Martes, Setyembre 2, 2025

SHARE THE TRUTH

 2,260 total views

Martes ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

1 Tesalonica 5, 1-6. 9-11
Salmo 26, 1. 4. 13-14

Makikita ang Maykapal
sa kanyang lupang hinirang.

Lucas 4, 31-37

Tuesday of the Twenty-second Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Tesalonica 5, 1-6. 9-11

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo
sa mga taga-Tesalonica

Mga kapatid, hindi na kailangang isulat ko pa sa inyo kung kailan magaganap ang mga bagay na ito, sapagkat alam na ninyong ang pagdating ng Araw ng Panginoon ay tulad sa pagdating ng magnanakaw. Kapag sinasabi ng mga tao, “Tiwasay at panatag ang lahat,” biglang darating ang kapahamakan. Hindi sila makaiiwas sapagkat ang pagdating nito’y tulad ng pagsumpong ng pagdaramdam ng babaing manganganak. Ngunit hindi kayo nabubuhay sa kadiliman, mga kapatid, kaya’t hindi kayo mabibigla sa Araw na yaon na darating na parang magnanakaw. Kayong lahat ay kabilang sa panig ng kaliwanagan — sa panig ng araw — hindi sa panig ng kadiliman o ng gabi. Kaya nga, kailangang tayo’y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip — di tulad ng iba. Tinawag tayo ng Diyos hindi upang parusahan, kundi upang iligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesukristo. Namatay siya para sa atin upang tayo’y mabuhay na kasama niya, buhay man tayo o patay sa kanyang muling pagparito. Dahil dito, patuloy kayong magpa-alalahanan at magtulungan, tulad ng ginagawa ninyo ngayon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 26, 1. 4. 13-14

Makikita ang Maykapal
sa kanyang lupang hinirang.

Tanglaw ko’y ang Poon, aking kaligtasan,
kaya walang takot ako kaninuman;
sa mga panganib kanyang iingatan,
kaya naman ako’y walang agam-agam.

Makikita ang Maykapal
sa kanyang lupang hinirang.

Isang bagay lamang ang aking mithiin,
isang bagay itong sa Poon hiniling:
ang ako’y lumagi sa banal na templo
upang kagandahan niya’y mamasdan ko
at yaong patnubauy niya ay matamo.

Makikita ang Maykapal
sa kanyang lupang hinirang.

Ako’y nananalig na bago mamatay
masasaksihan ko ang ‘yong kabutihan
na igagawad mo sa mga hinirang.
Sa Panginoong Diyos tayo’y magtiwala!
Ating patatagin ang paniniwala;
tayo ay umasa sa kanyang kalinga!

Makikita ang Maykapal
sa kanyang lupang hinirang.

ALELUYA
Lucas 7, 16

Aleluya! Aleluya!
Narito at dumating na
isang dakilang propeta
sugo ng Diyos sa bayan n’ya
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 4, 31-37

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nagpunta si Hesus sa Capernaum, Galilea. Nagturo siya sa mga tao nang Araw ng Pamamahinga at nagtaka sila sa kanyang pagtuturo, sapagkat may kapangyarihan kung siya’y magsalita. Naroon sa sinagoga ang isang lalaking inaalihan ng demonyo o isang masamang espiritu. Sumigaw siya nang malakas: “Ano ang pakialam mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Alam ko kung sino ka ikaw ang Banal ng Diyos.” Subalit pinagwikaan siya ni Hesus, “Tumahimik ka! Lumayas ka sa taong iyan!” At sa harapan ng lahat, ang tao’y inilugmok ng demonyo at iniwan nang hindi man lamang sinaktan. Nanggilalas silang lahat at nagsabi sa isa’t isa, “Anong uri ng pangungusap ito? Makapangyarihan at mabisa! Pinalalayas niya ang masasamang espiritu, at sumusunod naman sila!” At kumalat ang balita tungkol kay Hesus sa buong lupaing iyon.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes

Sa pamamagitan ng Ebanghelyo nagsasalita si Kristo sa atin ng mga wikang may walang hanggang kapangyarihan at mga gawang mapaghimalang nakapagpapagaling. Sa pamamagitan niya, manalangin tayo nang may pananalig.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Iisang banal ng Diyos, basbasan mo kami.

Ang Simbahan nawa’y patuloy na ituro ang katotohanan ni Kristo at tuligsain ang mga kasamaan sa ating panahon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno ng mundo nawa’y itaguyod ang kabutihan sa kani-kanilang gobyerno at maging masidhi sila sa pagpuksa ng kasamaan sa kanilang mga lipunan na kanilang sinumpaang paglingkuran, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y hindi manghinawa sa ating pananalangin upang hindi manaig ang mga masasamang espiritu sa ating buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at mga nagdurusa nawa’y mapalaya sa kanilang mga paghihirap, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga tapat na yumao nawa’y masiyahan sa pagsikat ng liwanag ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, nagbubunyi kami sa nag-uumapaw mong pag-ibig sa amin. Itatag mo nawa ang iyong kapangyarihan sa amin at maging lagi ka naming kasama sa landas ng buhay. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Mula Batanes hanggang… saan?

 44,024 total views

 44,024 total views Mga Kapanalig, may mga teritoryo na naman ng Pilipinas na inaangkin ng mga taga-China.  Sa isang pagtitipon ng mga akademiko sa China, sinabi

Read More »

Walang nakahihigit sa batas

 118,638 total views

 118,638 total views Mga Kapanalig, tuluyan nang naisailalim sa kustodiya ng Sandiganbayan si Senador Rodante Marcoleta matapos siyang arestuhin dahil sa kasong plunder. Naganap ito apat na

Read More »

Objection!

 198,717 total views

 198,717 total views Mga Kapanalig, nagsimula na ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.  Sa unang mga araw ng paglilitis, nakatuon ang Senado, bilang impeachment

Read More »

PAHIRAP SA MGA PILIPINO

 241,856 total views

 241,856 total views Kapanalig, nakakahinga ka pa napakabigat na pasanin? Ipinagmamalaki ng pamahalaan na bumagal ang inflation sa bansa na naitala sa 6.4-percent noong nakaraang buwan

Read More »

BURNOUT

 240,322 total views

 240,322 total views Kapanalig, sa Southeast Asia, ika-apat ang Pilipinas sa happiest country. Ika-56 naman ang Pilipinas mula sa 147 na bansa sa buong mundo na

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Sabado, Hulyo 18, 2026

 1,324 total views

 1,324 total views Sabado ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado Mikas 2, 1-5 Salmo 9, 22-23.

Read More »

Biyernes, Hulyo 17, 2026

 2,866 total views

 2,866 total views Biyernes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Isaias 38, 1-6. 21-22. 7-8 Isaias 38, 10. 11. 12abkd. 16 Buhay ko’y ‘yong iniligtas,

Read More »

Huwebes, Hulyo 16, 2026

 4,406 total views

 4,406 total views Huwebes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Isaias 26, 7-9. 12. 16-19 Salmo 101, 13-14ab at 15. 16-18. 19-21 Mula sa iyong

Read More »

Miyerkules, Hulyo 15, 2026

 5,491 total views

 5,491 total views Paggunita kay San Buenaventura, obispo at pantas ng Simbahan Isaias 10, 5-7. 13-16 Salmo 93, 5-6. 7-8. 9-10. 14-15 Ang Poo’y di tatalikod

Read More »

Martes, Hulyo 14, 2026

 6,170 total views

 6,170 total views Martes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Camilo ng Lellis, pari Isaias 7, 1-9 Salmo 47, 2-3a. 3b-4.

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top