3,414 total views
Miyerkules ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
2 Corinto 9, 6-11
Salmo 111, 1-2. 3-4. 9
Mapalad s’ya na may takot
sa Diyos na magandang-loob.
Mateo 6, 1-6. 16-18
Wednesday of the Eleventh Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
2 Corinto 9, 6-11
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, tandaan ninyo ito: ang naghahasik ng kakaunti ay mag-aani ng kakaunti, at ang naghahasik naman ng marami ay mag-aani ng marami. Ang bawat isa’y dapat magbigay ayon sa sariling pasiya, maluwag sa loob at di napipilitan lamang, sapagkat ang ibig ng Diyos ay kusang pagkakaloob. Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay higit pa sa inyong pangangailangan — upang may magamit kayo sa pagkakawanggawa. Gaya nga ng sinasabi ng Kasulatan:
“Siya’y namudmod sa mga dukha;
walang hanggan ang kanyang kabutihan.”
Ang Diyos na nagbibigay ng binhing ihahasik at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay sa inyo ng binhi at magpapalago nito upang mamunga nang sagana ang inyong kabutihang loob. Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay para lalo kayong makatulong sa marami. Sa gayo’y dadami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa inyong pagtulong na dadalhin ko sa kanila.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 111, 1-2. 3-4. 9
Mapalad s’ya na may takot
sa Diyos na magandang-loob.
o kaya: Aleluya.
Mapalad ang tao na may takot sa Diyos,
siyang sumusunod nang buong alindog.
Ang kanyang lipi’y magiging dakila,
pati mga angkan ay pinagpapala.
Mapalad s’ya na may takot
sa Diyos na magandang-loob.
Magiging sagana sa kanyang tahanan
katarungan niya’y walang katapusan.
Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanag.
Mapalad s’ya na may takot
sa Diyos na magandang-loob.
Mabait na lubha, lalo sa mahirap,
ang pagiging mat’wid ay di nagwawakas.
Buong karangalan siyang itataas.
Mapalad s’ya na may takot
sa Diyos na magandang-loob.
ALELUYA
Juan 14, 23
Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal
tutupad sa aking aral.
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 6, 1-6. 16-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo.
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Pag-ingatan ninyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Amang nasa langit.
“Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipagkamaingay ito, katulad ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw doon sa sinagoga at sa mga lansangan. Ginagawa nila ito upang purihin sila ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kung naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito kahit sa iyong pinakamatalik na kaibigan upang malihim ang iyong paglilimos. At gagantihan ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.
“At kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagpaimbabaw. Mahilig silang manalangin nang patayo sa mga sinagoga at sa mga panulukang-daan, upang makita ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Amang hindi mo nakikita, at gagantihan ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.
“Kapag nag-aayuno kayo, huwag kayong magmukhang malungkot, tulad ng mga mapagpaimbabaw. Hindi sila nag-aayos upang malaman ng mga tao na sila’y nag-aayuno. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Kapag ikaw ay nag-aayuno mag-ayos ka ng buhok at maghilamos upang huwag mapansin ng mga tao na nag-aayuno ka. Ang iyong Amang hindi mo nakikita ang siya lamang makaaalam nito. Siya, na nakakakita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim, ang gaganti sa iyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Manalangin tayo sa Diyos ng katotohanan at pag-ibig para sa mga biyaya ng katotohanan at katapatan sa Simbahan at sandaigdigan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panatilihin mo kaming malinis sa iyong paningin, O Panginoon.
Ang Simbahan nawa’y isaloob ang gawain at misyon ng pagpapanibago upang malinaw na maunawaan ng lahat si Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pari at mga relihiyoso nawa’y maging mga masigasig na tagapagpahayag ng Ebanghelyo sa pamamagitan ng pagsaksi sa kanilang sariling buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga lingkod pangmamamayan at komunidad nawa’y maging tapat at hindi makasarili sa kanilang gawain ng paghahatid ng katarungan, karangalan, at pagkakaisa sa mga taong kanilang pinaglilingkuran, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga nabibigatan sa buhay nawa’y makita ang di-karaniwang pag-ibig at pagkalinga ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga kapamilyang nag-aalala sa kanilang kapakanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y masiyahan sa walang hanggang kapayapaan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, tulungan mo kaming ibigin at paglingkuran ka sa diwa ng katotohanan sa pamamagitan ni Jesus na aming Daan patungo sa iyo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.