3,276 total views
Martes ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Amos 3, 1-8; 4, 11-12
Salmo 5, 5-6. 7. 8
Poon, ako’y pangunahan
nang landas mo’y aking sundan.
Mateo 8, 23-27
Tuesday of the Thirteenth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Amos 3, 1-8; 4, 11-12
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Amos
Pakinggan ninyo, mga taga-Israel, itong sinabi ng Panginoon: “Pinatnubayan kong palabas sa Egipto ang inyong lahi. Sa lahat ng bansa sa ibabaw ng lupa, kayo lamang ang aking itinangi at inalagaan. Kaya’t parurusahan ko kayo dahil sa inyong mga kasalanan.”
Maaari bang magsama sa paglalakbay ang dalawang tao kung di muna sila magtipan?
Uungal ba ang leon sa kagubatan malibang makatagpo siya ng biktima?
Aatungal ba ang batang leon sa loob ng yungib kung wala siyang nahuling anuman?
Mabibitag ba ang isang ibon kung walang pain?
Iigkas ba ang bitag kung walang huli?
Maaari bang di sakmalin ng takot ang mga mamamayan kapag hinipan ng bantay-lungsod ang trumpeta?
Mangyayari ba sa isang lungsod ang isang kahindik-hindik na bagay malibang ito’y itulot ng Panginoon?
Tunay na ang Panginoon ay di gumagawa ng anumang bagay na di ipinababatid ang kanyang balak sa kanyang mga lingkod na mga propeta.
Pag ungal ng leon, maaari bang hindi ka matakot?
Kapag nagsalita ang Panginoon, mapipigilan mo bang ipahayag ang kanyang sinabi?
“Pinuksa ko ang ilan sa inyong lungsod tulad ng aking ginawa sa Sodoma at Gomorra. Kayo’y parang nagdiringas na kahoy na inagaw sa apoy. Ngunit ayaw pa rin kayong manumbalik sa akin,” sumbat pa ng Panginoon. “Kaya, mga taga-Israel, humanda kayo sa di mapipigil na paghuhukom ng inyong Diyos!”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 5, 5-6. 7. 8
Poon, ako’y pangunahan
nang landas mo’y aking sundan.
Ang gawang masama’y di mo kalulugdan,
ang gawaing hidwa’y di mo papayagan;
ang mga palalo’t masasamang asal,
iyong itatakwil at kasusuklaman.
Poon, ako’y pangunahan
nang landas mo’y aking sundan.
Parurusahan mo yaong sinungaling,
pati mararahas at ang mga taksil.
Poon, ako’y pangunahan
nang landas mo’y aking sundan.
Dahilan sa iyong tanging pagmamahal,
ako ay dudulog sa iyong tahanan;
sasambahin kita sa templo mong banal,
bilang isang tanda ng aking paggalang.
Poon, ako’y pangunahan
nang landas mo’y aking sundan.
ALELUYA
Salmo 129, 5
Aleluya! Aleluya!
Poon, ikaw ang pag-asa,
ang Salita mo’y ligaya,
pag-asa ko sa tuwina.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 8, 23-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sumakay si Hesus sa bangka, kasama ang kanyang mga alagad. Bumugso sa lawa ang isang malakas na unos at halos matabunan ng mga alon ang bangka. Ngunit natutulog noon si Hesus. Kaya’t nilapitan siya ng mga alagad at ginising. “Panginoon, tulungan ninyo kami!” sabi nila. “Lulubog tayo!” At sinabi niya sa kanila, “Ano’t kayo’y natatakot? Napakaliit naman ng pananalig ninyo!” Bumangon siya, sinaway ang hangin at ang dagat, at tumahimik ang mga ito. Namangha silang lahat at ang sabi, “Anong tao ito? Kahit ang hangin at ang dagat ay tumatalima sa kanya!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Sumusunod sa Anak ng Diyos maging ang hangin at alon. Mulat sa katotohanang ito, manalangin tayo nang may pananalig para sa katahimikan ng napakagulong mundo.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, ipagkaloob Mo sa amin ang Iyong kapayapaan.
Ang Simbahan, sa pamamagitan ng kanyang mga miyembro, nawa’y maging malakas sa pananampalataya higit sa lahat sa kanilang pagharap sa mga paghihirap at pagsubok sa ating panahon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naglalakbay sa karagatan, ang mga mandaragat, mga mangingisda, at yaong mga taong sa dagat nagmumula ang ikinabubuhay nawa’y makadama ng kasiguruhan at kaligtasan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nanghihina sa kanilang pananampalataya nawa’y mapatatag sa pamamagitan ng tulong at suporta ng kanilang mga kaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga may kapansanan at mga nagdurusa sa matagal na karamdaman nawa’y makatagpo ng kapayapaan kay Kristong may kapangyarihang magpagaling, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makadama ng walang hanggang kapayapaan kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama sa Langit, patatagin nawa kami ng mga pagsubok at suliranin ng buhay na puno ng unos, at magdulot nawa ito ng kapayapaan sa aming mga kaluluwa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.