2,244 total views
Martes ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Hebreo 2, 5-12
Salmo 8, 2a at 5. 6-7. 8-9
Pinamahala sa Anak
ang ginawa niyang lahat.
Marcos 1, 21b-28
Tuesday of the First Week in Ordinary Time (I) (Green)
UNANG PAGBASA
Hebreo 2, 5-12
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Hindi sa mga anghel ipinailalim ng Diyos ang sanlibutan na noo’y kanyang lilikhain – ang sanlibutang tinutukoy namin. Sa halip ay ganito ang patunay sa isang bahagi ng Kasulatan,
“Ano ang tao upang siya’y iyong alalahanin o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
Sandaling panahong siya’y pinababa mo kaysa mga anghel,
Ngunit pinagkalooban mo siya ng kadakilaan at karangalang marapat sa isang hari,
at ipinailalim mo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”
Nang ipailalim ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao, walang bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay. Subalit alam nating si Hesus, bagamat sandaling panahong pinababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kadakilaan dahil sa kanyang pagkamatay. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, niloob niya na si Hesus ay mamatay para sa ating lahat. Sa pamamagitan ng mga pagtitiis, siya’y pinapaging-ganap ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, upang makapagdala ng marami sa kaluwalhatian. Marapat lamang na gawin niya iyon sapagkat si Hesus ang pinagmumulan ng kanilang kaligtasan.
Si Hesus ang nagpapabanal sa kanila, at iisa ang Ama ng nagpapabanal at ng pinapaging-banal. Kaya’t hindi niya ikinahiyang tawagin silang mga kapatid. Ganito ang kanyang sinabi:
“Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang iyong pangalan,
At aawit ako ng papuri sa iyo sa gitna ng kapulungan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 8, 2a at 5. 6-7. 8-9
Pinamahala sa Anak
ang ginawa niyang lahat.
Ikaw, O Poon, Panginoon namin,
laganap sa lupa ang iyong luningning.
Ano nga ang tao upang ‘yong alalahanin?
ay ano nga siya na sukal mong kalingain?
Pinamahala sa Anak
ang ginawa niyang lahat.
Nilikha mo siya, na halos kapantay
ng iyong luningning at kadakilaan!
Pinamahala mo sa buong daigdig,
sa lahat ng bagay malaki’t maliit.
Pinamahala sa Anak
ang ginawa niyang lahat.
Mga baka’t tupa, hayop na mabangis
at lahat ng ibong nasa himpapawid,
at maging sa isda, sa ilalim ng tubig.
Pinamahala sa Anak
ang ginawa niyang lahat.
ALELUYA
1 Tesalonica 2, 13
Aleluya! Aleluya!
Tanggapin n’yo ang salita
na di sa tao nagmula
kundi sa D’yos na dakila.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 1, 21b-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Sa lungsod ng Capernaum sa Araw ng Pamamahinga, si Hesus ay pumasok sa sinagoga at nagturo. Namangha ang mga tao sapagkat nagturo siya sa kanila na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba.
Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking inaalihan ng masamang espiritu, at sumigaw: “Ano ang pakialam mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita: ikaw ang Banal mula sa Diyos!” Ngunit iniutos ni Hesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!” Pinapangisay ng masamang espiritu ang tao, at sumisigaw na lumabas. Nanggilalas ang lahat, kaya’t sila’y nagtanungan, “Ano ito? Bagong aral? Nauutusan niya pati ang masamang espiritu. At sinunod naman siya!” At mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Sa pamamagitan ng Ebanghelyo, nagsasalita sa atin si Kristo nang may walang hanggang kapangyarihan at mga himala ng pagpapagaling. Sa pamamagitan niya, manalangin tayo nang may matibay na paniniwala:
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos na tunay na makapangyarihan, hipuin Mo kami.
Ang Simbahan nawa’y patuloy na ituro ang katotohanan ni Kristo at labanan ang mga kasamaan sa ating panahon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno sa daigdig nawa’y isulong ang kabutihan sa kani-kanyang gobyerno at maging maalab sa pagbabaklas ng kasamaan sa lipunan na kanilang sinumpaang paglingkuran, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y hindi manghinawa sa ating buhay-pananalangin upang hindi manaig sa ating buhay ang masamang espiritu, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y maging malaya sa kanilang mga pisikal at espiritwal na paghihirap, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y magtamasa ng maliwanag na bukang-liwayway ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, nagbubunyi kami sa yaman ng iyong pag-ibig sa amin. Pakatatagin mo ang iyong kapangyarihan sa amin at samahan mo kami sa landas ng aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.