1,597 total views
Paggunita kay San Juan de la Cruz, pari at pantas ng Simbahan
Isaias 45, 6b-8. 18. 21b-25
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14
Lupang tiga’y ‘yong diligin,
Poon, sa ‘yong pagdating.
Lucas 7, 19-23
Memorial of St. John of the Cross, Priest and Doctor of the Church (White)
Mga Pagbasa mula sa
Miyerkules ng Ika-3 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
UNANG PAGBASA
Isaias 45, 6b-8. 18. 21b-25
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
“Ako ang Panginoon,
Ako lamang ang Diyos at wala nang iba.
Ako ang lumikha ng dilim at liwanag,
Ako ang nagpapadala
ng kaginhawahan at kapahamakan.
Akong Panginoon ang gumagawa ng lahat ng ito.
Padadalhan kita ng sunud-sunod na tagumpay
parang masinsing patak ng ulan;
dahil dito maghahari sa daigdig
ang kalayaan at katarungan.
Akong Panginoon
ang magsasagawa nito.”
Ang Panginoon, ang Diyos, ang lumikha ng kalangitan,
Siya rin ang lumikha ng daigdig,
Ginawa niya itong matatag at ito’y mananatili,
ginawa niya itong isang mainam na tirahan.
Siya ang may sabing, “Akong Panginoon lamang
ang Diyos at wala nang iba pa.
Magsanggunian kayo.
Sino ang makahuhula ng mga bagay na magaganap?
Hindi ba akong Panginoon
ang Diyos na nagliligtas sa kanyang bayan?
Walang ibang Diyos maliban sa akin.
Lumapit kayo sa akin
at kayo ay maliligtas,
Kayong mga tao sa buong daigdig.
Walang ibang Diyos maliban sa akin.
Ako ay tapat sa aking pangako at di magbabago,
at tutuparin ko ang aking mga pangako:
‘Lahat ng tao ay luluhod sa aking harapan,
at mangangakong sila’y magtatapat sa akin!’
“Sasabihin nila,
tanging nasa Panginoon
ang kapangyarihan at pagtatagumpay,
at mapapahiya sinumang sa kanya’y lalaban.
Ngunit ang lahi
ng bansang Israel ay magtatagumpay,
matatamo nila ang kadakilaan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14
Lupang tiga’y ‘yong diligin,
Poon, sa ‘yong pagdating.
Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
Lupang tiga’y ‘yong diligin,
Poon, sa ‘yong pagdating.
Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.
Lupang tiga’y ‘yong diligin,
Poon, sa ‘yong pagdating.
Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.
Lupang tiga’y ‘yong diligin,
Poon, sa ‘yong pagdating.
ALELUYA
Isaias 40, 9-10
Aleluya! Aleluya!
Ito’y balitang masaya,
ihayag mo sa balana:
“Panginoo’y narito na!”
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 7, 19-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, tinawag ni Juan ang dalawa sa kanyang mga alagad at pinapunta sa Panginoon upang itanong, “Kayo po ba ang paririto, o maghihintay pa kami ng iba?” Pagdating nila kay Hesus ay kanilang sinabi, “Pinaparito po kami ni Juan Bautista at ipinatatanong kung kayo ang paririto o maghihintay pa kami ng iba.” Nang mga sandaling yaon ay maraming pinagaling si Hesus: mga pinahihirapan ng karamdaman, at mga inaalihan ng masasamang espiritu. Ipinagkaloob niyang makakita ang mga bulag. Sinabi niya sa kanila pagkatapos, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ang inyong nakita at narinig: nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Adbiyento
Miyerkules
Ihandog natin nang may isang puso at diwa ang ating mga panalangin sa Ama na hindi lamang nagpapatawad ng ating mga kasalanan bagkus nagpapagaling ng mga sugat na sanhi ng kasalanan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, basbasan mo kami.
Ang Simbahan nawa’y maging isang tanda ng awa at pagpapatawad ng Diyos sa buong mundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga lumayo sa Simbahan dahil sa kasalanan nawa’y matuklasan ang pagpapatawad ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pamilyang watak-watak at nagkakalayo nawa’y muling pagsamahin ng nagpapagaling na pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makadama ng ginhawa at pag-asa sa pamamagitan ng ating mga panalangin at mabubuting gawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y maranasan ang liwanag ng walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos na aming Ama, tulungan mo kaming ihatid ang iyong pagpapatawad at kapayapaan sa mga taong aming nakakadaupang-palad. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.