2,517 total views
Paggunita kay San Antonio, abad
Hebreo 6, 10-20
Salmo 110, 1-2. 4-5. 9 at 10k
Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.
Marcos 2, 23-28
Memorial of St. Anthony, Abbot (White)
Mga Pagbasa mula sa
Martes ng Ika-2 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Hebreo 6, 10-20
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, makatarungan ang Diyos. Hindi niya lilimutin ang inyong ginawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita at hanggang ngayo’y ipinakikita sa paglilingkod ninyo sa inyong mga kapwa Kristiyano. At pinakananais ko na ang bawat isa sa inyo’y patuloy na magsumikap hanggang wakas upang kamtan ninyo ang inyong inaasahan. Kaya’t huwag kayong maging tamad. Tularan ninyo ang mga taong nagtitiis at nananalig sa Diyos at sa gayo’y tumangap ng mga ipinangako niya.
Nang mangako kay Abraham ang Diyos, siya’y nanumpa sa kanyang sariling pangalan yamang wala nang hihigit pa rito na kanyang mapanunumpaan. Sinabi niya, “Ipinangangako ko na lubos kitang pagpapalain, at pararamihin ko ang iyong lipi.” Matiyagang naghintay si Abraham, at kanya ngang nakamtan ang ipinangako sa kanya. Nanunumpa ang mga tao sa ngalan ng isang nakahihigit sa kanila, at sa pamamagitan ng panunumpang ito’y natatapos na ang usapan. Gayon din naman, pinatibayan ng Diyos ang kanyang pangako sa pamamagitan ng panunumpa, upang ipakilala sa kanyang mga pinangakuan na hindi nagbabago ang kanyang panukala. At hindi nagbabago ni nagsisinungaling man ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito — ang kanyang pangako at sumpa. Kaya’t tayong nakatagpo sa kanya ng kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya. Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay. At ito’y umaabot hanggang sa kabila ng tabing sa templong panlangit, sa dakong kabanal-banalan na pinasukan ni Hesus na nangunguna sa atin. Doon, siya’y isang dakilang saserdote magpakailanman, ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 110, 1-2. 4-5. 9 at 10k
Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.
o kaya: Aleluya.
Buong puso siyang pasasalamatan,
aking pupurihin sa gitna ng bayan
kasama ng mga lingkod na hinirang.
Napakadakila ang gawa ng Diyos,
pinananabikan ng lahat ng lingkod.
Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.
Hindi inaalis sa ating gunita,
na siya’y mabuti’t mahabaging lubha.
Sa may pagkatakot pagkai’y sagana;
pangako ng Poon ay hindi nasisira.
Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.
Kaligtasa’y dulot sa mga hinirang,
may ipinangakong walang hanggang tipan;
Banal at dakila ang kanyang pangalan;
At pupurihin pa magpakailanpaman.
Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.
ALELUYA
Efeso 1, 17-18
Aleluya! Aleluya!
D’yos Ama ni Hesukristo,
kami ay liwanagan mo
at tutugon kami sa ‘yo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 2, 23-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan si Hesus at ang kanyang mga alagad sa tabi ng triguhan. Habang daa’y nangingitil ng uhay ang mga alagad, kaya’t sinabi ng mga Pariseo kay Hesus, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Bawal iyan kung Araw ng Pamamahinga!” Sinagot sila ni Hesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong si Abiatar ang pinakapunong saserdote? Nang siya at kanyang mga kasama’y magutom at walang makain, pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog ng Diyos. Ayon sa Kautusan, ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyon, ngunit kinain iyon ni David, at binigyan pa ang kanyang mga kasama.” Sinabi pa ni Hesus, “Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa kabutihan ng tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga. Kaya’t maging ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Manalangin tayo sa Diyos Ama na tinawag tayong maging kanyang malalayang mga anak sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Jesu-Kristo.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng Araw ng Pangilin, basbasan Mo kami.
Ang lahat ng mga Kristiyano nawa’y ituring ang mga utos ng Diyos bilang pinto sa kalayaan mula sa pagkakasala at bilang paraan ng paglilingkod sa Diyos at sa kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng mga mambabatas nawa’y gumawa ng mga makataong batas na maglilingkod para sa ikabubuti ng lahat, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang batas nawa’y huwag nating ilagay nang higit pa sa ating pagkatao bagkus unahin ang pagpapatupad ng dakilang utos na magmahalan tayo, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga nababahala sa kanilang karamdaman nawa’y makatagpo sila ng kaginhawahan at lakas sa mga taong nagmamahal at kumakalinga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga yumao nawa’y tanggapin ang walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, nawa’y maging paanyaya sa amin ang bawat batas mo upang mahalin at paglingkuran ang aming kapwa at upang sila ay unawain, igalang, gabayan at maging amin ring gabay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.