7,686 total views
Martes ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Corinto 6, 1-11
Salmo 149, 1-2. 3-4. 5 at 6a at 9b
Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.
Lucas 6, 12-19
Tuesday of the Twenty-third Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
1 Corinto 6, 1-11
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, kung minsan, ang isa sa inyo’y may reklamo laban sa kanyang kapatid. Magsasakdal ba siya sa mga hukom na pagano, sa halip na ipaubaya sa mga hinirang ng Diyos ang pag-aayos ng usapin nila? Hindi ba ninyo alam na ang mga hinirang ng Diyos ang hahatol sa sanlibutan? At kung kayo ang hahatol sa sanlibutan, hindi ba ninyo kayang hatulan ang ganyan kaliit na bagay? Di ba ninyo alam na tayo ang hahatol sa mga anghel? Gaano pa ang mga bagay na may kinalaman sa buhay na ito! Kung kayo’y may usapin, idudulog pa ba ninyo ito sa mga taong di kinikilala ng simbahan? Mahiya-hiya naman kayo! Wala na ba sa inyong marunong mag-ayos sa sigalutan ng magkakapatid? Ano’t nagsasakdal pa kayo sa hukuman, kapatid laban sa kapatid, at sa harapan pa ng mga taong walang pananampalataya?
Ang pagkakaroon ninyo ng usapin laban sa isa’t isa ay isa nang kabiguan sa inyong pagkakapatiran. Hindi ba mas mabuting tiisin na lamang ninyo ang pang-aapi, at palampasin ang pandaraya sa inyo? Subalit kayo pa ang nang-aapi at nandaraya – at sa inyong mga kapatid pa naman! Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag ninyong dayain ang inyong sarili! Ang mga nakikiapid, sumasamba sa diyus-diyusan, nangangalunya, nakikiapid sa kapwa lalaki o kapwa babae, ang mga magnanakaw, masasakim, mapaglasing, mapanlait, o magdaraya – ang ganyang mga tao’y walang bahagi sa kaharian ng Diyos. Ganyan ang ilan sa inyo noon. Subalit kayo’y nilinis na sa inyong mga kasalanan at itinalaga na kayo sa Diyos. Kayo’y pinawalang-sala na sa pangalan ng Panginoong Hesukristo at ng Espiritu ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 149, 1-2. 3-4. 5 at 6a at 9b
Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.
o kaya: Aleluya.
Ang Panginoo’y purihin, awitan ng bagong awit,
paruhin sa pagtitipon ng tapat sa pananalig.
Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha;
dahilan sa iyong hari, ikaw Sion ay matuwa.
Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.
Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan;
alpat’ tambol ay tugtugin at siya ay papurihan.
Panginoo’y nagagalak sa kanyang mga hirang.
Sa nangagpapakumbaba’y tagumpay ang ibibigay.
Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.
Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang.
Sa kanilang pagpipista ay magsaya’t mag-awitan.
Sa pagpuri sa Panginoon, ay bayaang magsigawan.
Ang tatanggap ng tagumpay, ay ang kanyang mga hirang.
Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.
ALELUYA
Juan 15, 16
Aleluya! Aleluya!
Hinirang tayo ni Kristo
upang mamungang totoo
bilang mabubuting tao.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 6, 12-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, umahon si Hesus sa isang burol at magdamag doong nanalangin. Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad, at pumili siya ng Labindalawa sa kanila, na tinawag niyang mga apostol: si Simon na pinangalanan niyang Pedro, at si Andres na kanyang kapatid; sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, at Santiago na anak ni Alfeo, si Simon ang Makabayan; si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote, na naging taksil.
Bumaba si Hesus, kasama sila, at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa kanyang mga alagad at ang napakaraming tao buhat sa Judea at Jerusalem, at sa mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. Pumaroon sila upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling din niya ang mga pinahihirapan ng masasamang espiritu. At sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya sapagkat may taglay siyang kapangyarihang makapagpagaling ng lahat.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Tinatawag tayo ng Diyos bilang kanyang hinirang upang sundin ang kanyang kalooban. Manalangin tayo nang may pananalig sa Diyos na nagnanais na ang kanyang bayan ay mamagitan para sa sandaigdigan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, pakinggan Mo kami kay Kristo.
Ang Simbahan, sa pamamagitan ng Santo Papa at ng mga obispo, nawa’y umakay sa atin sa kaganapan ng buhay Kristiyano, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mambabatas nawa’y gabayan ang ating bayan para sa kasiguruhan ng kinabukasan at kaunlaran ng ating bayan, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magsumikap at maging tapat sa ating bokasyon na itinakda ng Diyos para gampanan natin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga matatanda, maysakit, at nalulumbay nawa’y matagpuan ang presensya ng Diyos sa kanilang mga pagsubok at paghihirap, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y mamahinga sa kapayapaan ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Diyos, narito kaming nananalangin upang gawin ang kalooban mo. Tanggapin mo nawa kami sa pamamagitan ng iyong bugtong na Anak, siya na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen.