3,868 total views
Paggunita kay Santa Teresa ng Avila, dalaga at pantas ng Simbahan
Galacia 5, 1-6
Salmo 118, 41. 43. 44. 45. 47. 48
Ipahayag mo sa akin
ang pag-ibig mong magiliw.
Lucas 11, 37-41
Memorial of St. Teresa of Jesus, Virgin and Doctor of the Church (White)
Mga Pagbasa mula sa
Martes ng Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
Galacia 5, 1-6
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia
Mga kapatid, pinalaya tayo ni Kristo upang manatiling malaya. Magpakatatag nga kayo, at huwag nang paaalipin uli!
Akong si Pablo ang nagsasabi sa inyo: kapag napatuli kayo, pinawawalang-kabuluhan ninyo si Kristo. Sinasabi ko sa inyo at sa sinumang napatutuli: kailangang sundin niya ang buong Kautusan. Ang nagsisikap na maging matuwid sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan ay napahiwalay na kay Kristo at wala nang karapatan sa habag ng Diyos. Ngunit umaasa kami na sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ay aariin kaming matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa mga nakipag-isa kay Kristo Hesus, wala nang halaga ang pagtutuli o di pagtutuli. Ang mahalaga’y ang pananampalatayang nakikita sa gawang udyok ng pag-ibig.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 41. 43. 44. 45. 47. 48
Ipahayag mo sa akin
ang pag-ibig mong magiliw.
Ang dakilang pag-ibig mo sa akin ay ipahayag,
at ayon sa pangako mo, Poon, ako ay iligtas.
Ipahayag mo sa akin
ang pag-ibig mong magiliw.
Tulungan mong ihayag ko yaong tunay na balita,
yamang sa ‘yong kahatulan lubos akong may tiwala.
Ipahayag mo sa akin
ang pag-ibig mong magiliw.
Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
susundin ko ang utos mo habang ako’y nabubuhay.
Ipahayag mo sa akin
ang pag-ibig mong magiliw.
Ako nama’y mamumuhay nang payapa at malaya,
yamang ako sa utos mo’y sumusunod namang kusa.
Ipahayag mo sa akin
ang pag-ibig mong magiliw.
Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,
di masayod ang galak ko, pagkat aking iniibig.
Ipahayag mo sa akin
ang pag-ibig mong magiliw.
Mahal ko ang iyong utos, yao’y aking igagalang.
Sa aral mo at tuntunin ako’y magbubulay-bulay.
Ipahayag mo sa akin
ang pag-ibig mong magiliw.
ALELUYA
Hebreo 4, 12
Aleluya! Aleluya!
Buhay ang salita ng D’yos,
ganap nitong natatalos
tanang ating niloloob.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 37-41
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, pagkatapos magsalita ni Hesus, siya’y inanyayahan ng isang Pariseo upang kumain, kaya’t pumunta siya sa bahay nito. Pagdulog sa hapag, nagtaka ang Pariseo nang makita niyang kumain si Hesus nang hindi muna naghugas ng kamay. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Pariseo, hinuhugasan ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan, ngunit ang loob ninyo’y punong-puno ng kasakiman at kasamaan. Mga hangal! Hindi ba’t ang may likha ng labas ang siya ring may likha ng loob? Ngunit ipamahagi muna ninyo sa mga dukha ang mga laman ng mga sisidlan at magiging malinis ang lahat ng bagay para sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Mulat sa ating pagiging hindi karapat-dapat, itinataas natin ang ating mga isip at puso sa Diyos Ama at inilalahad natin sa kanya ang ating mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, ibigay mo sa amin ang iyong espiritu.
Ang Simbahan, lalo na ang kanyang mga pinuno, nawa’y isapuso ang gawain ng pagbabago at pagbabalik-loob, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga opisyal ng gobyerno nawa’y magpakita ng tunay na malasakit para sa katarungan, dangal, at pagkakaisa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagtatrabaho sa media nawa’y akayin ang mga tao sa katotohanan at isulong ang pinahahalagahan ng Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng pag-asa, kagalingan, lakas, at kasiyahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y bigyang gantimpala ng Panginoon sa kanilang tapat na paglilingkod ng walang hanggang kaligayahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, tulungan mo kaming ibigin at paglingkuran ka sa espiritu at katotohanan sa pamamagitan ni Kristo ang aming Daan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.