyo nang may kagandahang-loob at katapatan sa aming puso. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.