2,023 total views
Martes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 20, 17-27
Salmo 67, 10-11. 20-21
Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.
Juan 17, 1-11a
Tuesday of the Seventh Week of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 20, 17-27
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, mula sa Mileto, si Pablo’y nagpasugo sa Efeso at ipinatawag ang matatanda sa simbahan roon. Pagdating nila ay kanyang sinabi:
“Nalalaman ninyo kung paano ko ginugol ang buong panahong ipinamalagi ko sa inyo, mula nang unang araw na ako’y tumuntong sa Asia. Buong pagpapakumbaba akong naglingkod sa Panginoon at lumuluhang nagtiis ng maraming pagsubok dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio. Hindi ako nangiming magsabi sa inyo ng anumang ikabubuti ninyo sa aking pagtuturo at pangangaral sa inyo, maging sa hayagan at sa bahay-bahay. Ipinangaral ko maging sa mga Judio at sa mga Griego na dapat nilang talikdan ang kanilang kasalanan at manumbalik sa Diyos, at manalig sa ating Panginoong Hesukristo. Ngayon sa utos ng Espiritu, ako’y pupunta sa Jerusalem, at hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. Ito lamang ang aking alam: sa bawat bayang dinalaw ko, ipinahayag sa akin ng Espiritu Santo na ang naghihintay sa akin doo’y pagkabilanggo at kapighatian. Subalit walang halaga sa akin ang aking buhay, maganap ko lamang ang aking tungkulin at matapos ang gawaing ibinigay sa akin ng Panginoong Hesus — ang pagpapahayag ng Mabuting Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos.”
“Nakisalamuha ako sa inyo samantalang nangangaral ako tungkol sa paghahari ng Diyos. Ngayon, alam kong hindi na ninyo ako makikitang muli. Kaya’t sa araw na ito’y sinasabi ko: hindi ako ang mananagot kung mapahamak ang sinuman sa inyo. Sapagkat ipinahayag ko ang lahat ng nilalayon ng Diyos para sa inyo; wala akong inilingid na anuman.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 67, 10-11. 20-21
Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.
o kaya: Aleluya.
Dahil sa ’yo, yaong ulang masagana ay pumatak,
lupain mong natuyo na’y nanariwa at umunlad.
At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,
ang mahirap nilang buhay sa biyaya ay pinuspos.
Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.
Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas
at may dala araw-araw, ng pasanin nating hawak.
Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas,
ang Diyos ang Panginoon, Panginoon nating lahat!
Sa bingit ng kamataya’y hinahango tayo agad.
Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.
ALELUYA
Juan 14, 16
Aleluya! Aleluya!
Hihilingin ko sa Ama
Espiritu’y isugo n’ya
upang sumainyo t’wina.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 17, 1-11a
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, tumingala si Hesus sa langit at ang wika, “Ama, dumating na ang oras: parangalan mo ang iyong Anak upang maparangalan ka naman niya. Sapagkat pinagkalooban mo siya ng kapangyarihan sa sangkatauhan, upang magbigay ng buhay na walang hanggang sa lahat ng ibinigay mo sa kanya. Ito ang buhay na walang hanggan: ang kilalanin ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at si Hesukristo na iyong sinugo. Inihayag ko rito sa lupa ang iyong karangalan; natapos ko na ang ipinagagawa mo sa akin. Kaya, Ama, ipagkaloob mo sa akin ngayon ang karangalang taglay ko sa piling mo bago pa likhain ang sanlibutan.”
“Ipinakilala kita sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila’y iyo; ibinigay mo sila sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. Ngayo’y alam na nilang mula sa iyo ang lahat ng ibinigay mo sa akin; sapagkat itinuro ko sa kanila ang lahat ng aking nabatid sa iyo at tinanggap naman nila. Natitiyak nilang ako’y galing sa iyo, at naniniwala silang ikaw nga ang nagsugo sa akin.”
“Idinadalangin ko sila, hindi ang sanlibutan kundi ang lahat ng ibinigay mo sa akin, sapagkat sila’y iyo. Ang lahat ng sa akin ay iyo, at ang lahat ng iyo ay akin; at pararangalan ako sa pamamagitan nila. At ngayon, ako’y pupunta na sa iyo; aalis na ako sa sanlibutan, ngunit nasa sanlibutan pa sila.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Martes
Hinulaan ni Kristo na ating Panginoon ang kanyang mapanligtas na Kamatayan at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan niya, ang Nagdurusang Lingkod, ilapit natin ang ating mga kahilingan sa Ama ng awa.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, magningning nawa sa amin ang iyong kaluwalhatian.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y ipakita sa atin ang isang malinaw na larawan ng matiyagang pagtitiis sa gitna ng kaguluhan ng ating panahon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga bansa nawa’y makilala ang nag-iisang tunay na Diyos at si Jesu-kristo na kanyang isinugo, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magsikap at manalangin para sa pagkakaisa ng lahat ng naniniwala kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y iugnay ang kanilang mga paghihirap sa pagpapakasakit ni Kristo sa krus, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naunang lumisan sa buhay na ito nawa’y makatanggap ng walang hanggang gantimpalang ipinangako sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, niluwalhati mo ang iyong Anak, at luluwalhatiin kami sa kanya. Tanggapin mo ang aming mga panalangin dahil kami ay sa iyo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.