8,389 total views
Martes ng Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
2 Samuel 18, 9-10. 14b. 24-25a. 30 – 19, 3
Salmo 85, 1-2. 3-4. 5-6
Poon, sa aking dalangin
ako sana’y iyong dinggin.
Marcos 5, 21-43
Tuesday of the Fourth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
2 Samuel 18, 9-10. 14b. 24-25a. 30 – 19, 3
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, natagpuan ng ilang kawal ni David si Absalom. Nakita nila itong nakasakay sa mola, at pagdaraan sa ilalim ng isang malaking puno ng encina, nasabit ang ulo nito sa mga sanga. Siya’y napabitin at naiwan ng mola. Isa sa mga nakakita nito ang nagsabi kay Joab, “Nakita ko si Absalom na nakabitin sa puno ng encina.”
Pumili si Joab ng tatlong sibat at isa-isang itinusok sa dibdib ni Absalom na noo’y buhay pang nakabitin sa puno.
Nakaupo noon si David sa pagitan ng pintuang panlabas at pintuang panloob ng lungsod. Umakyat naman sa bantayan ng muog ang isang taliba. Pagtanaw niya’y may nakita siyang isang lalaking tumatakbong palapit. Tinawag niya ang pansin ng hari tungkol sa kanyang nakita. Wika ng hari, “Kung nag-iisa, pihong may dalang mabuting balita.”
Sinabi sa kanya ng hari, “Diyan ka muna tumayo sa isang tabi,” at gayun nga ang ginawa ni Ahimaaz.
Dumating naman ang Cusita at ganito ang sabi, “Mabuting balita, inyong kamahalan! Ngayong araw na ito’y iniligtas kayo ng Panginoon sa lahat ng maghimagsik laban sa inyo.”
“Kumusta si Absalom? tanong ng hari.
“Sana’y sapitin ng lahat ng kaaway ng hari at lahat ng naghahangad manakit sa inyo ang sinapit ni Absalom!”
Sa balitang ito’y naghinagpis ang hari. Umakyat siya sa isang silid sa itaas ng pintuan ng lungsod at nanangis nang gayun na lamang. Wika niya, “Absalom! Absalom, anak ko! Bakit kaya hindi pa ako, sa halip na ikaw ang namatay?”
May nagbalita kay Joab na ang hari’y nananangis at nagluluksa sa pagkamatay ni Absalom, kaya’t nauwi sa pagluluksa ang tagumpay ng hukbo. Nabalitaan ng mga tao na labis na dinamdam ng hari ang nangyari sa kanyang anak, kaya’t lihim silang pumasok sa lungsod, para silang mga kawal na nahihiyang pakita sa madla dahil sa pagkatalo sa labanan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 85, 1-2. 3-4. 5-6
Poon, sa aking dalangin
ako sana’y iyong dinggin.
Sa aking dalangin, ako’y iyong dinggin,
tugunin mo, Poon, ang aking pagdaing;
ako’y mahina na’t wala nang tumingin.
Yamang ako’y tapat, ingatan ang buhay,
lingkod mo’y iligtas sa kapahamakan
pagkat may tiwala sa ‘yo kailanman.
Poon, sa aking dalangin
ako sana’y iyong dinggin.
Ikaw ang aking Diyos, ako’y kahabagan,
sa buong maghapo’y siyang tinatawagan.
Poon, ang lingkod mo’y dulutan ng galak,
sapagkat sa iyo ako tumatawag.
Poon, sa aking dalangin
ako sana’y iyong dinggin.
Mapagpatawad ka at napakabuti;
sa dumadalangin at sa nagsisisi,
ang iyong pag-ibig ay mananatili.
Pakinggan mo, Poon, ang aking dalangin,
tulungan mo ako, ako’y iyong dinggin.
Poon, sa aking dalangin
ako sana’y iyong dinggin.
ALELUYA
Mateo 8, 17
Aleluya! Aleluya!
Inako ni Hesukristo
ang sakit ng mga tao
upang matubos n’ya tayo!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 5, 21-43
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, muling tumawid si Hesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, nakasakay sa bangka. Nasa baybay pa siya ng lawa ay pinagkalipumpunan na siya ng maraming tao. Dumating ang isang lalaking nagngangalang Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga. Pagkakita kay Hesus, siya’y nagpatirapa sa kanyang paanan, at ang samo: “Agaw-buhay po ang anak kong dalagita. Kung maaari, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya’y gumaling at mabuhay!” Sumama naman si Hesus. At sinundan siya ng napakaraming taong nagsisiksikan, anupa’t halos maipit na siya.
