7,619 total views
Martes ng Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
2 Samuel 6, 12b-15. 17-19
Salmo 23, 7. 8. 9. 10
Sino ang haring dakila?
Siya’y ang D’yos na lumikha.
Marcos 3, 31-35
Tuesday of the Third Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
2 Samuel 6, 12b-15. 17-19
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, kinuha ni David ang Kaban ng Diyos at dinala sa Jerusalem. Hindi pa man nakalalayo, nakakaanim na hakbang pa lamang ang mga may dala ng kaban, pinahinto na sila ni David at naghandog sila ng isang toro at isang pinatabang tupa. Isinuot ni David ang isang linong efod at nagsayaw sa harapan ng Panginoon. Habang lumalakad ang mga Israelita, nagsisigawan sila sa tuwa at hinihipan ang mga trumpeta.
Ipinasok nila sa tolda ang Kaban ng Panginoon at inilagay sa lugar na nakalaan dito. Si David nama’y muling nagsunog ng mga handog sa harapan ng Panginoon. Pagkatapos, binasbasan niya ang mga tao sa ngalan ng Panginoon. Bago nagsiuwi, lahat ng mga Israelita ay pinakain ng tinapay, karne at pasas.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 7. 8. 9. 10
Sino ang haring dakila?
Siya’y ang D’yos na lumikha.
Ang pintuang luma ay buksan nang lubos,
ang dakilang hari ay doon papasok.
Sino ang haring dakila?
Siya’y ang D’yos na lumikha.
Siya ang Poon, dakilang talaga;
saanmang labanan tagumpay ay kanya.
Sino ang haring dakila?
Siya’y ang D’yos na lumikha.
Ang pintuang luma ay buksan nang lubos,
ang dakilang hari ay doon papasok.
Sino ang haring dakila?
Siya’y ang D’yos na lumikha.
Ang dakilang hari’y sino bang talaga?
Makapangyarihang Diyos at hari siya!
Sino ang haring dakila?
Siya’y ang D’yos na lumikha.
ALELUYA
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 3, 31-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, dumating ang ina at mga kapatid ni Hesus. Sila’y nasa labas ng bahay at ipinatawag siya. Noon nama’y maraming taong nakaupo sa palibot ni Hesus, at may nagsabi sa kanya, “Nariyan po sa labas ang inyong ina at mga kapatid; ipinatatawag kayo.” “Sino ang aking ina at mga kapatid?” ani Hesus. Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot niya at nagwika: “Ito ang aking ina at mga kapatid! Sapagkat ang sinumang tumatalima sa kalooban ng Diyos; ay siya kong ina at mga kapatid.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Ang mensahe ng kaligtasan ni Jesus at ng kanyang buhay ang ating pamantayan ng paghahanap sa kalooban ng Diyos. Manalangin tayo sa ating Diyos Ama upang tumalima at mamuhay tayo sa kanyang mga aral.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Gawin Mo kaming mga lingkod ng Iyong kalooban.
Ang Simbahan nawa’y mamuhay sa diwa ng Ebanghelyo at laging hanapin ang kalooban ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating pananampalataya nawa’y mapalalim natin sa pamamagitan ng ating paglilingkod sa mga dukha, may kapansanan, at mga mahihina, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat nawa’y maging mga tunay na miyembro ng pamilya ng Diyos sa pagiging tapat sa kalooban ng Amang nasa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang Salita ng Diyos nawa’y gawin nating buhay sa pamamagitan ng pagsasabuhay nito sa lahat ng pagkakataon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namatay nawa’y makatanggap ng walang hanggang liwanag at walang hanggang kapahingahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon, gawin mo kaming karapat-dapat na maging bahagi ng iyong pamilya sa pamamagitan ng aming buhay pananampalataya na ipinahayag ng aming mabubuting gawain. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.