May isang babae roon na labindalawang taon nang dinudugo, at lubhang nahihirapan. Marami nang manggagamot ang tumingin sa kanya, at naubos na sa kapapagamot ang kanyang ari-arian, ngunit hindi siya napabuti kahit kaunti bagkus ay lalong lumubha. Narinig niya ang sinasabi ng mga tao tungkol kay Hesus, kaya’t nakipagsiksikan siya hanggang sa makalapit sa likuran ni Hesus. At hinipo niya ang damit nito. Sapagkat sinabi niya sa sarili, “Mahipo ko lang ang kanyang damit ay gagaling na ako.” Biglang tumigil ang kanyang pagdudugo at naramdaman niyang magaling na siya. Naramdaman naman ni Hesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya’t bumaling siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humipo sa akin?” Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong nagsisiksikan ang napakaraming tao, bakit itinatanong ninyo kung sino ang humipo sa inyo?” Subalit patuloy na luminga-linga si Hesus, hinahanap ang humipo sa kanya. Palibhasa’y alam ng babae ang nangyari, siya’y nanginginig sa takot na lumapit kay Hesus, nagpatirapa, at ipinagtapat ang buong katotohanan. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Anak pinagaling ka ng iyong pananalig sa akin. Umuwi ka na’t ipanatag mo ang iyong kalooban. Lubusan ka nang magaling sa iyong karamdaman.”
Samantalang nagsasalita pa si Hesus, may ilang dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang anak ninyo,” sabi nila. “Bakit pa ninyo aabalahin ang Guro?” Hindi pinansin ni Hesus ang kanilang sinabi, sa halip ay sinabi sa tagapamahala, “Huwag kang mabagabag, manalig ka.” At wala siyang isinama kundi si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. Nang dumating sila sa bahay ng tagapamahala, nakita ni Hesus na gulung-gulo ang mga tao; may mga nananangis pa at nananaghoy. Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nananangis? Hindi patay ang bata; natutulog lamang!” Ngunit pinagtawanan siya ng mga tao. Pinalabas niya ang lahat, maliban sa ama’t ina ng bata at sa tatlong alagad, at sila’y pumasok sa kinaroroonan ng bata. Hinawakan niya ito sa kamay at sinabi, “Talita kumi,” na ang ibig sabihi’y “Ineng, sinasabi ko sa iyo, magbangon ka!” Pagdaka’y bumangon ang bata at lumakad. Siya’y labindalawang taon na. At namangha ang lahat. Mahigpit na ipinagbilin ni Hesus na huwag ipaalam ito kaninuman; at iniutos niyang bigyan ng pagkain ang bata.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Kalakip ang buong pananalig habang nananalangin tayo nang may pananampalataya sa Diyos Ama na tutugunin niya ang ating mga mithiin nang may nag-uumapaw na kabutihang-loob, iluhog natin sa kanya ang ating mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng buhay, akayin Mo kami.
Ang Simbahang Katolika sa buong daigdig nawa’y maging simbolo ng nagpapagaling na gawain ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang pag-aaruga sa mga may karamdaman sa pangangatawan, isip, at diwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat nawa’y makilahok at makiisa sa mga nagnanais na mapanatili ang kalusugan at kalinisan ng ating kapaligiran, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga doktor at mga nars, at yaong mga nag-aalaga ng mga maysakit nawa’y maipakita nila ang habag at kahinahunan ni Kristo sa pangangalaga lalo na sa mga maliliit nating mga kapatid, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang siyensya sa panggagamot nawa’y dagling makatagpo ng lunas sa mga di-karaniwang karamdaman na nagiging hadlang sa mga nagdurusa nito upang magkaroon sila ng isang ganap at aktibong pamumuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagluluksa sa kamatayan ng kanilang anak nawa’y makatagpo ng kasiyahan sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa habag ng aming mananakop, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, tulungan mo kami na patuloy na manalig sa iyo at sumampalataya sa nagpapagaling na kapangyarihan ng iyong Anak na siyang naghihilom ng aming mga sugat sa buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.